NEWS | 2023/07/13 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (July 13, 2023) APRUBADO NA sa City Development Council ang P20M Traffic Light Project ng Kidapawan City LGU. Inaasahang maging mas maayos at mapagaan na ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Daang Maharlika at Quezon Boulevard sa pamamagitan ng paglalagay ng naturang proyekto sa tatlong istratehikong lugar sa sentro ng lungsod ng Kidapawan.
Sa pagpupulong ng CDC en banc (July 12, 2023) ang mahigit sa P20Million Traffic Light Project ay maisakatuparan matapos na ipinangako ito ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa kanyang ginanap na State of Our City Address o SOCA 2023.
Planong ilagay ng City Government ang mga traffic lights sa intersection ng Central Warehouse Club, Iglesia ni Cristo – Madonna Medical Center, at sa roundball sa tapat ng Metro Kidapawan Water District – Ninoy Aquino road.
Tugon ito sa panawagan ng mga motorista na mapabilis ang bumibigat ng daloy ng trapiko sa Kidapawan City dahil na rin sa dumadaming bilang ng mga sasakyan sa lungsod at para na rin sa kaligtasan ng mga gumagamit sa lansangan mapa motorista man o pedestrian.
Popondohan ng 20% Economic Development Fund ng City Government ang proyektong traffic lights, ayon pa kay Mayor Evangelista. Ang pagdami ng populasyon at mga bilang ng sasakyan sa Kidapawan ay isa sa mga palataandan ng lumalagong lokal na ekonomiya ng Kidapawan. Kapansin-pansin ang pagpasok at pagsilabasan ng ibat-ibang mga negosyo sa lungsod na sya ring dinadagsa ng maraming mga tao.
Kaya nais ng alkalde na mapabilis ang proseso na may kaugnayan sa pagpapatupad ng traffic light project na inaasahang maitatayo at magagamit bago pa man matapos ang taong kasalukuyan. ##(CIO/lkro)