NEWS | 2022/12/02 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (November 25, 2022) β IPATUTUPAD na muli ang No Helmet, No Travel Policy sa Kidapawan City simula sa darating na Lunes, November 28, 2022.
Ito ay ayon mismo kay Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kung saan layon ng hakbang na maging ligtas ang mga motorista at maging ang mga angkas o back-rider mula sa aksidente.
Bilang panimula sa pagbabalik ng No Helmet, No Travel Policy ay ipapaalam muna at pagsasabihan ang mga motorista sa lungsod na kailangan ng gumamit ng full-face helmet habang bumibiyahe.
Bilang insentibo naman ng City Government of Kidapawan ay magbibigay ng libreng full-face helmet si Mayor Evangelista para sa mga motorista, ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Officer Psalmer Bernalte.
Batid ni Mayor Evangelista na hindi lahat ng nagmamaneho ng motorsiklo ay may kakayahang bumili ng kalidad na full-face helmet kaya minabuti niyang mamigay ng mga helmet.
Kailangang dalhin at ipakita ng mga motorista sa City Mayorβs Office ang mga sumusunod: Driverβs License, original OR/CR, Barangay Certification (resident of Kidapawan City), no traffic violation, at hindi naka-alarma ang motorsiklo sa Highway Patrol Group o HPG, ayon pa kay Bernalte.
Abot sa 500 full-face helmet ang inisyal na ipamimigay ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng tanggapan ni Mayor Evangelista sa mga motoristang makakapasa sa itinakdang requirements.
Alinsunod naman ang kautusang ito ni Mayor Evangelista sa Republic Act 4136 β An Act to Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules, to Create a Land Transportation Commission and for Other Purposes at may titulong βLand Transportation and Traffic Codeβ at sa Republic Act No. 10054 o angβ Motorcycle Act of 2009β ay kailangang magsuot ng standard protective helmets ang mga motorista habang nagmamaneho, malayo man o malapit ang biyahe at anumang oras na bibiyahe.
Matatandaang itinigil ang pagpapatupad ng No Helmet, No Travel Policy sa lungsod nitong nakalipas na mga taon dahil sa mga shooting incidents kung saan ang mga suspects ay nakamotorsiklo at naka full-face helmet.
Ngunit sa mga panahong ito ay ipinatigil, hindi naman nalutas ang mga pamamaril at dumami pa ang aksidente sa daan na nagsasanhi ng kamatayan o pinsala sa mga drivers at back-riders.
Kaya naman minabuti ng City Government of Kidapawan na ibalik ang nasabing polisiya o ang No Helmet, No Travel Policy para na rin sa kaligtasan ng mga motorista, makaiwas sa malaking gastos sa ospital at higit sa lahat ay walang buhay na mawawala dahil sa hindi pagsusuot ng proteksiyon sa ulo.
May nakalaan namang parusa o penalty sa mga lalabag sa No Helmet, No Policy sa Lungsod ng Kidapawan. (CIO-jscj//pb//if)