Month: May 2019

You are here: Home


thumb image

Kidapawan City LGU napiling isa sa mga Champions for Health Governance 2019 ng bansa

KIDAPAWAN CITY – MALAKING KARANGALAN SA LARANGAN NG KALUSUGAN ANG nakamit ng Kidapawan City Government matapos piliin bilang isa sa mga Champion for Health Governance 2019 ng bansa.
Tinanggap ni City Mayor Joseph Evangelista ang parangal mula sa Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership Organizing Committee na siyang nagbibigay parangal sa mga natatanging Local Government Units ng bansa na kinilala sa larangan ng pagpapatupad ng episyente at kaaya-ayang programang pangkalusugan sa pangkalahatan.
May 29, 2019 ng iginawad ang Parangal kay Mayor Evangelista kasama pa ang apat na LGU’s ng bansa sa seremonyang ginanap sa tanggapan ni Vice President Leni Robredo.
Ilan lamang sa kinilalang mga programang pangkalusugan ng City Government ay ang: pagkakaroon ng Health Stations sa iba’t-ibang barangay; Maternal Wellness and Child Care Program; pagbibigay serbisyo ng City Blood Center; Dental Health Programs; ZERO percent rate sa rabies deaths simula 2015; expansion ng City Health complex at dagdag na bed capacity at laboratory services ng City Hospital; Anti-TB Programs; Supplemental Feeding programs; Community Based Drug Rehab Program, libreng tulong medical at ophthalmology services para sa mga Senior Citizens; at pagbibigay insentibo sa mga health champion barangays.
Kasama ng Kidapawan City na tumanggap ng parangal bilang mga Champions for Health Governance ay ang Vigan Ilocos Sur; San Felipe Zambales; Cabatuan Iloilo at Tacurong City Sultan Kudarat.
Dumaan sa masusing evaluation at screening pati na on-site inspection ang mga nanalong Local Government Units.
Ang Champion for Health Governance ay simulang iginawad noong 2013 ng Kaya Natin! Movement; Merck Sharpe and Domme o MSD Pharmaceutical Company, Association of Municipal Health Officers in the Philippines at ng Jesse Robredo Foundation.##(cio/lkoasay)

Photo caption: CHAMPION FOR HEALTH GOVERNANCE 2019. Tinanggap ni City Mayor Joseph Evangelista(kanan sa ibaba) ang Parangal bilang isa sa mga Champions for Health Governance 2019 ng bansa noong May 29, 2019. Personal na iniabot ni VP Leni Robredo ang gawad sa mga nanalong LGUs sa nabanggit na parangal.(photo courtesy of Ms, Marione Jill Basarte)

thumb image

Mayor Evangelista at FKITA namigay ng libreng school supplies sa mahigit 300 mga bata

KIDPAWAN CITY – TATLONG DAAN AT SAMPUNG MGA BATANG anak ng tricycle drivers and nabigyan ng libreng School Supplies May 28, 2019.
Proyekto ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Associations – FKITA at ni City Mayor Joseph Evangelista ang pamimigay ng gamit pang eskwela. 
Maliban sa pagtulong, pasasalamat na rin ng alkalde sa suporta ng sektor ng mga nagmamay-ari at tsuper ng tricycle sa kanyang pagkakapanalo noong May 13, 2019 Mid-term Elections, ito ay ayon pa kay FKITA President Jabby Omandac.
Nagmula ang pondong pambili ng school supplies sa P98,000 na proceeds ng Mayor JAE 3 Cock Derby noong ika 21st Charter Day ng lungsod sa buwan ng Pebrero 2019.
Anak ng mga driver ang mga batang nabigyan ng gamit pang eskwela mula sa tatlumpo at isang asosasyon ng tricycle sa ilalim ng FKITA.
Pumili ang FKITA ng tig sampung bata kada asosasyon na nararapat mabigyan ng school supplies.
Tumanggap sila ng notebooks, ballpen at papel mula sa FKITA at kay Mayor Evangelista.
Mula Grade 1 hanggang Grade 7 ang nabigyan ng bagong gamit pang eskwela.##(cio/lkoasay)

(photo credit to FKITA President Jabby Omandac)

thumb image

Mga atletang nagwagi ng medalya sa Palarong Pambansa nabigyan na ng insentibo

KIDAPAWAN CITY – NAGBIGAY NA NG CASH INCENTIVES ANG City Governmen tsa lahat ng mga atletang nanalo ng medalya sa 2019 Palarong Pambansa.
Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista ang premyo ng mga manlalaro sa May 24, 2019 Convocation Program ng City Government.
P5,000 para sa Gold Medallist, P2000 Silver at P1,000 para sa Bronze ang tinanggap na insentibo ng mga nanalong atleta.
Ang pagbibigay insentibo ay bahagi na ng One Team One City One Goal Sports Development Porgram ng City Government katuwang ang DepED, local sports clubs at ang pribadong sektor.
Nakasungkit ng 3 Gold, 9 na Silver at 8 Bronze Medals ang Kidapawan City delegation sa Ilalim ng Team SOCCSKSARGEN sa 2019 Palarong Pambansa na ginanap sa Davao City.
Nanalo ng gintong medalya sa Swimming events ang Kidapawan City.
Pilak din para sa Swimming; Boxing 49 kg; Table Tennis Doubles at Tango Quickstep sa Dancesports.
Samantala, Tanso naman ang napanalunan ng team sa mga events gaya ng Boxing 46 and 48 kg; Taekwondo Girls; Badminton Doubles at Swimming Relay.
Nabigyan din ng insentibo ang mga winning coaches ng mga atleta.##(cio/lkoasay)

thumb image
Publiko hinikayat na makiisa sa National Flag Day
KIDAPAWAN CITY – HINIHIKAYAT NI CITY MAYOR JOSEPH EVANGELISTA ANG lahat na makiisa sa National Flag Day sa May 28, 2019.
Ang panawagan ay bunsod na rin ng mga paghahanda para sa June 12, 2019 121st Independence Day kung saan ay magsisimula sa pagdiriwang ng National Flag Day. 
Pinananawagan sa lahat na maglagay ng bandila ng Pilipinas sa mga tanggapan ng gobyerno at pribado, mga eskwelahan, tahanan, tindahan o maging sa mga sasakyan.
Una na ring nanawagan ang Department of the Interior and Local Government sa pag obserba ng National Flag Day sa mga LGU’s sa buong bansa sa ilalim ng Section 2 ng RA 8491 o Flag and Heraldic Code of the Philippines o FLAG Law.
Ginugunita ng National Flag Day ang tagumpay ng mga Pilipinong Rebolusyonaryo laban sa mga mananakop na Espanyol sa Labanan sa Alapan, Imus Cavite noong May 28, 1898 kung saan ay sa unang pagkakataon ay nasilayan ang Watawat ng Pilipinas.
Nakatakda namang pangungunahan ni Mayor Evangelista ang isang simpleng programa sa City Plaza sa pagdiriwang ng Independence Day sa umaga ng June 12.##(cio/lkoasay)

(photo is from www.bworldonline.com)

 

thumb image

Mayor Evangelista VM Bombeo at mga bagong konsehal nanumpa na

KIDAPAWAN CITY – NANUMPA NA SINA City Mayor Joseph Evangelista, City Vice Mayor –Elect Jiv-Jiv Bombeo at sampung mga nanalong City Councilors umaga ng May 24, 2019.
Ibinigay ni RTC Judge Arvin Sadiri Balagot ang Oath of Offices ng mga nabanggit na opisyal sa isang simpleng seremonya sa City gymnasium sa kasagsagan ng May 2019 Monthly Convocation Program ng City Government. 
Kasama nina Mayor Evangelista at ng mga bagong halal na opisyal ang kanilang mga mahal sa buhay na sumaksi sa Oath of Office Ceremonies.
Kasama ni Mayor Evangelista sa kanyang panunumpa sa taas ng entablado ang kanyang maybahay na si Madam Marylene, mga anak na sina Dr. Jose Martin Evangelista. MD, Atty Jose Paolo Evangelista at kanyang kabiyak na si Atty. Angeli Ness Casador.
“Tapos na ang eleksyon kaya panahon na nilang tuparin ang kanilang mga pinangako noong kampanya”, mensahe pa ni mayor Evangelista.
Asahan na ng mamamayan ang ‘finishing touches’ sa mga programang kanyang nasimulan noong pang 2013, dagdag pa ng alkalde.
Hinimok din niya ang mga bagong nahalal na kapwa opisyal na magtrabaho ng maayos at isulong ang mga programang makabubuti sa mamamayan.
Maliban pa kay Mayor Evangelista at Vice Mayor Bombeo, ang mga nahalal na city councilors ay sina: Melvin Lamata, Jr; Marites Malaluan; Gregorio Lonzaga; Ruby Padilla-Sison; Carlo Agamon; Airene Claire Pagal; Aljo Cris Dizon; Lauro Taynan Jr; Narry Amador at Peter Salac.
Sa tanghali ng June 30 opisyal silang uupo sa kanilang termino bilang mga local officials.##(cio/lkoasay)

thumb image

Kidapawenyo Top 5 ng MABALASIK Class 2019 ng PMA

KIDAPAWAN CITY – ISANG KIDAPAWENYO ANG NAPABILANG Sa Top Ten ng Philippine Military Academy MABALASIK Class of 2019.
Siya ay si Aldren Maambong Altamero, tubong Balabag Kidapawan City at Top 5 sa kanilang klase ay nakatakdang pumasok bilang 2nd Lieutenant sa Philippine Air Force. 
Ikinagalak ng kanyang mga kaanak ang nakamit na tagumpay sa apat na taong pag-aaral at pagsasanay sa PMA.
Bata pa lamang ay nagpakita na ng kasipagan sa pag-aaral at kababaang loob si 2nd Lt. Altamero, wika pa ng kanyang tiyuhin na si Ginoong Rodolfo Ondoy.
Inampon at pinalaki ni Mang Rodolfo si 2nd Lt. Altamero mula ng pumanaw ang kanyang ama at nangibang lugar ang kanyang ina sa gulang na labindalawa.
Bunso siya sa tatlong magkakapatid.
Honor student siya sa USM KCC bago nagdesisyong pumasok at pumasa sa PMA.
Likas din na matulungin si 2ND Lieutenant Altamero sa kanyang pamilya dahil pinadadalhan sila nito ng pera mula sa kanyang allowances sa PMA para pang dialysis si Mang Rodolfo na may malubhang sakit sa bato.
Hindi lamang ang kanyang mga kaanak ang nasisiyahan sa kanyang tagumpay kungdi pati na rin ang kanyang mga kababata sa Barangay Balabag.
Personal na babatiin ni City Mayor Joseph Evangelista si 2nd Lt. Altamero sa nakatakdang pag-uwi nito sa lungsod pagkatapos ng May 26, 2019 Commencement Exercises ng PMA.
Ang tagumpay ni Altamero ay nagpapakita ng angking galing at talino ng Kidapawenyo, mensahe pa ni Mayor Evangelista. ##(cio/lkoasay)

(photo is from Aldren Chuxx Altamero Facebook Page)

thumb image

Mayor Evangelista nanawagan ng pagsuporta sa Brigada Eskwela

KIDAPAWAN CITY – NANANAWAGAN SI City Mayor Joseph Evangelista sa lahat na suportahan ang Brigada Eskwela ng DepEd na opisyal ng magsisimula ngayong May 20 hanggang May 25, 2019.
Taunan na kasing ginagawa ng DepEd ang Brigada Eskwela upang ihanda ang mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa June 3, 2019.
Mas mainam na makibahagi rito ang mga magulang, ani pa ni Mayor Evangelista, upang sa gayun ay diretso na sa pagpasok sa unang araw ng klase ang mga bata.
Pinaplano na rin ng CDRRMO na magpatupad ng malawakang fogging operations sa mga public schools bago pa man magbukas ang klase.
Layun nito na mapuksa ang mga lamok na nagdadala ng dengue virus lalo pa at nagsisimula na ang mga pag-ulan.
Ongoing naman ang construction ng Temporaray Learning Facility na pansamantalang gagamiting classrooms bilang alternatibo sa nasunog na mga silid aralan sa New Bohol Elementary School, pagbubunyag pa ni Mayor Evangelista.
Makakatulong na ang mga ito bilang proteksyon ng mga bata laban sa init ng araw at pag -ulan.
Matatandaang nasunog ang may apat na silid aralan sa nabanggit na eskwelahan noong gabi ng April 20, 2019.
Masaya ring ibinalita ng alkalde na ipatutupad na ng kanyang administrasyon ang P400 na Parents Teachers Association o PTA Subsidies para sa lahat ng naka enroll mula kindergarten hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan sa Kidapawan City.
Target na sa buwan ng Hulyo ipapamahagi na ni Mayor Evangelista ang mga PTA subsidies sa lahat ng public schools.##(cio/lkoasay)

thumb image

Mayor Evangelista balik trabaho na

KIDAPAWAN CITY – BALIK TRABAHO NG MULI si City Mayor Joseph Evangelista matapos manalo sa May 13, 2019 Mid term Elections.
May mga pagtitipon na pangungunahan ang alkalde ngayong linggo na naglalayung ituloy ang mga nabinbin na mga proyekto dahil na rin sa election ban.
Una rito ang posibilidad na ituloy ang planong pagbili ng mga bagong heavy equipments na gagamitin sa pagsasa-ayos ng mga daan sa iba’t-ibang lugar sa Kidapawan City.
Kakausapin ni Mayor Evangelista si Vice Mayor Elect Jiv-Jiv Bombeo kung papaanong ipatutupad ang proyekto sa pagsasa-ayos ng mga daan.
Nakatakda namang pupulungin din ni Mayor Evangelista ang kanyang finance Team para naman pag-usapan kung pwede bang ‘ilibre’ na lang ng City Government ang binibigay nitong ambulance services para sa lahat.
Mga Indigents at senior citizens lamang pa kasi ang nililibre ng City Government sa kasalukuyan sa paggamit ng ambulansya ng Call 911 samantalang may fuel counterpart naman ang iba pang mga indibidwal na nais gumamit nito.
Nais kasi ng alkalde na ilibre na ang ambulance services para sa lahat gayung may paparating ng dalawang bagong ambulansya ang City Government.
Kapag may sapat na pondo para rito, maglalabas ng Executive Order si Mayor Evangelista para gawing libre na ang serbisyo ng ambulansya para sa lahat.
Patungkol naman sa posibilidad ng mga pagbabago sa City hall, sinabi naman ni Mayor Evangelista na walang malakihang pagbabago sa hanay ng mga empleyado at kawani.
Nananatiling maayos naman ang performance ng karamihan ng mga empleyado, wika pa ng alkalde.
Inaasahang magkakaroon ng mga pagbabago sa hanay ng mga kawani sa ilalim ng City Vice Mayor’s Office na pamumunuan na ni VM Elect Bombeo simula sa tanghali ng June 30, 2019.##(CIO/LKOasay)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio