NEWS | 2019/01/16 | LKRO
Mayor Evangelista nag-abot ng P100K cash assistance sa 103 taong gulang na centenarian
KIDAPAWAN CITY – PERSONAL NA INIABOT NI City Mayor Joseph Evangelista at ng DSWD ang P100,000 cash assistance kay Ginang Edem Date Sumalnap, edad 103 years old bilang parangal sa kanyang naabot na edad.
Residente ng Barangay Manongol ang nabanggit na centenarian, ayon na rin sa City Social Welfare and Development Office.
Ipinanganak noong March 15, 1915 sa isang sitio ng kasalukuyang Barangay Bacong sa Bayan ng Tulunan ang Ilokana-B’laan na si Ginang Sumalnap.
Nag-usap sila ni Mayor Evangelista sa salitang Ilokano kung saan sinabi niya ang kanyang sikreto sa pag-abot ng kanyang edad.
Halos araw-araw na pagkain ng gulay at gawaing bahay ang sikreto niya sa pagkaka-abot ng isangdaan at tatlong taon, pagbubunyag pa ng centenarian sa alkalde.
Sinabi din niya kay Mayor Evangelista na gagamitin niya ang P100,000 para sa pagsasa-ayos ng kanyang bahay sa Barangay Manongol.
Bago ang pagbibigay ng P100,000 ay may personal na liham din siyang natanggap mula naman kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang pagkilala sa kanyang naabot na milestone.
Kagaya ni Mayor Evangelista, ipinapaabot ng Pangulo ang pagpupugay at pagdarasal para sa marami pang taon ng kanyang buhay.
Ginanap ang simpleng programa at turn-over ng cash assistance January 16, 2019 pasado alas otso ng umaga sa lobby ng City Hall.##(CIO/LKOasay)