NEWS | 2023/05/17 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Mayo 17, 2023) – MASAYANG tinanggap ng mga mamamayan ng Barangay San Isidro sa Lungsod ng Kidapawan ang proyektong Farm to Market Road (FMR) sa Purok 6 at Level 3 water system expansion Purok 1,2 at 3 (installation, interconnection, transfer of 70 units service connection) sa ginanap na formal turn-over ceremony ngayong araw ng Miyerkules, Mayo 17, 2023, ala-una ng hapon.
Pinondohan ng Local Government Support Fund – Support to Barangay Development Program o LGSF-SBDP ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC ang FMR ng halagang P2M habang ang water system ay pinondohan din ng P2M o kabuoang halaga na P 4M infrastructure projects.
Tulad ng iba pang mga barangay na tumanggap din ng proyekto mula sa LGSF-SBDP, ay mismong si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang nanguna sa pagsasalin ng dalawang proyekto mula sa pamahalaan patungo sa kamay ng mga opisyal ng Barangay San Isidro sa pangunguna ni Punong Barangay Dionisio Wanal.
Masaya si Wanal ganundin ang mga residente sa natanggap na mga proyekto na tiyak na pakikinabangan ng barangay kaya’t ipinarating niya ang malaking pasasalamat kay Mayor Evangelista at sa mga ahensiya ng pamahalaan na nagtulungan upang maipatupad ang naturang mga proyekto.
Sa kanyang panig, sinabi ni Mayor Evangelista na ang kapayapaan sa lugar ay ang pinakamahalagang bagay na nakamit ng Barangay San isidro at magtutuloy-tuloy ito sa pamamagitan ng suporta ng bawat isa lalo na sa maayos na pagtanggap at pag-alaga sa proyektong alay ng pamahalaan.
Ang iba pang mga nakiisa at nagbigay ng suporta sa aktibidad ay sina Dept of Interior and Local Government Cotabato Provincial Director Ali Abdullah na nagpahayag na marami pang proyektong ipatutupad ang NTF-ELCAC sa mga barangay, CLGOO Julia Judith Geveso, ABC Federation President Morgan Melodias at mula naman sa City Government ay sina Acting City Administrator Janice Garcia, Budget Officer Alex Pana, PESO Manager Herminia Infanta at MKWD General Manager Stella Gonzales.
Sa hanay naman ng PNP ay dumalo si PCPT Arnold Carillo habang sa AFP ay si 1LT Charles Ian Parel ng 39th IB PA na kapwa nagsabi na ang proyektong tulad ng natanggap ng Barangay San Isidro ay magbibigay daan upang maiwaksi ang insurgency at armadong pakikibaka sa isang lugar at laging nahanda ang kanilang hanay para tumulong sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa mga barangay. (CIO)