NEWS | 2023/06/05 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Hunyo 2, 2023) – ISA na namang makabuluhang proyektong laan para sa mga mamamayan ang nakatakdang simulan ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng Office of the City Engineer.
Ito ay ang 174.12-meter Barangay Manongol-Barangay Perez Road concreting project (with 4-5 meters expansion on both sides) na nagkakahalaga ng P 2,898,520.85 kung saan ay ginanap ang groundbreaking ceremony ngayon araw na ito ng Biyernes, Hunyo 2, 2023 sa pangunguna ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.
Mula sa 20% Economic Development Fund CY 2023 (Resolution No. 079) ang pondong ginamit para sa konstruksiyon ng nabanggit na kalsada.
Layon ng infrastructure project na magkaroon ng maayos na dadaanan at ligtas na biyahe ang mga residente lalo na ang mga local fruit and vegetables growers na nagdadala ng kanilang mga produkto sa merkado.
Isa ang pagpapatupad ng infrastructure projects sa mga prayoridad ng administrasyon ni Mayor Evangelista dahil ito raw ang susi sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng mga barangay tulad ng Manongol at Perez.
Hiniling niya sa mga mamamayan na ingatan ang proyekto dahil ito ay inilaan sa kanila at naging instrumento lamang ang alkalde sa pagpapatupad nito ay maisakatuparan.
Maliban kay Mayor Evangelista, dumalo rin sa ground breaking ang mga konsehal ng lungsod na sina Galen Ray Lonzaga, Aljo Cris Dizon, Airene Claire Pagal, Michael Earving Ablang, Judith Navarra at ABC President Morgan Melodias.
Sa hanay ng mga Department Heads ng City Government of Kidapawan ay dumalo sina City Engineer Lito Hernandez, OCBO Head Engr. Jicylle Merin, at City Administrator Janice Valdevieso Garcia.
Ipinahayag naman ng mga Punong Barangay na sina ABC President Melodias ng Manongol at Jabert Hosdista ng Perez kasama ng kanilang mga kagawad ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal ng LGU Kidapawan sa pangunguna ni Mayor Evangelista.
Inaasahan namang matatapos ang naturang road concreting project sa loob ng tatlong buwan. (CIO)