NEWS | 2023/12/18 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ( December 14, 2023)
Mula January 1 hanggang December 8 ng taong kasalukuyan, nagtala ng higit siyam na daang (911) kaso ng dengue ang City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU. Lima sa mga ito ang namatay.
Mas mataas ito kumpara sa magkatulad na period ng nakaraang taong 2022, na 626 na kaso, kung saan tatlo (3) lang ang namatay.
Dahil dito, puspusan ang ginagawa ngayong kampanya kontra dengue ng mga taga City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Nitong linggo lang, nagsagawa sila ng fogging operation sa mga lugar na nagtala ng may pinakamataas na kaso, katulad ng Brgy. Sibawan (Purok 6 at sentro), Brgy. Lanao (Purok 3, Lanao Elementary School), Brgy. Ginatilan (Purok 3) at Brgy. Poblacion (Kanapia Subdivision).
Sa datus ng CESU, sampung barangay ang nagtala ng may pinakamataas na kaso ng dengue sa lungsod ngayong taon, ito ang: Poblacion (201), Ilomavis(87), Sudapin(61), Indangan(55), Lanao(53), Singao(49), Manongol(32), Balindog(31), Magsaysay(27), Kalasuyan (27) at Paco(24).
Muling nagpaalala si City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa lahat na panatilihing ligtas ang pamilya at palaging gawin ang 4S campaign laban sa dengue.
Ito ay ang (1)Seek and Destroy o Hanapin at Sirain ang mga lugar na pinamumugaran ng lamok, (2)Self Protection Measures o ang magpoprotekta sa sarili gaya ng pagsusuot ng mga damit na may mahahabang manggas o paglalagay ng insect repellant solution sa katawan nang hindi makagat ng lamok, (3)Seek Early Consultation o pagpapakonsulta ng maaga sa mga doktor kapag may lagnat ang pasyente na pangunahing simtomas ng dengue at (4)Saying YES to fogging sa mga lugar na may mataas na naitatalang kaso ng dengue.