NEWS | 2023/07/10 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – ( July 7, 2023) UMABOT SA mahigit P10 Million Gross Sales o kabuo-an ang kinita at direktang napunta sa mga lokal na magsasaka, mangingisda at mga nagtitinda sa Merkado Kidapawenyo mula buwan ng Marso hanggang sa kasalukuyan.
Inihayag ni City Mayor Atty. Pao Evangelista na bahagi ng area of governance na nakapaloob sa suporta sa mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyo sa kanyang State of Our City Address o SOCA ang naturang development.
Umani ng positibong reaksyon mula sa publiko ang Merkado Kidapawenyo patunay sa mataas na gradong nakuha ng City Government mula sa pagpapatupad ng programa.
Layunin ng Merkado Kidapawenyo na matulungan ang mga maliliit na magsasaka, mangingisda at negosyante na magbenta ng kanilang produkto kada araw ng Sabado sa kahabaan ng National Highway sa bisinidad ng City Plaza.
Laging dinadagsa ng mga mamimili ng preskong pagkain gaya ng sariwang gulay, prutas, bigas at isda sa Merkado Kidapawenyo dahil bukod pa sa mataas ang kalidad, ay mas mura pa ang halaga ng mga bilihing tampok dito.
Sa halos tatlong buwan na pagsasagawa ng Merkado Kidapawenyo kada araw ng Sabado at sa laki ng kinita ng mga magsasaka, mangingisda at vendors dito, hindi malayong mararating o malalagpasan ang target ng City Government na P20 Million kada taon mula sa matagumpay na pagpapatupad ng programa, pahayag pa ni Mayor Pao Evangelista. ##(cio)