NEWS | 2023/07/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (July 12, 2023) INAASAHANG hindi na magta-trabaho subalit makakapasok na araw-araw sa paaralan ngayong susunod na school year ang may 69 na mga batang manggagawa o child laborer ng barangay Malinan, isang malayong barangay sa lungsod ng Kidapawan.
Ito ay matapos tumanggap ng tulong pangkabuhayan ang kanilang mga nanay mula sa Department of Labor and Employment o DOLE at City Government of Kidapawan.
Personal na inabot nina DOLE Cotabato Field Office OIC Head/Supervising Labor and Employment Officer Ernesto H. Coloso at Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M Evangelista ang tsekeng naglalaman ng P480,620.00 na financial livelihood assistance sa Malinan Barangay LGU na nirepresenta ni Kapitana Gemma Pajes bilang accredited co-partner sa programa (July 10,2023).
Ito ay isa lamang sa mga programa ni Mayor Pao na naglalayong mai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan sa Kidapawan City katuwang ang iba’t-ibang mga ahensya ng Pamahalaan.
Identified beneficiary nito ang 57 na mga magulang ng mga child laborers na kasapi ng kanilang asosasyong nagngangalang Samahan ng mga Magulang ng Batang Manggagawa ng Brgy Malinan.
School canteen ang livelihood project na gagawin ng mga nanay sa layuning mapag-aral ang kanilang mga anak na napilitang magtrabaho kahit sa murang edad pa lamang dahil sa hirap ng buhay.
Makakatanggap ng gamit pang kusina ang mga beneficiaries ng programa na kinakailangan naman sa pagpapatakbo ng kanilang school canteen.
Hindi loan ang naturang ayuda kung kaya at hinihikayat ang mga beneficiaries na palaguin ang kanilang natanggap na tulong para maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak imbes na magtrabaho bilang child laborer, paliwanag pa ng pamunuan ng Public Employment Services Office o PESO ng City Government.
Ang naturang school canteen ay pinondohan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP, dagdag pa ng PESO.##(CIO/lkro)