Month: February 2019

You are here: Home


thumb image

Temporary closure ng Mt. Apo pinag-aaralan sanhi ng El Niño

KIDAPAWAN CITY – PINAG-AARALAN NA NG City Government kung isasarado muna pansamantala sa mga climbers ang Mt. Apo ngayong summer months.

Bunga na rin ng banta ng grassfire at forest fire ang plano dahil na rin sa pananalasa ng EL Niño.

Inaantay pa ng City Tourism Council ang magiging desisyon ng Protected Areas Management Board o PAMB ng DENR kung itutuloy ba ang temporary closure.

Bagamat bukas pa ang bundok sa mga climbers sa kasalukuyan, pinag-aaralan din kung lilimitahan ang bilang ng mga aakyat sa layuning makontrol ang dami ng climbers (lalo na yaong mga aakyat sa Semana Santa) at maiiwasan ang posibleng sunog.

Patuloy na umiinit ang panahon at natutuyo na ang mga damo sa bundok na peligrosong magsanhi ng grass fire, ayon na rin sa otoridad.

Kaugnay nito ay ipinag-utos na rin ni City Mayor Joseph Evangelista sa CDRRMO na pag-aralan ang pagpapalawak pa sa ‘fire line’ sa Mt. Apo.

Layun nito na hindi na mauulit pa ang grass at forest fire sa Mt. Apo noong 2016 na inabot din ng ilang linggo bago naapula at sumira sa ekta-ektaryang kahuyan at damuhan sa bundok.

Sampung kilometro ang haba ng kasalukuyang fireline na may lapad na sampung metro.

Magiging mahirap para sa otoridad na apulahin ang sunog na maaring mangyayari sa bundok dahil na rin sa kapabayaan ng iilang climbers.

March 5, 2019 pa magme-meeting ang PMAB para pag-aralan ang hakbang sa pansamantalang closure ng Mt. Apo.##(CIO/LKOasay)

(photo credit to Williamor A. Magbanua at inquirer.net March 27, 2016)

thumb image

Kidapawan City athletes namayagpag sa SRAA 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg

KIDAPAWAN CITY – NAGBUBUNGA NA ang One Team One City One Goal 5 Year Sports Development Program ng City Government matapos mamayagpag ang mga atleta ng lungsod sa SOCCSKSARGEN Regional Meet 2019 at Batang Pinoy Mindanao Leg kamakailan lang.

Mula ikapitong pwesto noong 2018 ay lumundag na sa ikaapat ang Kidapawan City sa SRAA samantalang nanalo naman ng mga medalyang ginto, pilak at tanso sa Batang Pinoy ang mga pambato ng lungsod.

39 Gold, 30 Silver at 42 Bronze Medals ang napanalunan ng Kidapawan City Delegation sa SRAA na ginanap sa tatlong bayan ng Sarangani samantalang 6 gold, 15 silver at 11 bronze medals naman sa Batang Pinoy sa Tagum City.

Nagbigay ng medalya para sa Kidapawan City sa katatapos lamang na SRAA meet at Batang Pinoy ang mga sumusunod na events: Swimming; Athletics; Badminton; Taekwondo; Gymnastics; Table Tennis, Arnis; Volleyball Girls Elementary; Chess; Dance Sports; Wrestling; Boxing; Wushu; Baseball Boys Secondary; Sepak Takraw at Pencak Silat.

Nagbigay ng subsidy ang City Government para sa training, exposure, equipment at uniporme pati na pagkain sa mga atletang kumatawan sa Kidapawan City para sa mga nabanggit na palaro.

Nagsimulang ipatupad ni City Mayor Joseph Evangelista ang One Team One City One Goal noong 2017 na naglalayung makatuklas ng mga magagaling na kabataang maglalaro para sa Kidapawan City sa mga provincial, regional at national meets.

Katuwang ang Department of Education City Schools Division at ang Kidapawan City Sports Development Council, lumikha ng training pool ang Kidapawan City Government sa tulong ng mga local sports clubs para hasain ang mga manlalaro pati na ang kanilang mga coaches na mga guro ng DepEd.

Mas nabigyan na ng ibayong atensyon ang Sports Development Program ng lungsod kumpara noon dala na rin sa aktibong partnership ng City Government, City Sports Dev’t Council, DepEd, local sports clubs at ng pribadong sektor.

Positibo si Mayor Evangelista na sa pagpapatuloy ng programa ng One City One Team One Goal Sports Development ay hindi malayong may taga Kidapawan City na makikilala bilang bagong Sports Hero ng bansa.

Maglalaro naman sa darating na Palarong Pambansa 2019 sa Davao City ang mga atleta ng Kidapawan City na nanalo sa SRAA Meet.##(CIO/LKOasay)

photo caption – TAEKWONDO GOLD: Isa si Hannah Faith Acero ng Kidapawan City (gitna) sa mga nanalo ng gintong medalya sa Taekwondo Kyorugi event sa katatapos lamang na SRAA Meet na ginanap sa Sarangani noong February 17-22, 2019. SIya ay produkto ng One Team One City One City Goal Sports Development ng City Government at Department of Education.(photo is from Jhun Dalumpines Acero FB Account)

thumb image

 

CDRRMO nagbibigay ng tubig maiinom sa ilang sitio bunga ng El Niño

KIDAPAWAN CITY – NAGSIMULA ng magrasyon ng tubig maiinom ang City Disaster Risk Reduction and Management Office mula February 18 hanggang sa kasalukuyan.
Ito ay matapos ipag utos ni City Mayor Joseph Evangelista sa CDRRMO na magbigay ng libreng tubig maiinom sa pitong sitio sa apat na mga barangay na naapektuhan na ng El NIño phenomenon na nananalasa na sa lungsod sa ngayon.
Mga Sitio ng Nazareth, Quarry, Puas Inda sa Barangay Amas; Andagkit sa Kalaisan; Lika sa Onica at Balite at Talisay sa barangay Malinan ang mga unang komunidad na binigyan ng tubig ng City Government.
Tuyo na ang mga balon sa mga nabanggit na sitio dala ng patuloy na init panahon at malayo din ang iba pang pagkukunan ng tubig maiinom, ayon pa sa mga residente.
Pumunta sa mga naturang lugar ang mga dump truck ng City Government dala ang mga tangke na may lamang tubig.
Dalawang libong litro ng tubig ang laman kada tangke ang ipinamamahagi ng CDRRMO sa mga pamilyang nakatira sa lugar.
Posible din na magdeklara ng State of Calamity ang City Government kung mananalasa pa ng matagal na panahon ang El Niño phenomenon sa lungsod.
Pero bago mangyayari ito ay kinakailangan munang i-validate ang kasiraang dulot ng tagtuyot sa mga pananim, farm animals, at kabuo-ang bilang ng mga tahanang apektado ng El Niño.
Kapag nadeklara ito, magbibigay karagdagang tulong sa mga apektadong komunidad ang City Government base na rin sa mandato ng RA 10-121 o DRRM Law.
Mahigit sa 23,000 households o 25% ng total local population ang tinatayang maa-apektuhan ng El Niño sa Kidapawan City, ayon na rin sa datos ng City Social Welfare and Development Office.
Abot naman sa 700 ektaryang maisan at 1200 ektaryang palayan at gulayan ang tatamaan ng tagtuyot, datos mula na rin sa City Agriculture Office. ##(CIO/LKOasay)

Photo caption – El Niño nananalasa na sa Kidapawan City: Tuyo na ang ilang kalupaan sa Kidapawan City kung saan makikita si CDRRMO Psalmer Bernalte na nanguna sa assessment sa mga lugar na sinalanta na ng tagtuyot. Dahil dito ay umaksyon na ang City Government sa pamimigay ng libreng tubig maiinom sa ilang apektadong mga lugar bilang agarang tulong sa mga residente.(CDRRMO Photos)

thumb image

Kidapawan City may bagong Liga ng Barangay Federation President na

KIDAPAWAN CITY – PORMAL NG NANUMPA bilang bagong City Federation of Liga ng mga Barangay President si Manongol Barangay Chair Morgan Melodias February 20, 2019.

Pinalitan niya si dating City Liga Federation President Gasbamel Rey Suelan na tatakbo bilang City Councilor sa May 13, 2019 Mid Term Elections.

Ibinigay ni City Mayor Joseph Evangelista ang Oath of Office ni Melodias kung saan ay sinaksihan nina City Councilor Jiv-Jiv Bombeo, City DILG Director Ging Kionisala, mga opisyal ng Barangay Manongol at ilang kawani ng ABC Hall.

Ganap ng isang City Councilor si Melodias na kakatawan sa mga barangay sa Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan kung saan ay inaasahang dadalo siya sa unang pagkakataon bilang ex-officio member sa Regular Session nito February 21, 2019.

Buo naman ang suporta ni Mayor Evangelista sa liderato ni Melodias bilang bagong Liga Federation President.

Maliban sa mananatili sa kanilang mga trabaho ang mga kawani ng Association of Barangay Chairpersons o ABC Hall sa ilalim ni Suelan noon, ay ipapaayos din ng alkalde ang nabanggit na pasilidad para mas gawing kumportable sa mga opisyal ng barangay at ng kanilang mga kliyente.

Nagsilbing Bise Presidente ng Liga ng Barangay si Melodias kay Suelan matapos mahalal noong October 2018 Barangay Elections.

Dahil dito ay nabakante ang posisyon ng Bise Presidente ng Liga ng Barangay.

Magtatakda ng schedule ang City DILG kung kailan isasagawa ang pagpili ng bagong Pangalawang Pangulo ng Liga ng Barangay sa Kidapawan City.##(CIO/LKOasay)

thumb image

City Comelec nagsagawa ng demonstration ng Vote Count Machines

KIDAPAWAN CITY – NAGSAGAWA NG DEMONSTRATION ng Vote Counting Machines ang City Comelec February 18, 2019.

Namahala sa aktibidad si City Election Officer Diosdado Javier kung saan ay ipinakita ng kanyang opisina kung papaanong gumagana ang VCM na gagamitin para sa May 13, 2019 Mid-term Elections sa buong bansa.

Automated ang VCM kung saan ay bibilangin nito ang mga boto sa pamamagitan ng computer software na nakalagay sa bawat makina.

Saka nito ita-transmit o ipapasa sa ‘main server’ ng Comelec para sa opisyal na resulta ng botohan.

May sariling security features ang bawat balota na tanging ang VCM lamang ang makakabasa.

Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pandaraya sa bilangan ng boto, ani pa ni Javier.

Nagkaroon din ng mock elections para sa mga dumalong barangay officials kung saan ay ginamit ang VCM.

May inihandang balota ang Comelec kung saan ay doon pumili ng kanilang mga kandidato ang mga dumalong opisyal ng barangay.

Matapos ang botohan ay kanya-kanya nilang inilagay sa VCM ang kani-kanilang mga balota.

Gumana naman ng maayos ang VCM at wala namang aberyang nangyari sa mock election na ginanap sa City Gymnasium, ayon na rin sa City Comelec.

Magsisimula ang botohan sa buong bansa alas sais ng umaga ng May 13 at magtatapos ng alas sais ng gabi.

84,625 ang kabuo-ang bilang ng mga rehistradong botante sa Kidapawan City na hinati sa 110 precincts sa apatnapung mga barangay.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Kidapawan City Top Ten Finalists sa 2019 Champions for Health Governance Award

KIDAPAWAN CITY – ISA SA TOP TEN Finalists ng Kaya Natin! Champions for Health Governance Awards ang Kidapawan City ngayong 2019.

Pagkilala ito sa mga natatanging Local Government Units ng bansa na namahala at nakapagbigay ng maayos at kaaya-ayang serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng epektibong health programs.

Alinsunod ito sa United Nations Sustainable Development Goals at ng mga programa ng Department of Health na naglalayung mabigyan ng sapat na serbisyong pangkalususugan ang lahat ng mga Pilipino.

Ito ay iginagawad ng Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership, Jesse Robrero Foundation at ng Merck Sharpe and Dohme-MSD Pharmaceutical Company Philippines.

Kinilala ng Kaya Natin!, MSD at Jesse Robredo Foundation ang Kidapawan City sa pagpapatupad ng health services sa pamamaraan kagaya ng mga sumusunod: local leadership, transparency, effectiveness, innovativeness, health resources management, and community engagement in health.

Kumpirmadong nasa Top Ten Finalists ang Kidapawan matapos mag-email kay City Mayor Joseph Evangelista ang Kaya Natin! Movement noong February 14, 2019.

Una ng pumasa sa inisyal na screening ang Kidapawan City para sa nabanggit na gawad.

Bago mapipili bilang Champions for Health Governance 2019, dadaan muna sa pangalawang screening ng Kaya Natin! at mga partners nito ang mga health programs ng City Government ano mang petsa sa pagitan ng March 1- April 14, 2019.

Kumpiyansang makukuha ng City Government ang gawad bilang Champions for Health Governance, ani pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKOasay)

thumb image

Hapsay Pasada Search for Best Tricycle and Best Driver 2019 ipinroklama na ng City Government

KIDAPAWAN CITY – PINARANGALAN NA NG City Government nanalong tricycle units sa Ilalim ng Hapsay Pasada 2019 Search for Best Tricycle and Driver.
February 11, 2019 ng i-anunsyo ng City Government ang mga nanalo sa patimpalak bahagi ng ika 21st Charter Day ng Lungsod ng Kidapawan.
Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang pa-premyong cash, fuel allocation at mga bagong gulong sa mga nanalong entries mula sa tatlumpong assosasyon ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA.
Napiling Best Tricycle 2019 ang unit na pag-aari ni Rommel Mamburao na may KD Number 1-292 na byaheng Poblacion.
P15,000 cash price ang kanyang napanalunan kasama na ang tatlong bagong gulong.
Second Place bilang best Tricycle ang KD Number 2-2577 na pagmamay-ari ni Arnel Manunuan na byaheng Lanao na nanalo ng P10,000 at tatlong bagong gulong.
May Cash prizes at bagong gulong ang mga nanalo mula third hanggang 21st places sa best tricycle.
Napili namang Best Driver 2019 si Jerson Branzuela ng KISAMATODA na nanalo ng P5,000 cash at limang litro ng gasolina.
May cash prizes din at libreng gasolina mula sa City Government ang Top 20 sa Best Driver award category.
Ang iba pang mga hindi nanalong entries ngunit nag qualify sa patimpalak ay may premyo din na P300 cash at limang litrong gasolina.
Ang Hapsay Pasada Search for Best Tricycle and Best Driver 2019 ay pasasalamat at pagkilala ng City Government sa aktibong pakikibahagi ng sektor ng tricycle sa patuloy na pag-unlad ng Kidapawan City, wika pa ni Mayor Evangelista.##(CIO/LKOasay)

Photo Caption – BEST CITY TRICYCLE 2019: Napiling Hapsay Pasada 2019 Best Tricycle ang unit with KD Number 1-292 na pag-aari ni Mr. Rommel Mamburao na may byaheng Poblacion Kidapawan City – Saguing Makilala Cotabato. Ang parangal ay bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng sektor ng tricycle sa pag unlad ng Kidapawan City.(CIO Photo)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio