NEWS | 2023/12/18 | LKRO
KIDAPAWAN CITY- ( December 11, 2023)
Hinikayat ng City Government at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pitumpung (70) asosasyon na benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa lungsod, na palaguin ang natanggap nilang tulong pangkabuhayan.
Ipinarating ito ni City Councilor Rosheil Gantuangco-Zoreta, bilang kinatawan ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista, sa General Assembly ng Kidapawan City Federation of Sustainable Livelihood Program Association o KCFSLPA ngayong araw sa City Gymnasium.
Kapag napalago ng mga benepisyaryo ang tinanggap nilang kapital mula sa sa DSWD, maaaring mahikayat din ang City Government na ipagpatuloy ang pagbibigay ng livelihood assistance sa kanila, dagdag pa ng konsehala.
Beneficiaries ng SLP ang mga indibidwal na mahihirap, marginalized at vulnerable na sektor ng lipunan- kung saan pinapahiram sila ng kapital sa negosyo, na kailangan nilang bayaran sa loob ng dalawang taon.
Sa kasalukuyan, mayroong pitumpung (70) mga aktibong SPLA sa lungsod, na patuloy na pinalalago ang kanilang tinanggap na tulong pangkabuhayan.
Ilan lamang sa iniabot na tulong sa kanila ay: Agricultural livelihood (Agri Vet Supply, Hog Fattening, Piglet Production, Agri Supply); General Merchandise (Sari-Sari Store); Industrial Production (Water Refilling, Soap Making, Concrete Furniture Making); at Service-Based (kagaya ng Laundry shop, Catering at Events/Party needs).