NEWS | 2023/01/05 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Enero 5, 2023)— Nakipagtulungan ngayon ang mga network sa Lokal na Pamahalaan ng Kidapawan upang ipalaganap sa mga mamamayan na iparehistro na ang kanilang mga Subscriber Identity Modules o SIM card upang hindi aabutan ng deactivation. Sa bisa ng Republic Act 11934 o Sim Card Registration Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos, Jr noong Oktubre 2022, ay mawawalan na ng saysay ang lahat ng SIM card na hindi marerehistro umpisa ngayong pangalawang sangkapat ng taong 2023. Maliban pa nito ay may mabigat na kaparusa at multa ang mga sinomang hindi magpaparehistro ng kanyang sim card ng walang katanggap tanggap na dahilan, ayon sa naturang batas.
Ang Globe Telecom network ay naglagay ng mga sim registration roll-up sa mga mataong lugar ng lungsod katulad ng city hall lobby, mega market at overland terminal. Mayroon din umano silang inilagay sa Gaisano Grand Mall upang kaagad na makita ng mga shoppers. Mayroon itong QR Code na babasahin lang ng QR reader ng bawat android o IOS smartphone para sa mga hakbang na susundin upang maging ganap ang pag rehistro ng sim.
Ang ibang mga network naman ay nagsagawa ng text blasting sa mga gumagamit ng kanilang signal sa pamamagitan ng isang link upang pipindutin lamang at magsisimula na ang registration process.
Layunin ng SIM Card Registration Act na magkakaroon ng pagkakilanlan ang bawat SIM card sa bansa upang hindi na ito maging kasangkapan sa mga kriminal na gawain katulad ng extortion, pananakot, terorismo at iba pa.
CIO Kidapawan