NEWS | 2023/09/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (September 1, 2023) WELCOME DEVELOPMENT para sa City Government ang kahilingan ng Simbahang Katolika na magkipagtulungan sa usapin ng Climate Change.
Nagpadala ng liham ang Diocese nitong August 18, 2023 kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista upang gawing kabalikat nito sa kanilang programang Integral Ecology Ministry, kung saan kabilang sa mapag-uusapan ang mga maaaring solusyon sa climate change.
Ayon pa kay Bishop Colin Bagaforo, DD., layon ng Diocese na isama, ang pangangalaga sa kalikasan, sa kanilang ginagawang pagpapalaganap sa mga turo ng simbahan.
Umaasa din ang Diocese na mabibigyan sila ng seedlings ng iba’t-ibang uri ng puno, para maitanim ng mga miyembro nito, sa mga lugar na sakop ng mga GKK o Gagmay’ng Kristohanong Katilingban at mga barangay.
Isinusulong din nila ang mga backyard gardens tulad ng pagtatanim ng iba’t-ibang klase ng gulay at fruit trees sa mga komunidad.
Positibo ang City Government na maisasakatuparan ang partnership lalo na at alinsunod ito sa flagship program ni Mayor Evangelista, na Canopy25, kung saan target nito na makapagtanim ng 2.5 Million na bilang ng puno sa lungsod, bilang proteksyon sa kalikasan at para narin sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.##(CIO/lkro)