NEWS | 2021/04/07 | LKRO
KIDAPAWAN CITY – NABIGYAN na ng kani-kanilang pangalawang Sinovac doses ang 134 na mga front liners ng City Hospital ng lungsod.
Ginawa ang pagbabakuna nitong April 5, 2021 o isang buwan matapos ang unang dose ng Sinovac noong nakalipas na buwan ng Marso.
Ang bilang ay bahagi lamang ng 411 na mga front liners na naunang nabigyan ng bakuna sa first implementation ng Vaccination Roll Out Plan ng City Government.
Ito ay alinsunod na rin sa Vaccination Roll Out Plan ng City Government na target mabigyan ng unang prayoridad sa pagbabakuna yaong mga medical front liners na siyang nangangasiwa at nagpapatakbo sa mga Covid19 treatment facilities ng Kidapawan City.
Nagmula ang mga bakunang nabanggit sa Department of Health kung saan ay inuna yaong mga front liners laban sa Covid19 sa buong bansa.
Ginawa ang pagbabakuna sa mga Vaccination Hubs na itinalaga ng City Government na kinabibilangan ng Notre Dame of Kidapawan College, St. Mary’s Academy, Kidapawan Doctor’s College mga pribado at pampublikong ospital, at isolation and quarantine facilities.
Kumpara noong unang pagbabakuna, mas naging mabilis na ang pagbibigay ng second dose ng Sinovac sa mga front liners.
Panawagan naman ni City Mayor Joseph Evangelista na magpabakuna na rin ang publiko sakaling dumating na ang bakunang bibilhin ng City Government para na rin mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid19 at maiwasan na magka-komplikasyon dala ng sakit.
Target na unang mabibigyan nito ang mga senior citizens at indigent population ng lungsod.
Patuloy din na nananawagan ang alkalde sa lahat na sumunod pa rin sa mga itinakdang minimum health protocols para iwas Covid19. ##(CIO)