NEWS | 2023/05/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Mayo 10, 2023) – ONE is to one na ang ratio ng taglay na communication equipment ng mga Purok Presidents at mga Barangay Peacekeeping Action Team – Special Action Team sa Barangay Poblacion, Kidapawan City.
Ito ay matapos ang Orientation and Distribution of Communication Equipment na bago lamang ginanap sa Regional Evacuation Center, Barangay Sudapin ng lungsod.
Tiyak namang magiging mas mabilis at sistematiko na ang magiging takbo ng komunikasyon sa pagitan ng naturang sektor at ng Kidapawan City Police Station o KCPS kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Abot sa 60 na mga purok presidents at 48 na mga BPAT-SAT ang nabigyan ng tig-isang communication equipment sa naturang okasyon at tiniyak na bawat isa ay nakatanggap nito.
Magagamit nila ito sa pagbibigay ng impormasyon at pag-report ng mga emergency situation tulad ng krimen, kalamidad, at iba pang pangyayari.
Si Cyril Evangelista mula sa Office of the City Mayor ang nagbigay ng rationale ng pamamahagi ng communication equipment kung saan binigyang-diin niya na bahagi ito ng layuning mapalakas at mapabilis ang komunikasyon ng mga barangay sa mga ahensiya tulad ng PNP, BFP, 911 at maging sa COTELCO at ang Barangay Affairs Office sa pamamagitan ng mga makabagong communication equipment/gadget.
Ibinahagi naman ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer o CDRRMO Psalmer Bernalte ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon upang maibigay ang tamang impormasyon sa kinauukulan sa pamamagitan ng communication etiquette and process.
Sinabi din ni Bernalte na sa pamamagitan ng epektibong komunikasyon ay mabilis na marerespondihan ang mga emergency at agad ding makakakilos ang kinauukulan tulad ng pulis, bombero, search and rescue responders, at iba pa.
Sa kanyang panig, nagbigay naman ng lecture si Paquito Jacolbe, Jr., Board of Director ng KATROPA CIVICOM at miyembro ng Philippine Practical Shooting Association o PPSA patungkol sa basic operation ng communication equipment at inihalimbawa ang paggamit ng two-way hand-held radios at iba pa.
Ilan sa mga partisipante ay may alam na sa paggamit ng communication equipment ngunit marami pa rin ang kailangang turuan sa basic operation kaya’t itinuro sa kanila ang ilan mga practical steps tulad ng switch-on, switch-off, press to talk o PTT, at iba pa.
Nagbigay din ng message of support si Deputy Chief of Police Captain Razel E. Enriquez at tiniyak ang agarang aksyon ng local police sa mga tawag mula sa mga Purok Presidents at BPAT.
Ibinahagi din ni Enriquez ang papel ng Barangay Information Network for Support o BINS na sinimulan ng itatag at palakasin sa mga barangay at may layuning ipaalam agad sa local police ang mga insidenteng may kinalaman sa terorismo, nakawan, pagpatay, harassment and threat, at iba pang uri ng krimen.
Hindi naman ipinagkait ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang pagkakataon para bisitahin ang mga Purok Presidents ng Poblacion ganundin ang mga kasapi ng BPAT-SAT.
Ipinahayag din niya ang malaking suporta sa mga ito lalo na sa pagsugpo ng krimen sa mismong barangay sa pamamagitan ng maagap ng reporting at pagbibigay ng eksaktong impormasyon.
Para sa alkalde, walang puwang ang mga masasamang loob sa Kidapawan City dahil nais ng mamamayan nito na mapanatili ang katahimikan at kapayapaan at ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng lungsod.
Samantala, susunod namang mabibigyan nv communication equipment ang mga purok sa iba pang barangay sa susunod na mga araw. (CIO)