NEWS | 2018/10/04 | LKRO
October 2, 2018
MAGIGING bahagi na ng 120 day Supplemental Feeding Program ng City LGU ang pagpapainom ng gatas sa mga bata.
Oktubre 2, 2018 ng pinasinayaan sa lungsod ang National Feeding Program Community Based-Dairy Project at Gulayan sa Barangay Program ng Department of Agriculture at partner agencies nito sa layuning maibsan ang kaso ng malnutrisyon sa mga school aged children.
Ginawa ang launching sa Kidapawan City Pilot Elementary School kung saan ay sabay-sabay na uminom ng gatas ang may sa isandaang kindergarten pupils sa Ceremonial Milk Feeding na siyang highlight ng aktibidad.
Sa ilalim ng programa, idadagdag na ang gatas sa karaniwang pagkain ng mga bata tuwing magkakaroon ng feeding program sa mga pampublikong eskwelahan.
Mainam ang sustansyang nagmumula sa gatas para sa tamang paglaki ng bawat bata, ayon na rin sa siyentipikong mga pag-aaral.
Upang maisakatuparan ito, palalaguin ng City LGU ang Cattle at Goat raising program nito upang mapagmulan ng supply ng gatas na siyang ipaiinom sa mga bata.
Sa ganitong pamamaraan ay magpapatuloy ang milk feeding program na bahagi ng 120 Supplemental Feeding Program ng City Government.
Masaya ring ibinalita ni City Administrator Lu Mayormita na naibaba na ng City Government mula sa 9 percent malnutrition rate ng lungsod noong 2013 sa 5 percent na lang sa kasalukuyan.
Prayoridad ni City Mayor Joseph Evangelista na mapababa kung hindi man masugpo ang malnutrisyon ng mga bata.
Kapag malusog at hindi sakitin ang mga bata, hindi na sila a-absent pa sa paaralan at mas madali nilang makakamit ang kanilang mga pangarap, paniniwala pa ni Mayor Evangelista.(CIO/LKoasay)
Photo Caption : MILK FEEDING CEREMONIAL PROGRAM- Sabay sabay na uminom ng kanilang mga ‘choco milk’ ang Kindergarten Pupils ng Kidapawan City Pilot Elementary School. October 2, 2018 ng Inilunsad sa Kidapawan City ang National Milk Feeding Program na naglalayung idagdag ang pagpapainom ng gatas sa mga school aged children bilang pangontra sa malnutrisyon.(CIO)