NEWS | 2023/05/21 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (May 20, 2023) – DOBLE ang tinanggap na biyaya ng mga residente ng Lungsod ng Kidapawan na pumila para makabili ng murang bigas mula sa City Government of Kidapawan.
Libreng gupit, libreng manicure, at libreng pedicure ang dagdag na handog sa kanila ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista habang pumipila at nag-aantay sa pagbubukas ng outlet ng murang bigas na P20.00 lamang bawat kilo.
Kagabi ay napuno ng sigla ang City Gymnasium matapos na pinapasok doon ang mga residenteng bibili ng murang bigas at ganon na lamang ang kanilang tuwa dahil nag-aantay ang mga libreng serbisyo para sa kanila.
Daaan-daang mga residente ang kinakitaan ng ngiti at saya dahil sino ba naman ang mag-aakala na maliban sa napakababang halaga ng bigas ay may dagdag na benepisyo pa na libreng haircut, manicure at pedicure, dagdag pa ang libreng kape kaya naman sulit ang kanilang pag-aantay.
Samantala, tanging ang Kidapawan City lamang sa buong bansa ang nagawang ibenta ang quality rice sa murang halaga na P20 per kilo na siya namang pangako ng national government sa mamamayan.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 018 series of 2023 ay nilikha ni Mayor Evangelista ang Agri-Trade Fair o mas kilala sa tawag na Merkado Kidapaweno kung saan makakabili ng presko at murang gulay, prutas, isda, at iba pa kabilang na ang quality rice sa murang presyo na P20/kilo.
Laan ito para sa mga Kidapawenos sa harap na rin ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa kasalukuyan.
Layon din nito na mabigyan ng pagkakataon ang mga maliliit na local crops growers na maibenta ang kanilang produkto at maging bahagi sila sa paglago ng lokal na ekonomiya. (CIO/CGSO/KIDCARE)