NEWS | 2023/07/18 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – (July 17, 2023) PERSONAL NA INIABOT NI City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang P20,000 na reward money sa isang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team o BPAT na nakahuli ng umanoy isang magnanakaw sa Brgy Kalasuyan.
Iniabot ni Mayor Evangelista ang naturang halaga ng pera kay Domingo Isaac Latras, BPAT member ng barangay Kalasuyan na aktong nakahuli sa isang magnanakaw ng rubber cup lump sa kanilang lugar nitong nakalipas na July 13, 2023. Maliban sa reward money ay pinapurihan din ni Mayor Evangelista ang mabilis at maagap na aksyon ng Kalasuyan BPAT para mahuli ang papatakas nang suspect.
Ayon naman kay Latras, nagtagumpay ang kanyang team sa paghuli sa suspect dahil na rin sa mga hand held radio na ibinigay mismo ni Mayor Evangelista sa kanila. Bawat BPAT ng barangay ay nabigyan ng radyo kung kaya ay 24/7 bukas ang linya ng komunikasyon para sa mabilis na pagtugon sa kriminalidad at emergency.
Sa spot report na inilabas ng pulisya, kinilala ang suspect na isang Lemar Gonzaga Dani, 30 years old na magsasaka ng nakatira sa Brgy. Malasila Makilala Cotabato. Siya ay hinuli ng BPAT team sa pamumuno ni Latras sa aktong pagpupuslit ng pinaniniwalaang ninakaw na 50 kilo ng rubber cuplump sa naturang barangay.
Hinikayat naman ni Mayor Evangelista ang publiko na tumulong sa kampanya kontra kriminalidad sa pamamagitan ng pagre-report sa mga otoridad sa presensya ng mga kahina-hinalang tao sa kanilang mga komunidad.
Sa mismong convocation program ng City Government (July 17, 2023) iniabot ni Mayor Evangelista ang P20,000 na pabuya kay Latras na sinaksihan naman ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan at mga elected officials na bumubuo sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan na sina City Councilors Jason Roy Sibug, Judith Navarra at ABC President Morgan Melodias, at City PNP Chief P/Lt. Col. Peter Pinalgan, Jr. ##(CIO/lkro)