NEWS | 2023/09/13 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (September 11, 2023) NAGPAPASALAMAT si Relian Jean Sampilo dahil nakauwi na sya sa kanyang pamilya sa Purok 5, Barangay San Isidro, dito sa lungsod, sa tulong na rin ng Lokal na Pamahalaan dito.
Nakauwi ang 26 taong gulang na si Sampilo, isang household worker sa bansang Jordan, matapos lumapag ang kanyang sinasakyang eroplano sa Manila International Airport nito lang September 8, 2023.
Nitong nakaraang buwan ng Agosto, humingi ng tulong ang mga kaanak ni Sampilo kay City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista para maiuwi siya ng bansa, matapos ang kanyang aksidenteng pagkahulog mula sa ikatlong palapag ng gusali habang naglilinis sya ng bintana.
Naoperahan sa pagkakabali ng kanyang mga binti si Sampilo kung kaya at naratay ito sa isang ospital sa Jordan ng ilang linggo.
Inatasan ng alkalde si Rose Astudillo, ang City Public OFW Desk Officer (CPODO), na agad makipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa national at regional offices nito para maiproseso ang pagpapauwi sa bansa ni Sampilo.
Sinagot naman ng kanyang employer ang pagpapa-opera sa OFW.
At dahil nga sa kanyang maselang kalagayan, ipinasundo sya ng alkalde sa ambulansya ng LGU, kasama ni CPODO Astudillo at mga opisyal ng OFW Federation Incorporated, nitong September 9 sa Davao International Airport at hinatid sa kanyang tirahan sa Barangay San Isidro ng lungsod.
Tutulungan din ng City Government na maproseso ang tulong kabuhayan sa pamilya ng OFW, sa pamamagitan ng Balik Pinas Balik Hanapbuhay Livelihood Assistance, habang nilalakad na rin ang medical assistance mula naman sa City Health Office para sa tuluy-tuloy na kanyang pagpapagaling.
Limang buwan pa lang na nagtatrabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW) si Sampilo sa bansang Jordan.##(CIO/lkro)