NEWS | 2023/04/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Abril 25, 2023) – PORMAL ng binuksan ang SOCCSKSARGEN Regional Athletic Association (SRAA) Meet ‘23, kahapon, Abril 24, 2023 sa Magsaysay Eco-Park, Kidapawan City.
Si Department of Education 12 Regional Director Dr. Carlito D. Rocafort ang nanguna sa pormal na pagbubukas ng SRAA Meet ’23 na siya namang pinakamalaki at pinakaaabangang sports event sa buong SOCCSKSARGEN.
Dumalo ang mga matataas na opisyal ng Lungsod ng Kidapawan sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista na una ng tinanggap ang malaking hamon ng pagsasagawa ng SRAA Meet sa lungsod sa kauna-unahang pagkakataon sa harap na rin ng iba’t-ibang hamon kabilang na ang dalawang taon na natigil ang SRAA dahil sa pandemiya ng COVID-19.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Evangelista ang kahalagahan ng sports at ang papel nito sa pagtamo ng pagkakaisa, kapayapaan, at pagmamahalan ng mga mamamayan ng SOCCSKSARGEN.
Nanawagan din ang alkalde sa bawat stakeholder ng palaro na panatilihin ang sportsmanship, camaraderie, at healthy competition sa pagitan ng mga athletes.
Dumalo rin sa maksaysayang pagbubukas ng SRAA ’23 si Cotabato Provincial Governor Emmylou Talino-Mendoza, 2nd District of Cotabato Board Member Joseph A. Evangelista, mga city councilors, department heads at mga personnel ng City Government of Kidapawan, DepEd 12 officials, mga sports/technical officials at ang mga libo-libong manlalaro mula sa mga lalawigan ng South Cotabato, (North) Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at mga lungsod ng General Santos, Koronadal, Tacurong, at Kidapawan na lalahok sa SRAA Meet ’23.
Mahigit 6,000 indibidwal mula sa walong delegasyon ang dumagsa sa lungsod para sa SRAA Meet ’23 at kinabibilangan ito ng mga delegation officials, coaches, assistant coaches, trainers, chaperons, at mga athletes at pati na ang general management, Technical Working Group at officiating officials.
Paglalabanan naman ng mga atleta ang humigit-kumulang sa 27 sports events na kinabibilangan ng archery, arnis, athletics, badminton, baseball, basketball, billiards, boxing, chess, football, futsal, gymnastics, kasama pa ang Sepak Takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis, volleyball ganundin ang wrestling, wushu, dancesport, Pencat Silat, goal ball, bocce, at swimming.
Samantala, nagpakita naman ng talento ang mga miyembro ng Kidapawan City LGU Drum and Lyre Corps at LGU Zumba Dance Group sa pamamagitan ng kanilang mga special number presentation.
Nagtapos naman ang aktibidad sa pamamagitan ng nakakamanghang fireworks display na isang malaking sorpresa ng City Government of Kidapawan para sa mga dumalo sa opening ng SRAA Meet ’23. (CIO)