<iframe src=”https://www.facebook.com/plugins/post.php?href=https%3A%2F%2Fwww.facebook.com%2Fpermalink.php%3Fstory_fbid%3D2483948971847761%26id%3D1780407158868616&width=500″ width=”500″ height=”764″ style=”border:none;overflow:hidden” scrolling=”no” frameborder=”0″ allowTransparency=”true” allow=”encrypted-media”></iframe>
Surprise Mandatory drug test ng mga tsuper at konduktor sa City Overland Terminal isinagawa
KIDAPAWAN CITY – SINORPRESA NG Philippine Drug Enforcement Agency at mga kabalikat nito ang pagsasagawa ng drug test sa mga tsuper at konduktor ng mga bus, vans at iba pang Public Utility Vehicles sa Overland Terminal ng lungsod.
Layun ng drug test ay upang alamin kung gumagamit ba ng illegal na droga ang mga nabanggit para na rin sa kaligtasan ng riding public, ito ay ayon pa kay PDEA 12 Public Information Officer Kath Abad.
Pumili ang PDEA sa mga driver at konduktor na pumasok at naghihintay ng kanilang torno sa terminal na isailalim sa drug test.
Katuwang ng PDEA ang Philippine National Police at Land Transportation Office sa pagsasagawa ng drug test kung saan ay sinuri ang urine samples ng mga driver at konduktor.
Hindi muna makakabyahe ang sino man na magpopositibo sa drug test, ayon pa sa PDEA.
Bukod pa sa confiscation ng lisensya ay kinakailangan munang sumailalim sa rehabilitasyon ang magpopositibo sa drug test para makabyaheng muli, ayon pa sa mga otoridad.
Dahil dito ay humingi ng dispensa ang mga otoridad sa mga naabalang pasahero lalo pa at kaligtasan naman ng mga ito ang hinahangad ng mga otoridad.
Ang drug test ay isa lamang sa mga ginagawang hakbang ng mga otoridad upang maiwasan ang disgrasya sa daan sa panahon ng pagdiriwang ng Undas.##(cio/lkoasay)
City Gov’t nakahanda na sa undas
KIDAPAWAN CITY – PLANTSADO NA ng City Government ang pagpapatupad ng Oplan Undas.
October 31 pa lang ay maglalagay na ng tauhan ang City PNP para sa seguridad sa mga sementeryo at ang Traffic Management Unit para naman sa pagmamando ng trapiko sa naturang mga lugar.
Bibigyan ng ibayong atensyon ng mga otoridad ang Kidapawan Catholic Cemetery at Cotabato Memorial Park na dalawa sa pinakamalaking himlayan sa lungsod.
Magsisilbing entrance para sa lahat ng motorista ang Bautista Street kung pupunta ng Cotabato Memorial saka lalabas ng Tamayo Street.
May inilaan na parking space ang management sa loob ng sementeryo, ayon na rin sa TMU.
Sa mga pupunta naman ng Catholic Cemetery, entrance papunta sa lugar ang Diamond Street at saka lalabas sa Suerte Subdivision.
Magsasagawa din ng inspeksyon ang mga pulis sa mga motorista na pupunta sa mga sementeryo.
Mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng armas, malalakas na sound system, alak at mga gamit pang sugal kung nasa sementeryo, ayon na rin sa PNP.
May ilalagay ng help desk at emergency responders ang mga otoridad para tumugon sa ano mang problema sa mga sementeryo.
Ipinanawagan ng mga otoridad ang kooperasyon ng lahat para sa mapayapang pagdiriwang ng undas.##(cio/lkoasay)
Best Cooperatives sa lungsod ginawaran ng City Government
KIDAPAWAN CITY – GINAWARAN NG PAGKILALA ng City Government ang mga natatanging kooperatiba sa lunsgod sa Culmination program ng Cooperative Month.
Ito ay pamamaraan ng Lokal na Pamahalaan na kilalanin ang mga mahahalagang kontribusyon ng sektor ng kooperatiba sa pagpapa-unlad ng kabuhayan ng mga miyembro at kaunlaran ng pamayanan sa pangkalahatan.
Sa mensaheng ipinarating ni City Mayor Joseph Evangelista sa pamamagitan ng kanyang anak na si City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista, patuloy na aalalayan ng City Government ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbibigay technical assistance at livelihood programs na makakabenepisyo sa kabuhayan ng mga miyembro.
Basehan ng pagkilala ang Non Financial at Financial Component kung papaanong pinatatakbo ang mga kooperatiba.
Ito ay kinabibilangan ng ilan sa mga sumusunod na panuntunan: patuloy na pagbibigay edukasyon at pagsasanay sa mga miyembro; maayos na pamamahala at pamamalakad ng mga opisyal; pagbibigay ng tamang benepisyo at dibidendo sa mga miyembro; pagkakaroon ng matatag na kapital; tama at transparent na paggamit ng pondo at siyempre kung may sapat na kinikita mula sa operasyon.
Hinati ang mga winning cooperatives depende sa laki ng kanilang ari-arian o assets.
Nanalong Best MICRO Coop o may assets na 3 Million Pesos pababa ang Cotabato Provincial Government and Retirees Multi-Purpose Cooperative.
Best Small Cooperative naman (o may assets na P3.1 Million – P15 Million) ang Kidapawan City National High School Teachers, Employees and Retirees MPC.
Best Medium Coop (P15.1 M- P100M assets) ang Kidapawan City Division Office Teachers, Retirees and Employers MPC.
Best Large Cooperative 2019 (P100 assets pataas) ang Mediatrix Multi-Purpose Cooperative.
Best Cooperative Branch naman ang Sta.Catalina Multi-Purpose Cooperative.
Tumanggap ng Plaque of Recognition at cash prices ang mga nanalong kooperatiba sa Culmination Program October 23, 2019 sa City Gymnasium. ##(cio/lkoasay)
P20,000 cash assistance ibinigay ng HUDCC sa mga biktima ng lindol
KIDAPAWAN CITY – P20,000 NA Cash Assistance mula sa Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC ang tinanggap ng may labing apat na pamilyang nabiktima ng malakas na lindol sa lungsod.
Tumanggap ng tulong mula sa ahensya yaong mga partially damaged ang bahay bunga ng Magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa lungsod gabi ng October 16, 2019.
Pinangunahan nina HUDCC Chair Eduardo del Rosario, National Housing Authority Kidapawan Head Zeny Cabiles, City Vice Mayor Jivy Roe Bombeo at iba pang mga opisyal ang pamimigay ng tulong.
Ginanap ang aktibidad sa Senior Citizen Building ng City Government ala una ng hapon October 23, 2019.
Sa pamamagitan nito ay maisasaayos na ng mga family beneficiaries ang kanilang bahay na sinira ng lindol, ayon pa kay del Rosario.
Maliban sa Kidapawan City, magbibigay din ng kahalintulad na tulong ang HUDCC sa mga pamilyang apektado ng lindol partikular sa mga bayan ng Tulunan, M’lang at Makilala.
Ang mga nabanggit kasama ng Kidapawan City ay nasa ilalim na ng state of calamity sa kasalukuyan dahil sa malawakang pinsala na idinulot ng lindol.##(cio/lkoasay)
PHOTO CAPTION- HUDCC namigay ng tulong sa mga nasalanta ng lindol sa lungsod: P20,000 na cash assistance ang ibinigay ng HUDCC sa mga pamilyang nasiraan ng bahay sa Kidapawan Citty bunsod ng 6.3 Magnitude na lindol noong October 16, 2019.Pinangunahan nina City Vice Mayor Jivy Roe Bombeo at HUDCC Chair Eduardo del Rosario (ikalima at ikaanim sa harapan) ang pamimigay ng tulong.(CDRRMO Photo)
NHA magbibigay ayuda sa mga nasiraaan ng bahay sa lungsod bunga ng malakas na lindol
KIDAPAWAN CITY – ABOT SA TATLUMPUNG libong pisong building materials ang ibibigay na ayuda ng National Housing Authority para sa mga nasiraan ng tahanan sa lungsod bunsod ng magnitude 6.3 lindol na tumama noong October 16, 2019.
Nakipag-ugnayan na si Mayor Joseph Evangelista sa NHA para sa pagbibigay ng ayuda para maayos ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad ang kanilang mga nasirang bahay.
P30,000 na halaga ng mga materyales para sa mga totally damage at P20,000 para naman sa mga partially damaged na mga tahanan ang pwedeng ibigay ng ahensya, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Kinakailangan ng iilang clearances kagaya na lamang ng Inspection clearances mula sa CDRRMO at City Engineering Office, certification mula sa Barangay at lagda ni Mayor Evangelista.
Maaring sumangguni sa NHA Kidapawan City para sa karagdagang impormasyon.
Ang NHA ay isa lamang sa mga ahensyang magbibigay ng tulong sa mga nasalanta upang makabangon mula sa kalamidad.
Nagpapatuloy naman ang assessment ng Pamahalaan sa pinsalang idinulot ng malakas na lindol.
Hindi lamang kasi mga bahay ang napinsala ng kalamidad.
May kasiraan din na tinamo ang iilang pampublikong paaralan, mga government buildings at business establishments ayon na rin kay Mayor Evangelista. ##(cio/lkoasay)
City Gov’t namigay ng 30 sakong bigas para sa mga nasalanta ng lindol sa bayan ng Tulunan
KIDAPAWAN CITY – TATLUMPUNG SAKO ng bigas ang ibinigay ng City Government para sa mga nasalantang pamilya ng lindol sa bayan ng Tulunan, North Cotabato.
Sa bisa ng isang Resolusyon ng City Disaster Risk Reduction ang Management Council sa pangunguna ni City Mayor Joseph Evangelista ay ipinalabas nito ang nabanggit na bilang ng bigas upang ibigay tulong sa mga apektadong pamilya ng bayan.
October 21, 2019 ng personal na inabot ng mga kagawad ng CDRRMO sa Local Government ng Tulunan ang mga bigas.
Matatandaang isinailalim sa State of Calamity ang Tulunan dulot ng pinsala ng Magnitude 6.3 na lindol na yumanig sa Mindanao noong gabi ng October 16, 2019.
Bagamat isa ang Kidapawan City sa mga nagtamo ng pinsala, nagawa pa nitong magbigay ng tulong lalo pa at mas mahirap ang kalagayan ng mga mamamayan ng Tulunan na naapektuhan ng lindol.
Abot sa mahigit isang libong pamilya ang nawalan ng tirahan sa bayan ng Tulunan matapos masira ang kanilang mga tahanan dulot ng nabanggit na kalamidad.##(cio/lkoasay)
Photo caption – City Govt namigay ng tulong sa Bayan ng Tulunan: Opisyal na itinurn-over ni City DRRMO Psalmer Bernalte(green shirt) sa Tulunan LGU ang tulong mula sa Kidapawan City Government para sa mga nasalantang pamilya ng Magnitude 6.3 lindol na yumanig at nagdulot ng lubhang pinsala sa bayan.Isinagawa ang pamimigay tulong noong October 21, 2019.(photo is from CDRRMO)
City Gov’t 4 time winner na sa SGLG
KIDAPAWAN CITY – MULING NAGWAGI SA Seal of Good Local Governance –SGLG ng DILG ang City Government. Ito na ang ikaapat na magkasunod na taong nagwagi ang lungsod sa prestihiyosong patimpalak. Ang SGLG o ang Pagkilala sa Katapatan at Kahusayan ng mga Pamahalaang Lokal ay pagkilala sa mga natatanging Local Governments ng bansa na nagpakita ng accountability at transparency sa pamamagitan ng tamang paggamit ng pondo ng gobyerno, pamimigay ng sakto at tamang serbisyo publiko, business friendliness, disaster risk reduction and management, anti-illegal drugs campaign, at environmental protection. “Patunay lamang ito na naging maayos ang pagbibigay serbisyo at pamamahala ng City Government sa mamamayan ng lungsod. Ito ay para sa ating lahat.”, wika pa ni City Mayor Joseph Evangelista. Maala-alang sumailalim sa serye ng evaluation mula sa Department of the Interior and Local Government ang City LGU kung saan ay sinuri ang mga programa, serbisyo at tamang paggamit ng pondo. Kahit na SGLG Hall of Famer na ang City Government mula ng manalo noong 2016, 2017 at 2018, ipinagpatuloy at hinigitan pa ng City Government ang mandato nitong makapaglingkod ng tapat sa mamamayan. Tanging Kidapawan City lamang sa buong Region 12 ang nakakuha ng SGLG sa City Government Awardees ng DILG. May kalakip na Performance Challenge Fund na insentibong matatanggap ang City Government mula sa pagkakapanalo ng SGLG. Tatanggapin ni Mayor Evangelista, City LGOO Aida Garcia at department heads ng City Government ang SGLG sa National Capital Region kasabay ng ika 28 taong anibersaryo ng pagkakalikha ng RA 7160 o Local Government Code of 1991. Sa kabuo-an ay may limampu at pitong mga City Government Awardees ang tumanggap ng selyo ngayong 2019. Tumanggap din ng SGLG sa Municipal Category ang iba pang mga bayan sa Rehiyon dose. Ito ay ang Midsayap North Cotabato, Surallah South Cotabato at ang mga bayan ng Lambayong at Lutayan sa Sultan Kudarat.##(cio/lkoasay)