NEWS | 2023/07/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (July 24, 2023) MULING IPINAGBIGAY ALAM ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lungsod ng Kidapawan.
Ibinalita ng alkalde na bumaba na ang bilang ng mga nahuhuling violators na Anti-Smoking and Vaping Ordinance at iba pang uri ng bisyo. Nitong mga nakalipas na araw ay abot na lamang sa 38 violators ng Anti Smoking and Vaping Ordinance ng lungsod ang nahuli ng KIDCARE Unit ng City Government. Lahat ng 38 na lumabag sa pagbabawal ng paninigarilyo o pag gamit ng vape ay magbabayad ng kaukulang penalidad sa City Government ayon na rin sa isinasaad ng naturang ordinansa. Nahuli sa akto ang mga nabanggit na nanigarilyo at nag vape sa mga lugar na hindi designated smoking area, ayon pa sa pamunuan ng Kidapawan City Anti-Vice Regulation and Enforcement Unit o KIDCARE.
Binigyang diin ni Mayor Evangelista na istrikto pa ring ipinapapatupad ang City Ordinance number 18-1211 na inamendahan sa pamamagitan ni City Ordinance No. 1363 na nagbabawal sa paninigarilyo, paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar pati na rin ang pagbebenta ng mga ito.
Maliban sa paninigarilyo sa mga lugar na hindi designated smoking area, ay bawal din ang pagbebenta ng sigarilyo at vape sa distansyang 100 metro mula sa mga eskwelahan, mga business establishments na may no smoking signs, pagbebenta ng sigarilyo at vape ng walang business permit, at pagtitinda ng mga ito ng mga ambulant vendors.
Pagmultahin ng hanggang P5,000 ang sinumang violator paulit-ulit nang nahuling lumabag ng Anti-Smoking and Vaping Ordinance at pagkakakumpiska ng business permit ng mga establishments na mapapatunayang pumayag sa paninigarilyo sa kanilang tindahan sa kabila ng mahigpit na pagbabawal nito. Ang multa para sa first offense ay P1,500 plus apat na oras na seminar hinggil sa health risk ng paninigarilyo habang P3,000 naman ang para sa second offense at apat na oras na seminar at isang buwan na suspension ng business permit ng lumabag na establishment.
Nais ni Mayor Evangelista na maging disiplinado ang lahat at sumunod sa mga itinatakdang batas. Hinihikayat din nya ang publiko na isumbong sa mga otoridad ang mga lumalabag sa mga Anti-Smoking Ordinances ng Lungsod. ##(CIO/lkro)