NEWS | 2023/05/02 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (May 2, 2023) – KAILANGANG magkaroon ng sapat na proteksyon laban sa delikadong sakit na Measles Rubella ang mga sanggol at mga batang nagkakaedad ng 0-59 buwan. Ito ang layunin ng Measles Rubella – Supplemental Immunization Activity o MR-SIA na inilungsad sa Barangay Balindog (Covered Court), Kidapawan City alas-nuwebe ng umaga, ngayong araw na ito ng Martes, Mayo 2, 2023.Magkatuwang ang Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Cotabato Province at City Health Office (CHO) ng Kidapawan sa Joint Provincial and City launching kung saan kasama ang mga personnel mula sa Department of Health (DOH-12).Si Dr. Jose Martin Evangelista, Pediatrician ng CHO ang nagpaliwanag kung gaano kahalaga ang Measles Rubella vaccine para sa mga bata at binigyang-diin niya ang panganib na dulot nito kung hindi sila mababakunahan. Ang Measles Rubella ay isang uri ng nakakahawang sakit na dulot ng virus at madalas tumama sa mga sanggol o mga bata kung saan kinakikitaan ng pantal o pamumula ng balat, lagnat, sakit ng ulo, pamamaga ng lymph nodes at iba pa.Dalawang bata ang unang binakunahan bilang bahagi ng ceremonial vaccination na isinagawa ng mga vaccinators mula sa IPHO at CHO. Matapos nito ay inumpisahan na ang pagbabakuna sa abot sa 50 mga bata mula sa Barangay Balindog na dinala ng kanilang mga magulang o caretakers sa vaccination site.Magtatagal ng 30 days ang MR-SIA kung saan pupunta sa mga Purok sa buong lungsod ang mga vaccinators para turukan ng measles-rubella vaccine ang mga batang edad 0-59 months old.Nasa bilang na 128,744 na mga bata sa buong Lalawigan ng Cotabato ang nasa talaan ng IPHO at target na mabakunahan ang abot sa 95% o katumbas ng 122,306 na mga bata, ayon kay Kathy Cino, Cluster Head ng DOH Vaccination Team.Ibinahagi din niya ang mahalagang layunin ng Universal Health Care (Kalusugan Pangkalahatan) na ang bawat mamamayang Pilipino ay magkakaroon ng access o makatatanggap ng kalidad na serbisyong pangkalusugan, kabilang dito ang pagbabakuna ng measles-rubella vaccine.Samantala, dumalo din sa aktibidad sina CHO Nurse Supervisor Juanita Santos, National Immunization Program Coordinator Evelyn Cari, Dr. Kenneth Pedregosa mula sa DOH-CHD, Barangay Kagawad Rosemarie Torralba na siyang kumatawan kay Punong Barangay Angelo Saniel at iba pang mga opisyal ng barangay. Inaasahang magbibigay-daan para sa dagdag na proteksyon at kaligtasan ng mga bata ang 30 araw na pagbabakuna laban sa measles rubella at makaiwas sila sa mas malalang sitwasyon tulad ng komplikasyon o kamatayan. (CIO)