NEWS | 2019/01/16 | LKRO
Dagdag na tulong pinasyal para sa mga senior citizens nais ibigay ni Mayor Evangelista
KIDAPAWAN CITY – P20,000 para sa mga senior citizen edad otsenta anyos, P30,000 para sa edad nubenta at P50,000 para sa mga isangdaang taon pataas na mga senior citizens ang nais ibigay na tulong pinansyal ng City Government simula ngayong 2019.
Layun nito na mabigyan ng dagdag tulong pinansyal ang mga senior citizens na naka-abot sa nabanggit na mga edad.
Pagbibigay pugay na rin ito sa mahahalagang kontribusyon ng mga nakakatanda sa mga komunidad.
Ipinag-utos mismo ni City Mayor Joseph Evangelista sa mga opisyal ng Organization of Senior Citizens Association o OSCA na ihanda ang mga kaukulang dokumento para maipatupad ang nabanggit.
Lahat ng senior citizens – mapa indigent man o yaong may tinatanggap na retirement benefits ang sakop ng planong ayudang pinansyal, wika pa ni Mayor Evangelista.
Nais ng alkalde na matapos ang mga dokumento saka niya ipapasa sa Sangguniang Panlungsod para sa approval ng sa gayon, ay maisasali sa Supplemental Budget sa unang bahagi ng 2019 para sa agarang implementasyon.
Ang P50,000 para sa mga centenarian ay dagdag tulong pinansyal maliban pa sa P100,000 na magmumula naman sa National Government sa pamamagitan ng DSWD.##(CIO/LKOasay)
Photo Caption: PAGBIBIGAY PUGAY: Binigyang pugay ni City Mayor Joseph Evangelista ang 103 years old na centenarian na si Ginang Edem Date Sumalnap ng Barangay Manongol. Personal na iniabot ng alkalde ang P100,000 cash assistance sa centenarian January 16, 2019.(CIO Photo)