NEWS | 2019/08/30 | LKRO
OCVET nakabantay sa posibleng pagpasok ng African Swine Fever sa lungsod
KIDAPAWAN CITY – NAKABANTAY ANG City Veterinarian’s Office sa posibleng mangyaring kaso ng African Swine Fever sa mga babuyan sa lungsod.
Reaksyon ito ni City Veterinarian Dr. Eugene Gornez sa kaso ng mga namamatay na mga baboy sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sa kasalukuyan.
Bagamat hindi pa matukoy ng mga otoridad kung African Swine Fever nga ang rason sa pagkamatay ng mga baboy, nakabantay ang kanyang opisina sa posibleng pagpasok nito sa lungsod.
Pinapayuhan ng OCVET ang mga nag-aalaga ng baboy sa mga kabaranggayan na agad sumangguni sa kanilang mga Barangay Animal Health Workers kung sakaling magpakita ng simtomas ang kanilang mga alaga.
Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod: lagnat; panghihina at kawalan ng gana sa pagkain; pamumula ng balat partikular ang tainga at nguso; ubo at hirap sa paghinga; pagsusuka at diarrhea na may kasamang pagdurugo, at biglaang pagkalaglag ng mga ibinubuntis na biik.
Kapag nagpakita ng mga simtomas na nabanggit ang mga baboy, agad itong ireport sa mga kinauukulan, wika pa ng OCVET.
Pinapayuhan din ang mga nag-aalaga ng baboy sa wastong pangangalaga tulad na lamang ng palagi-ang paglilinis ng mga kulungan upang maiwasan na magkasakit ang mga ito. ##(cio/lkoasay)
Photo caption- AFRICAN SWINE FEVER SYMPTOMS: Isa mga mga simtomas ng African Swine Fever sa baboy ang pamumula ng balat sa tainga at nguso tulad ng nasa larawan. Kasali din ang mataas na lagnat, panghihina at kawalang gana sa pagkain, pagsusuka at diarrhea na may kasamang pagdurugo, ubo at hirap sa paghinga at biglang pagkalaglag ng ibinubuntis na biik. (photo is from agriculture.vic.gov.au)