Author: IAN FAMULAGAN

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY – (March 4, 2024) SAMPUNG (10) mga farms sa lungsod ang kinilala sa kanilang ‘good practices’ sa pagtatanim at pangangalaga sa kalikasan.

Binigyang pagkilala at sinertipikahan ng Philippine Good Agricultural Practices o PHILGAP ng Department of Agriculture o DA ang mga sumusunod na farms sa Kidapawan City: Heaven’s Bounty Farm ng Barangay Binoligan, Bukid sa San Miguel @ Jecirca Farm ng Barangay Sikitan, AM Basilan Farm, IBGIR Farm at JC Agriventure ng Barangay Meohao, Dr. Alfred’s Essentials Inc ng Barangay Birada, CJAF Farm ng Barangay Balabag, SOBEE-IT Farm at Salvador Farm ng Barangay Ginatilan, at Cresenta Integrated Farm ng Barangay Indangan.

Ibig sabihin nito ay ligtas at mataas ang kalidad ng kanilang mga produkto, hindi nakakasira sa kalikasan ang kanilang pagsasaka, maging sa kalusugan at kapakanan ng kanilang mga farm workers.

Iniabot ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, City Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr. at mga kagawad ng Sangguniang Panlungsod sa mga nagmamay-ari ng naturang mga farms ang insentibong tig P10,000 cash mula sa DA sa ginanap na Convocation Program ng City Government nitong lunes ng umaga, March 4, 2024.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (March 4, 2024) ABOT SA 1,806 na mga puno ng Mangosteen, Durian, Lanzones, Rambutan at Pomelo ang itinanim ng apat na Gagmay’ng Kristohanong Katilingban o GKK sa tatlong barangay ng lungsod. May 346 households ng naturang mga GKK ang lumahok sa pagtatanim ng mga assorted fruit trees.

Bilang pagkilala at pasasalamat sa kanilang mahalagang ambag sa Canopy’25 program ng City Government, tumanggap ng tig P10,000 cash incentive mula kay City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang apat na GKK nitong umaga ng Lunes, March 4 sa Convocation Program ng City Government.

Tumanggap ng parangal ang mga GKK ng: Birhen sa Kasilak at Sr. San Agustin ng Barangay Linangkob, Sto. Niño ng Barangay Balabag at Our Lady of the Immaculate Conception ng Barangay Marbel.

Mahigit na sa isang milyong dami ng mga punongkahoy ang naitanim na sa iba’t-ibang lugar sa lungsod simula ng ipatupad ng City Government ang Canopy’25 noong nakalipas na taon.

thumb image

Kidapawan City — (March 3, 2024) Nararanasan na ngayon ng Lungsod ng Kidapawan ang mas mainit na panahon at kakaunting bilang ng mga pag-ulan.

Ayon din sa PAGASA, posibleng maramdaman na rin ng bansa ang strong at mature El Niño na magdudulot pa ng mas maalinsangang panahon sa mga susunod na buwan.

Bilang paghahanda ng City Disaster Risk Reduction & Management Council ay nakipagpulong ito sa mga kinatawan ng City Agriculture, BFP Kidapawan, Kidapawan City PNP, Cotabato Electric Cooperative, Metro Kidapawan Water District at City Social Welfare and Development Office.

Mga ahensya na malaki ang magiging papel sa pagharap ng Lungsod sa posibleng maidulot ng malawakang panahon ng tag-init dito.

Inabisuhan ngayon ang publiko sa mga sumusunod na hakbang na maari nilang gawin, para makatulong sa komunidad:

✅️Mahigpit na ipinagbabawal ang illegal tapping sa koneksyon ng linya ng tubig, na may kaakibat rin na kaparusahan sa MKWD.

✅️Iwasan rin ang pagsusunog sa mga taniman at sakahan na posibleng pagsimulan ng Bush fire incident.

✅️Sa mga tahanan naman, ugaliing i-unplug ang di ginagamit na mga appliances, upang makatipid sa kuryente.

✅️Para makaiwas naman sa pagtaas ng bilang ng mga Dengue Cases, takpan ang mga naipong tubig sa mga containers upang hindi pamugaran at pangitlogan ng mga lamok.

Paalala ng CDRRMC sa lahat na mas mabuti na maging responsible ang bawat isa, lalo na ngayong panahon ng El Niño.

thumb image

Kidapawan City – (March 2, 2024) Matagal ng inaasam at inaabangan ng mga Kidapaweños ang pagkakaroon ng Traffic Lights sa lungsod.

Nobyembre noong nakaraang taon, ng isinagawa ang Groundbreaking Ceremony sa dalawang pangunahing intersection dito, partikular na sa may Davao Central Warehouse at sa harap ng Iglesia ni Cristo.

Inaasahang sa buwan ng Mayo matatapos at magiging operational na ang mga Traffic lights, pero nitong linggo lamang ay makikita na ng publiko na nakatayo na ang Pedestal, Arm Poles at Straight Poles nito.

Ayon kay City Engineer Julito S. Hernandez nasa 90% na ang Civil Works nito at halos lahat ng mga gagamitin para sa proyekto ay nasa lungsod na rin kaya aasahang mas mapapabilis ang pagtratrabaho dito.

Dagdag pa ni Engr. Hernandez, isinasagawa na rin ang mga Underground Cable System na kadalasan sa gabi tinatrabaho ng mga assigned personnel.

Posibleng sa susunod na linggo na rin gagawin ang pag-assemble sa mismong traffic lights para ma install na ito at magpapatuloy na rin ang pag-sasaayos sa mga kinakailangang wirings dito.

Isa ito sa pangako ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, umaasa ang pamunuan na sa pamamagitan ng nasabing proyekto maiiwasan na ang aksidente at iba pang mga problema sa daan.

Layon din nito, na maging ligtas ang bawat isa lalo na ang mga motorista at mga commuters na araw-araw tinatahak ang mga pangunahing daan sa Kidapawan City.##Ryzyl M. Villote

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (March 1, 2024) ISANG LIBONG PISONG (P1,000) transportation allowance ang ibinigay ng City Government sa bawat isa sa mahigit dalawang daang (262) guro ng private pre-school, elementary, junior at senior high school sa lungsod.

Ayon kay City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, ang pamimigay ng transportation allowance sa mga guro ng private schools ay bilang pasasalamat ng City Government sa maayos na pagtuturo sa mga bata na naka enroll sa kanilang eskwelahan upang maging produktibong mamamayan.

Maliban sa pagpapasalamat, batid din ng City Government ang mahahalagang kontribusyon ng mga private schools sa pagpapa-unlad ng sektor ng edukasyon sa Kidapawan City.

Ito ay first tranche pa lamang ng pamimigay ng transportation allowances sa mga private school teachers, wika pa ng alkalde.

Magbibigay muli para sa second tranche ng transportation allowances sa mga private school teachers ang City Government sa mga susunod na buwan.

Ang pamimigay ng transportation allowances sa mga guro sa private school ay ginanap sa City Gymnasium ngayong araw, March 1, 2024.

Maliban kay Mayor Evangelista, naroon din ang presensya ni DepEd Schools Division Superintendent Miguel Fillalan, Jr., mga opisyal ng DepEd at ilang Department Heads ng City Government.

May labingsiyam(19) na pre-school, elementary, junior at senior high schools sa Kidapawan City.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (March 1, 2024) Tuwing buwan ng Marso bawat taon ay ginugunita sa buong bansa ang Fire Prevention Month.

Kaya naman, patuloy ang panawagan ng City Government of Kidapawan at ng Bureau of Fire Protection o BFP sa lahat na maging alerto para maiwasan ang mga insidente ng sunog.

Ilan lamang sa panawagan ng otoridad ay ang mga sumusunod:

Ugaliin dapat na tanggalin din sa saksakan ang mga appliances kapag brown out, lalo na kung walang tao sa bahay.

Dapat din na suriin kung napupunit na rin ba ang wirings ng mga ito dahil pwedeng makasanhi ng sunog o di kaya ay makakuryente sa gumagamit. Kapag bibili naman ng gamit de kuryente, tiyaking makapal ang wire nito at sertipikado ng Department of Trade and Industry o DTI para ligtas gamitin.

I-switch Off din ang mga regulator ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) o electric stove kung hindi ginagamit. Kung uling o kahoy naman ang ginagamit panggatong sa pagluluto, buhusan ito ng tubig pagkatapos magluto para matiyak na wala na itong apoy.
Ilayo din ang mga bagay na madaling magliyab tulad ng posporo, lighter, mga kemikal, tela, papel, plastic at iba pa sa mga bata dahil pwedeng paglaruan nila ang mga ito na magreresulta sa sunog.

Patayin din ang mga kandila o gasera kapag matutulog na.

Iwasan din ang magsunog ng mga tuyong damo o basura para maka-iwas sa insidente ng grass fire lalo na at mainit ang panahon.

Sa mga business establishment dapat tiyakin na gumagana ang inyong mga fire extinguisher at pagkakaroon ng angkop na fire emergency exit.

Mangyaring makipag-ugnayan sa inyong mga opisyal sa purok o barangay kapag may mga bagay na posibleng maglikha ng sunog sa mga komunidad tulad ng mga nakahambalang na linya ng kuryente.

Hinihikayat naman ang lahat na suportahan ang panawagan at mga aktibidad ng Fire Prevention Month sa kampanya ng otoridad laban sa sunog.

Tema ng 2024 Fire Prevention Month ay “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa”.

thumb image

Kidapawan City – (March 1, 2024) Dumulog ang isang ina sa tanggapan ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista upang humingi ng tulong para sa pagpapauwi ng kanyang anak mula Qatar na isang Overseas Filipino Worker (OFW).

Ayon kay Mrs. Josephine Eusebio nagkasakit ang kanyang anak sa ibang bansa at nag-aalala sila sa kalagayan nito. Sabi pa ng ina wala na itong pamasahe para makauwi sa Kidapawan City dahil sa binawas ng amo nito ang gastos sa pagpapagamot sa kanyang anak.

Agad na inasikaso ng Public OFW Desk Office (PODO) ang pagpapauwi kay Ms. Juvy Eusebio, 27yo, may asawa at dalawang anak na taga Sitio Nazareth, Barangay Amas, Kidapawan City.

Kahapon, February 29 sinundo ng mga tauhan mula sa PODO kasama ng mga magulang nito at ni Barangay Amas Kgd. Fe Savillo si Juvy sa Davao International Airport at inihatid sa mismong tahanan nito.

Si Juvy ay nagtrabaho sa Qatar bilang domestic helper, subalit napagpasyahan nyang hindi tapusin ang kanyang kontrata dahil sa iniindang sakit nito. Sya ay umalis ng bansa nito lamang Setyembre ng nakaraang taon.

Ipinaabot naman ng pamilya at ni Juvy ang taos pusong pasasalamat kay City Mayor Evangelista sa pagtugon sa inilapit na problema sa kanyang tanggapan.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – (February 29, 2024) TATLONG DAANG mga franchise holder na drivers at operators ng tricycle ang dumalo at sumailalim sa mandatory seminar para sa kanilang renewal noong Martes, February 27.

Pangunahing requirememt sa renewal ng permit to operate ng tricycle ang seminar, ayon pa Traffic Management and Enforcement Unit (TMEU) at City Tricycle Franchising and Regulatory Board (CTFRB) na silang nangasiwa sa pagbibigay ng seminar.

Nagseminar patungkol sa batas trapiko at respetadong pakikitungo sa riding public ang mga driver at operator na bigong makapagseminar nitong buwan ng Nobyembre 2023.

Ang nasabing schedule ay isa sa dalawang nakapalugit na seminar para sa mga tricycle franchise holders.

Payo ng TMEU at CTFRB na samantalahin na ng mga hindi pa nakapagseminar ang huling schedule na ibibigay ng City Government sa darating na March 5.

May 3,355 ang bilang ng tricycle franchise holders sa lungsod noong 2023, ayon pa sa CTFRB.

Venue ng aktibidad ang City Convention Center.

thumb image

Kidapawan City – (February 29, 2024) Patuloy ang pagbibigay ng mga Serbisyo ng Lokal na Pamahalaan at City Health Office sa pamamagitan ng Kabaranggayan Dad an ug Proyekto ug Serbisyo (KDAPS) Expand Health Services para sa usapin ng maayos na pangangatawan at kalusugan ng mga Kidapawaneños.

Umabot sa 299 na indibidwal ang nabigyan ng Serbisyong Pangkalusugan sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City ngayong araw February 29.

Kasama sa binigyan ng atensyon ng mga Doctor, Nurses at mga kawani ng ahensya ang Medical Check-up, Information Dissemination sa mga sakit na nararanasan sa panahon ngayon, Dental Services, Laboratoryo at pamimigay rin ng libreng gamot.

Personal na dinaluhan ni City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang nasabing programa kaninang umaga.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga Opisyales ng barangay at mga residente nito sa Alkalde sa tulong medical na naipaabot nito sa kanila.

thumb image

Kidapawan City (February 21, 2024) – Mas maraming kongkretong daan ang nais maipagawa ng Lokal na pamahalaan ng Kidapawan sa mga barangay.

Ngayong araw February 21, apat na magkakasunod na groundbreaking ceremony na nagkakahalaga ng 20 Million Pesos ang pinangunahan mismo nila City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista, City Vice Mayor Melvin E. Lamata, Jr. at mga City Councilors

Kabilang sa nabigyan ng proyekto ang Purok 5 sa Brgy. Mua-an, Purok 2A sa Brgy. Manongol, Purok 4 sa San Roque at Purok 3 sa Brgy. Katipunan.

Mismong ang mga Punong Barangay ang tumanggap sa mga proyektong inihandog sa kanila ng pamahalaan.

Malaki ang kanilang pasasalamat sa nasabing mga proyekto lalo pa at alam nila ang hirap na nararanasan ng kanilang mga nasasakupan sa tuwing babyahe sa mga daang nabanggit.

Umaasa sila na maiibsan na rin ang hirap ng mga motorista sa tuwing dadaan sa lubak-lubak at sira-sirang daan dahil sa magsisimula na ang pag-sasaayos dito.

Makakaasa ang bawat Kidapaweños na mas maraming proyekto pa ang isasagawa ng LGU, lalo na sa mga malalayong Barangay na problema rin ang transportasyon.

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio