NEWS | 2023/05/12 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Mayo 10, 2023) – ISANG makasaysayang okasyon para sa mga mamamayan ng tatlong adjacent o magkakadikit na barangay ng Sumbac, Macebolig, at Onica sa Kidapawan City ang ginanap na formal turn-over ng isang mahalagang infrastructure project kahapon, Mayo 9, 2023, bandang ala-una ng hapon.
Ito ay ang 9.34-kilometer Sumbac-Onica Farm to Market Road (10 meters width-5 mtr carriage way and 1.5 meter both shouldering) na nagkakahalaga ng P143,800,000.00 at pinondohan ng Philippine Rural Development Program o PRDP ng Department of Agriculture o DA.
Si City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang nanguna sa turn-over na sinaksihan ng iba’t-ibang sektor kabilang na ang mga opisyal at mamamayan ng tatlong barangay na labis ang kasiyahan sa pagkakaroon ng sementadong kalsada at magiging instrumento sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng lugar partikular na sa larangan ng agrikultura.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Evangelista ang DA-PRRD at ang mga mamamayan ng tatlong barangay partikular na ang kanilang mga barangay officials sa pakikipatulungan upang maisakatuparan ang proyekto. Hinikayat din niya ang mga residente na alagaan ang kalsada dahil ito ay inilaan para sa kanila ng pamahalaan.
Sinimulan ang konstruksiyon ng proyekto noong 2019 kung saan layon nitong maging maginhawa at ligtas ang biyahe ng mga magsasaka na nagdadala ng kanilang mga produkto tulad ng gulay, prutas, at iba pang pananim tulad ng mais, niyog, at goma.
Makikinabang din sa bagong kalsada ang iba pang mga mamamayan na dumaraan sa lugar lalo na ang mga guro, mag-aaral, at mga negosyante.
Bago naipatupad ang naturang farm to market road project ay hirap ang mga residente lalo na ang mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang mga produkto sa sentro lalo na kung umuulan kung saan hindi maiwasan ang pag-apaw ng tubig at ang lubak-lubak na daan.
Naging susi sa katuparan ng proyekto ang mahusay na koordinasyon sa pagitan ng City Government of Kidapawan at ng PRDP na nagnanais mapaunlad ang sektor ng agrikultura at mabigyan ng mas magandang oportunidad ang mga magsasaka sa pamamagitan ng angkop na proyekto na siya namang prayoridad ni Mayor Evangelista.
Dumalo din sa formal turn-over at ribbon-cutting ceremony ang mga konsehal ng lungsod na sina Michael Earvin Ablang, Galen Ray Lonzaga, Rosheil Gantuangco-Zoreta, Judith Navarra, at ABC President Morgan Melodias.
Nakiisa din sa mahalagang okasyon sina Acting City Administrator Janice Garcia, City Agriculturist Marissa Aton, City Treasurer Redentor Real, Engr. Eduardo Tayabas na kumakatawan kay City Engr. Lito Hernandez, Philippine Councilors League – Cotabato Chapter President Rene Rubino na kumakatawan kay Cotabato Provincial Governor Emmylou Talino-Mendoza at Kagawad Jerry Buscado mula sa Barangay Onica.
Mula naman sa PRDP ay dumalo sina I-BUILD Component Head Jocelyn Torres, Rural Infrastructure Focal Engr. Jerry Joseph Dujale, at Carl Aguilon.
Ipinarating naman nina Punong Barangay Michael Sagusay ng Sumbac, Punong Barangay Baltazar Daplinan ng Macebolig, at Punong Barangay Gasbamel Rey Suelan ng Onica ang kanilang malaking pasasalamat sa proyektong ibinigay sa kanila.
Sa muli, ang bagong kalsada ayon pa sa mga opisyal ay magbibigay ng daan para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng kanilang mga barangay at ng buong pamayanan. (CIO)