KIDAPAWAN CITY (Marso 7, 2023) – MAHALAGA na ang mga programang pang nutrisyon na ipinatutupad ng City Government of Kidapawan ay maging angkop sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na sa hanay ng kabataan sa pamamagitan ng mga Barangay Nutrition Scholars o BNS at Barangay Nutrition Council o BNC.
Kaya naman kamakailan ay nagsagawa ng isang orientation ang City Nutrition Council (CNC) para sa pagsasagawa ng Monitoring and Evaluation of Local Level Program Implementation o MELLPI Pro Tool na siyang gagamitin upang magsagawa ng evaluation/monitoring ng nutrition programs sa mga barangay at kung paano ito nakatutulong sa pagkamit ng wastong nutrisyon.
Isang evaluation team ang magsasagawa ng MELLPI Pro Tool at kinabibilangan ito ng iba’t-ibang tanggapan tulad ng City Nutrition Office, CSWDO, CAO, DILG, DepEd, CHO, CPDO, CIO, at World Vision (non-government organization) na nagtutulungan para sa maayos na pagpapatupad ng nutrition programs, ayon kay Melanie Espina, RND, ang City Nutrition Action Officer ng Kidapawan.
Kabilang naman ang mga sumusunod sa mga nutrition specific programs na ipinatutupad sa lungsod: Complementary Feeding Program, “Tutok Kainan” Program, Provision of Ready-to-use therapeutic food (RUTF) and Ready-to-use supplementary food (RUSF) Therapeutic Feeding Care.
Kasama pa dito ang Breastmilk Donation Program, Nutrition Month Celebration, School-based Feeding Program, at partnership feeding programs (OFW Federation, Liga Office of Kidapawan, Supplementary Feeding Program for Nutritionally at Risk and Teenage Pregnant Women na pawang mga nutrition specific programs din.
Pasok din sa specific programs ang Vitamin A Supplementation and Deworming, Supplementary Feeding Program for Daycare Children.
Sa kabilang dako, kabilang naman sa nutrition sensitive programs ang mga sumusunod: “Gulayan sa Tugkaran” (backyard gardening), Breastfeeding Awareness Month, “Pabasa sa Nutrisyon Program (reading materials), atKabaranggayan Dad-an og Proyekto og Serbisyo (KDAPS).
Maliban sa mga nabanggit na programang pang nutrisyon na kasalukuyang sumasailalim sa evaluation ay patuloy pa rin ang CNC sa monitoring sa mga barangay na may mga identified malnourished children, Barangay MELLPI Pro and Barangay Nutrition Council Advocacy Consultative Meeting at pagsasagawa ng trainings at iba pang aktibidad tulad ng Barangay Nutrition Scholars Congress at mga Resolutions and Ordinances ng CNC, ayon pa kay Espina.
Samantala, nitong Pebrero 21, 2023 ay sinimulan ng City Nutrition Evaluation Team (CNET) ang Search for the 2022 Outstanding Barangay Nutrition Scholar (BNS) ganundin ang Search for Most Functional Barangay Nutrition Council (BNC).
Sinusuri ng CNET ang mga BNS at BNC sa pamamagitan ng mahusay at epektibong pagpapatupad ng mga nutrition program sa pamamagitan ng mahusay na planning, organizing, advocacy, coordination, resource generation, documentation at maging record keeping at maging sa monitoring at evaluation ng mga programa.
Anim na mga barangay na ang nabisita ng CNET at ito ay kinabibilangan ng Linangkob, Kalaisan, Sumbac, Perez, San Roque at Gayola.
Lahat ng ito ay naglalayong mapalakas ang mga ipinatutupad na hakbang ng City Government of Kidapawan para sa pagtamo ng wastong nutrisyon sa pamamagitan ng CNC. (CIO-jscj//if//photos by CNC)
Malugod na tinanggap ng mga residente ng Barangay Onica ang muling pagbubukas ng KASIMBAYANAN o KAPULISAN, SIMBAHAN, at PAMAYANAN na naglalayong mapagtibay ang samahan ng ating mga kapulisan at ng publiko tungo sa progresibo at matiwasay na komunidad.
Nagsagawa ang ating mga kapulisan ng pagpupulong patungkol sa paglaban sa mga krimen, terorismo, at illegal na droga.
Nilahukan ito ng Kidapawan City Police Station sa pangunguna ni PCPT Razel C. Enriquez sa covered court ng Barangay Onica, Kidapawan City mga 9:00AM noong Pebrero 16,2023.
Nagsagawa din ng pagtuturo si PCPT Razel C. Enriquez tungkol sa Gender and Development, RA 9262(Batas Laban sa Karahasan sa Kababaihan), RA 7610(Batas na Nagproprotekta sa Pang-aabuso ng kabataan), RA 8353(Batas laban sa Panggagahasa). Matagumpay na natapos ang aktibidad sa mismong araw.
Isa sa mga espesyal na katangian at kasanayan ng mga drayber ay ang pagiging alisto at maingat nito mula sa disgraasya sa daan. Kayang-kaya nyang gumawa ng mga kalkuladong desisyon sa loob lamang ng ilang milliseconds upang maiwasan ang mga di inaasahanang pangyayari habang nagmamaneho. Ito ang dahilan kung bakit panatag ang pasahero sa mga eksperyensyadong mga drayber, subalit may mga pagkakataon na nagkakamali din sila ng tantya, lalo na at ang daan ay parang natuyong ilog. Iyan ang kalagayan ng daan sa purok 4 ng Brgy. Sto. Niño, dito sa lungsod ng Kidapawan.
Ang mga pangunahing produkto ng Purok ay kinabibilagan ng niyog at saging. Medyo abala din ang nabanggit na daan dahil ito ang syang nagsisilbing ugnayan papunta ng Sitio San Miguel at Brgy. Linangkob. Dahil sa panay na pagdaan ng mga sasakyan at ng tubig dito pababa papunta sa dalawang ilog – na madalas ding umaapaw, ay unti-unting natatangay ang mga lupa na syang sanhi ng pagsisilitawan ng mga malalaking bato. Iilan sa mga sasakyan na dumadaan dito ay nakaranas nang matumba o di naman kaya ay gumulong-gulong dahil sa kalagayan ng daan.
Matatandang nauna nang pinalagyan ng Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan ang dalawang ilog ng Pipe Culverts noong nakalipas na buwan. At ngayon naman, bilang tugon sa problema nila sa daan ay pinalagyan ito ng concrete road na may habang 270 meters na nagkakahalaga ng P2, 921, 801. Sa wakas nga ay kumpleto na ang rehabilitsayon ng daan sa nasabing lugar. Tuluyan nang napawi ang matinding pag-aalala ng lahat na dumadaan at nakatira sa lugar sapagkat, di na kailangan pang magpaese-ese ang mga motorista upang maiwasan ang malalaking bato at di na rin mangangamba ang mga pasahero sa posibilidad na sila ay gumulong dahil sa pangit na daan.
Labis naman ang naging galak ng mga residente ng purok 4 ng brgy. Sto Niño at ng mga karatig pook na dumadaan sa nasabing daanan sa proyekto na ipinatupad ng City Governement of Kidapawan. Dahil sa kaginhawaan at katiwasayan na dala ng proyekto ng gobyerno.
KIDAPAWAN CITY (Marso 2, 2023) – NATUPAD ang pangarap ng mga guro at mag-aaral ng abot sa 29 paaralan sa Lungsod ng Kidapawan matapos na mapagkalooban sila ng mga bago at matitibay na mga upuan o armchairs na kanilang gagamitin sa loob ng classrooms.
Sa naturang bilang, 13 dito ay mga secondary o high schools at 16 ay mga primary o elementary na lubos na nangangailangan ng mga upuan para sa mga batang naka-enroll sa paaralan.
Kabilang naman sa talaan ng mga high schools na nakabiyaya ng armchairs ay ang Saniel Cruz National High School, Mt. Apo National High School – Balabag Extension, Mariano Mancera Integrated School, Amas National High School, Datu Igwas IP School, Linangkob National High School, Mt. Apo National High School, Lake Agco Integrated School, Kalaisan National High School, Spottswood National High School, Juan P. Jalipa National High School, Manongol National High School, at Lanao National Highschool.
Nakatanggap ng tig-38 bagong armchairs ang nabanggit na mga high schools.
Sa kabilang dako, ang mga sumusunod na elementarya ay nakatanggap din ng mga bagong upuan at ito ay kinabibilangan ng Lake Agco Integrated School, Sayaban Elem School, Mariano Mancera Integrated School, Bangsamoro Elem School, Mateo Elem School, Luvimin Elem School, Marbel ElemSchool, Datu Pananggom E. Andagkit Memorial Elem School, Junction Elem School, Mateo Olodin Memorial Elem School, Paco Central Elem School, San Miguel Elem School, Sikitan Elem School, Gayola Elem School, San Isidro Elem School, at Lanao Elem School.
Bawat elementary school ay nakatanggap ng tig-31 bagong armchairs.
Mula sa Special Education Fund o SEF ng City Government ang pondong ginamit sa pagpapagawa at pamamahagi ng mga upuan kung saan abot sa P1,450,000 ang total appropriation ng City Government para sa proyekto, ayon sa Office of the City Budget Officer.
Para sa mga guro, napakahalaga ang pagkakaroon ng mga bagong upuan para naman makapag-aral ng mabuti ang mga bata kung saan komportable ang mga ito sap ag-upo.
Bago raw dumating ang mga bagong armchairs sa kanilang mga classrooms, ay mga mono-block chairs at mga sirang armchairs ang gamit ng mga bata at ang pinakamatindi pa ay sa sahig na lamang umuupo at nagsusulat ang mga bata dahil sa kakulangan o kawalan ng mauupuan. Ibinahagi din nila kung saang mga classrooms napunta ang mga bagong upuan.
Sinabi ng mga guro na malaki ang epekto sa mga mag-aaral kung nahihirapan sila dahil sa kakulangan ng pasilidad tulad na lamang ng arm chair.
Tuwang -tuwa naman ang mga mag-aaral sa pagkakaroon nila ng mga bagong upuan. Lalo daw silang gaganahan sa pag-aaral dahil sa biyayang natanggap mula sa City Government of Kidapawan.
Sa huli ay pinasalamatan ng kapwa guro at mag-aaral ang City Government of Kidapawan at si Mayor Atty Jose Paolo Evangelista sa patuloy na suporta at pagbibigay ng ayuda sa mga paaralan sa lungsod tungo sa pagtamo ng kalidad na edukasyon para sa mga kabataan.
Matapos naman ang distribusyon o pamamahagi ng libreng upuan sa mga nabanggit na paaralan ay mabibigyan at mabibiyayaan din ng katulad na ayuda ang iba pang mga paaralan sa lungsod.
Para sa Luntian Kidapawan Reports, ako si Jimmy Sta Cruz ng City Information Office nag-uulat.
KIDAPAWAN CITY (Marso 1, 2023) – DALAWANG parangal ang nakamit ng Office of the City Civil Registrar ng Kidapawan sa katatapos lamang na pagdiriwang ng 33rd Civil Registration Month nitong buwan ng Pebrero.
Ito ay kinabibilangan ng Most Outstanding Local Civil Registry (1st Place) sa buong Cotabato Province kung saan tumanggap ang OCR Kidapawan ng Plaque of Recognition mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) – Cotabato Provincial Statistical Office.
Iginawad sa OCR Kidapawan ang naturang parangal dahil na rin sa mahusay na pagpapatupad ng mandato ng tanggapan at ganundin ang mga programa ng PSA kabilang na ang free late birth, marriage, and death registration sa kasagsagan ng 33rd Civil Registration Month.
Dagdag pa rito, ay nakamit din ng OCR Kidapawan ang 1st Place sa Infographic Making Contest na nilahukan ng iba’t-ibang mga OCR sa Cotabato Province. Nasungkit ng tanggapan ang panalo dahil sa mahusay na visual presentation ng impormasyon at data sa mga stakeholders.
Iginawad ang dalawang parangal sa Closing Ceremony ng 33rd Civil Registration Month sa PSA Regional Statistical Office 12, Koronadal City nitong Pebrero 28, 2023 kung saan pormal na tinanggap ni City Civil Registrar Mercedes P. Tolentino ang plaque at certification na kapwa may lagda ni Engr. Belinda R. Penuela, Chief Statistical Specialist, PSA 12.
Kaugnay nito, sinabi ni Tolentino na nagpapasalamat ang buong OCR Kidapawan sa mga parangal na kanilang nakamit kasabay at tiniyak na magpapatuloy ang tanggapan sa pagganap ng kanilang tungkulin para sa ikabubuti ng mamamayan.
Alinsunod rin daw ito sa mandato ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na ihatid o ibigay ang makatotohanang serbisyo publiko sa mamamayan ng lungsod, dagdag pa ni Tolentio.
Tema ng 33rd Civil Registration Month ngayong Pebrero 2023 ay “PSA @10: Providing Efficient and Effective Civil Registration and Vital Statistics through Digital Transformation”. (CIO-jscj//if)