NEWS | 2022/06/15 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (June 13, 2022) – SUMAILALIM sa ikatlong session ng pagsasanay ng DSWD-SLP ang abot sa 105 solo parents mula sa mga barangay ng Sudapin, Singao, Magsaysay at Lanao, na ginanap sa Barangay Covered Court, Sinsuat Street, Brgy Poblacion habang 50 solo parents naman mula sa mismong Brgy. Poblacion ang sumailalim sa kaparehong session sa Barangay Hall.
Isinagawa ang nabanggit na pagsasanay upang maihanda ang mga solo parents sa mga hamon na maari nilang kaharapin sa buhay sa harap na rin ng nagpapatuloy ma pandemiya ng COVID-19.
Nakatuon ang lecture sa basic safety health, unsafe and safe working conditions, DOLE Dept Order No. 198-18 at common hazards sa micro-enterprises gaya ng paghawak ng materyales at pagiimbak, poor housekeeping, paggamit ng mga matatalim at iba pang mga kagamitan, hindi maayos na ilaw at ventilation, exposure sa alikabok at contaminants, at heat stress.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng DOLE na sina Labor Safety Officer Kenneth Paul B. Pacatang, at Labor Employment Education Services focal person Jayson B. Aron na siya ring nagbigay ng lecture sa mga partisipante.
Inaasahan ng DOLE na magagamit ng mga benepisyaryo ang mga kasanayan na kanilang natutunan mula sa nasabing pagsasanay sa anumang trabaho o negosyo na kanilang papasukin.
Labis ang tuwa at nagpasalamat din ang mga benepisyaryo dahil nadagdagan ang kanilang kakayahan at kumpiyansa sa mga sarili tungo sa tatahaking landas at tuluyang maiangat ang kanilang pamumuhay.
Naisakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng City Government of Kidapawan kung saan naglalayong tulungan ang mga solo parents ma makaagapay sa hirap ng kasalukuyang panahon. (CIO-vh/ed/jc)