NEWS | 2023/04/19 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (April 18, 2023) – DALAWANG mga piling barangay sa Lungsod ng Kidapawan ang pagtatayuan ng mga karagdagang mga Super Health Center na nagkakahalaga ng mahigit P8M bawat isa. Ito ay kinabibilangan ng Barangay Binoligan (Western Kidapawan Super Health Center- P8.1M) at Barangay San Isidro (North-Western Super Health Center- P8.2M) kung saan ginanap ang Groundbreaking Ceremony kahapon, Abril 17, 2023 sa pangunguna ni City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista at si Dept. of Health (DOH) 12 Regional Director Dr. Aristides Concepcion-Tan. Layon ng paglalagay ng mga Super Health Centers ay upang mas mailapit pa sa mamamayan ang serbisyong pangkalusugan at medical at mapanatili ang maayos na pamumuhay sa mga barangay. Maliban rito ay mas madaling makatanggap ng serbisyo ang mga mamamayan dahil nasa mismong barangay na ang nabanggit na pasilidad at hindi na kailangan magtungo pa sa sentro o sa City Health Hospital upang magpatingin.Mga mahahalagang serbisyo ang hatid ng Super Health Center tulad ng TB DOTS, birthing center, laboratory, x-ray, ultrasound, pharmacy, kasama pa ang ambulatory surgical unit – basic services, EENT services, outpatient services at ang telemedicine. Sa pamamagitan naman ng telemedicine ay hindi na kailangan pa ng may sakit o ng pasyente na bumiyahe dahil sa pamamagitan lamang ng virtual communication ay gagawin ng espesyalista ang diagnosis sa kanya.Gagamitin ang pondo mula sa DOH para sa konstruksiyon ng mga Super Health Center ng Barangay Binoligan at San Isidro habang maglalaan din ng counterpart ang City Government of Kidapawan at ito ay ang sweldo ng mga itatalagang personnel, regular supplies, at mga gamot na kakailanganin ng mga pasyente na magpapatingin doon.Kaugnay nito, kapwa naman nagpahayag ng ibayong pasasalamat ang mga Punong-Barangay na sina Ricky Rogero ng Barangay Binoligan at Dionisio Wanal ng San Isidro pati na ang kanilang mga kagawad at residente o naninirahan sa lugar.Una ng nagkaroon ng P8M Urban Health Center sa Barangay Mua-an noong 2019 at P9M Super Health Center sa Barangay Kalaisan na sinimulang itayo nitong nakalipas na 2022 at matatapos na sa darating na buwan ng Mayo 2023 na tiyak namang magdudulot ng ginhawa sa mga mamamayan pagdating sa usapin ng essential medical services. (CIO)