NEWS | 2022/10/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (October 21, 2022) – MULI na namang dumagsa ang mga aplikante para sa local at overseas job opportunities sa pinakabagong Job Fair ng Public Employment Service Office o PESO ng Kidapawan City na ginanap sa City Gymnasium nitong October 19, 2022.Abot sa 150 local applicants at 77 overseas applicants ang naitala ng PESO Kidapawan sa one-day Job Fair, o kabuoang bilang na 227 applicants, ayon kay PESO Manager Herminia Infanta.Kabalikat ng PESO Kidapawan ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Labor and Employment 12 (DOLE), at Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) sa pagsasagawa ng naturang aktibidad.Layon nito na tulungan ang mga job seekers mula sa Lungsod ng Kidapawan at mula sa mga kalapit na munisipyo sa 2nd District ng Cotabato na makahanap ng trabaho na angkop sa kanilang mga kurso, husay at interes.Pitong mga partner local companies ang aktibong nakilahok sa Job Fair at kinabibilangan ito ng VXI Global Holdings B.V., Japanese Language School Corp., Gaisano Grand Mall Kidapawan, DC Invest, Toyota Kidapawan, Outbox Solution, at Avitus Dialysis Center. Samantala, ang mga overseas companies naman na tumanggap ng mga aplikante ay kinabibilangan ng Marinduquena, Zontar, LRC Manpower, Earth Smart at Placewell.Matapos naman ang aktibidad ay nakapagtala ang PESO ng 133 qualified local applicants at 77 qualified overseas applicants, o kabuong bilang na 210 qualified and scheduled for final interview na mga aplikante, ayon pa kay Infanta. Nagpahayag naman ng kasiyahan si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista sa naging resulta ng Job Fair at hinimok ang iba pang mga local at overseas job applicants na samantalahin ang pagkakataon na ibinibigay ng City Government of Kidapawan at mag-apply at makahanap ng mapapasukang trabaho sa loob at sa labas ng bansa.