Mayor Evangelista hindi gagamitin sa politika at ipauubaya sa tamang ahensya ang pagbibigay tulong sa mga sinalanta ng El Niño 

You are here: Home


NEWS | 2019/03/16 | LKRO


thumb image

Mayor Evangelista hindi gagamitin sa politika at ipauubaya sa tamang ahensya ang pagbibigay tulong sa mga sinalanta ng El Niño
KIDAPAWAN CITY – HINDI magagamit sa pamomulitika ang pinaplanong relief distribution ng City Government sa deklarasyon ng state of calamity sa lungsod bunga ng El Niño.
Ito ang pagbibigay linaw ni City Mayor Joseph Evangelista lalo pa at inaasahang mahahagip ng kampanya sa local positions ang distribution ng relief assistance sa mga naapektuhang pamilya at komunidad.
Kahit pa nga noong 2016 Elections na panahon din na nanalasa ang EL Niño at kahit wala siyang katunggali, hindi sumali at nagpakita si Mayor Evangelista sa mga relief distribution bilang pagtalima sa batas at pagpapakita ng delikadesa sa mga mamamayan.
Bagamat March 29, 2019 pa magsisimula ang kampanya, hindi niya pakikialaman ang pagbibigay ng tulong.
Bagkus, ipauubaya na lang niya ito sa CSWDO, CDRRMO at sa Philippine Red Cross ang pamamahagi ng tulong na kinabibilangan ng bigas, de-latang pagkain, instant noodles at iba pa.
Mahigpit na ipinagbabawal ng RA 10121 at ng Comelec ang pagsali ng mga politiko sa relief assistance.
Kaugnay nito ay umabot na sa mahigit limampu at tatlong milyong piso ang naitalang damyos sa mga pananim ng unang tatlong barangay na nagdeklara ng state of calamity sa lungsod.
Ang mga ito ay ang Macebolig, Malinan at Patadon.
Patuloy naman ang pagbibigay ng tubig maiinom ng City Government sa mga lugar na tuyo na ang balon at malayo sa linya ng Metro Kidapawan Water District.
P13 Million ang ipapalabas na pondo ng City Government para sa relief assistance.
May P18 Million namang nakalaan sa El Niño Action Plan para sa recovery kagaya ng pagbibigay ng binhi ng palay, mais at gulay na itatanim ng mga apektadong magsasaka kapag normal na ang pag-ulan at infrastructure projects para maibsan ang epekto ng tagtuyot tulad na lamang mga water systems.
Posibleng magagamit ng City Government ang pondo sa El Niño Action Plan kapag lumampas sa tinatayang panahon ang tagtuyot para madagdagan ang relief assistance para sa mga nasalanta, pagtitiyak pa ng CDRRMC.##(CIO/LKOasay)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio