NEWS | 2023/07/24 | LKRO
KIDAPAWAN CITY β (July 24, 2023) MATUTUPAD na ang matagal ng hangarin ng mga mag-aaral sa dalawang IP communities ng lungsod na magkaroon ng panibagong silid aralan.
Ito ay matapos ang groundbreaking ceremony (July 20, 2023) ng dalawang magkahiwalay na Two Classroom School Building Project sa Sumayahon Elementary School ng Barangay Perez at Lake Agco Integrated School ng Barangay Ilomavis, na kapwa matatagpuan sa lugar na tirahan ng mga Indigenous Peoples sa Kidapawan City.
Joint project ng GMA Kapuso Foundation, City Government of Kidapawan, DepEd City Schools Division, Philippine Army 52nd Engineering Brigade, PHINMA Construction at iba pang partners ang naturang mga itatayong bagong silid aralan. Tulong ito mula sa inisyatibo ng GMA Kapuso Foundation bilang tugon sa pangangailangan ng bagong silid aralan sa naturang mga ewkwelahan na sinalanta ng October 2019 earthquake.
Una nang na-identify ng City Government ang Sumahayon at Lake Agco na tamang pagtayuan ng bagong school building dahil na rin sa matatag ang lupang paglalagakan ng proyekto.
Pinasalamatan naman ni GMA Kapuso Foundation Executive Vice President at Chief Operating Officer Luz Annalee Escudero β Catibog si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at si dating City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd Legislative District Senior Board Member Joseph Evangelista sa kanilang aktibong pakikipagtulungan sa GMA Kapuso Foundation para maisakatuparan ang nabanggit na proyekto.
Makatitiyak ang mga magulang na ligtas na papasok ang mga bata sa naturang mga bagong silid aralan na pinaplanong itatayo agad at matatapos naβt maibibigay na sa komunidad pagsapit ng buwan ng Oktubre 2023, ani pa ni GMA Kapuso Foundation EVP/COO Catibog.
Pumirma sa isang Memorandum of Agreement o MOA sina Mayor Evangelista, GMA Kapuso Foundation EVP/COO Catibog, DepEd City Schools Division Superintendent Dr. Natividad Ocon, PHINMA CSR Manager Derik Tabunar, Army10th Infantry Division Commander MGEN Jose Eriel Niembra, at Army 52nd Engineering Brigade Commander BGEN Francis Marlon Wong para sa pagsasakatuparan ng proyekto.
Sa GMA Kapuso Foundation magmumula ang pondo samantalang pagtutulungan namang itatayo ng Army Engineering Brigade at City Government of Kidapawan ang mga bagong silid aralan, base pa sa mga nakasaad na probisyon ng MOA.
Dumalo naman ng mga barangay at school officials, tribal leaders at mga magulang ng mga bata sa Ceremonial Groundbreaking ng naturang mga itatayong dalawang bagong 2-classroom building. ##(CIO/lkro)