179 OFW MULA SA KIDAPAWAN CITY AT KANILANG MGA PAMILYA TITIRA NA SA KAUNA-UNAHANG OFW VILLAGE SA BUONG BANSA

You are here: Home


NEWS | 2022/03/21 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – LUBOS ang pasasalamat ng 179 beneficiaries ng OFW Village Pabahay Program na itinayo ng City Government of Kidapawan, at ng Cotabato Provincial Government na maituturing na kauna-unahan sa buong Pilipinas

Pormal na ginanap ang turn over ng housing project  ngayong araw ng lunes, March 21, 2022 kung lumipat na sa kanilang mga bagong bahay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pawang mga biktima ng malalakas na lindol noong October 2019.

Mismong  sina Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista at Cotabato Vice Governor Emmylou Talińo – Mendoza ang nanguna sa aktibidad na dinaluhan mismo ng mga benepisyaryo.

Dumalo din sa okasyon sina NHA 12 Regional Director Engr. Zenaida Cabiles, OWWA RWO 12 Regional Director Marilou Sumalinog, Department of Human Settlements and Urban Development 12 Assist RD Girafil Cabalquinto at si NHA General Manager Marcelino Escalada Jr.

Hudyat na ito na pwede ng lumipat sa mga bagong bahay ang mga OFW mula sa Kidapawan City kasama ang kanilang pamilya

“Taus-puso kaming nagpapasalamat kina Mayor Evangelista at Governor Mendoza sa pagbibigay ng pabahay sa amin. Nagbunga rin ang maraming taon na pagta-trabaho naming sa ibang bansa. Utang namin ito sa kanilang dalawa sa pagbibigay ng tahanan sa aming mga mahal sa buhay”, ayon kay Maribel Delicano na isang OFW na 13 taon nagtrabaho bilang household worker sa Lebanon at beneficiary ng OFW Village Pabahay Program.

Itinayo ang naturang proyekto sa isang 4.5 ektaryang lupain sa Barangay Kalaisan noong 2018 sa pagtutulungan ng noo’y Cotabato Governor Mendoza at Mayor Evangelista.

Katuparan ito sa kahilingang magkaroon ng disenteng tirahan ang mga OFW na personal na nakausap ni Mayor Evangelista sa kanyang pagbibista sa ibang bansa noong mga panahong iyon.

Marami sa kanila ang nawalan o nasiraan ng bahay matapos ang mga paglindol noong October 2019.

Hindi bababa sa 120 sq/m ang sukat ng lote habang nasa 30 sq/m naman ang sukat ng mismong bahay.

May sarili na itong Solar Panel, Water Tank, Septic Tank at Toilet fixtures bawat bahay.

Bukod Dito ay maglalagay ng Parks at Playgrounds, Community Facilities, Elevated Water Tank at Waste Treatment Facility ang City Government at partner agencies sa lugar.

Murang halaga lamang ang babayaran ng mga OFW’s sa kanilang buwanang bayarin sa City Government sa loob ng lima hanggang sampung taon.

Ang pondong malilikom mula sa bayaring ito ay gagamitin naman ng City Government sa pagbili ng mga lupain na pagtatayuan ng mga bagong pabahay sa mga target beneficiaries o mga OFWs.

Maliban sa bagong bahay, tumanggap din ng food packs ang 179 beneficiaries mula naman sa City Social Welfare and Development Office.

Samantala, maglalaan naman ng abot sa P2M  pondo ang NHA para naman sa electrification ng OFW Village.

Pinag-uusapan na ngayon nina Mayor Evangelista at Vice Governor Mendoza ang pagpapatayo ng isa pang Pabahay Program sa Barangay Amas Kidapawan City sa lalong madaling panahon. ##(CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio