CITY GOVERNMENT NAGTALAGA NA NG STORAGE FACILITIES PARA SA MGA BAKUNA KONTRA COVID19

You are here: Home


NEWS | 2021/02/16 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – MAY KALAKIP NG MGA STORAGE FACILITIES ang paghahandang ginagawa ng City Government sa pinaplanong Vaccination Roll Out Plan kontra Covid19.

Ipinakita mismo ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga refrigerated vans na paglalagyan ng mga bakuna na pangontra sa pagkalat ng sakit kay Cotabato Governor Nancy Catamco umaga ng February 16, 2021.

Una ng ipinaliwanag ng alkalde sa gobernadora ang Vaccination Roll Out Plan ng City Government sa pamamagitan ng isang Power Point Presentation, kung saan ay nakasaad dito ang pagpapabakuna sa mamamayan ng lungsod alinsunod sa kautusan ng DOH at National IATF.

Mahalaga ang pagkakaroon ng angkop na storage facility dahil gagamitin ito sa pagbabyahe ng mga bakuna mula sa DOH patungong Kidapawan City, ayon pa kay Mayor Evangelista.

Tinatayang nasa -20 hanggang -25 degrees Celsius ang lamig sa loob ng refrigerated van upang mapanatili ang bisa at maging epektibo ang bakuna para sa matuturukan nito.

Nakalagay na ang mga refrigerated van sa isang tago at secured na lugar sa lungsod sa kasalukuyan at nakahanda na sakaling dumating na ang mga bakuna mula sa Department of Health at pharmaceutical company na magsu-suply ng mga ito.

Tanging Kidapawan City pa lamang ang nakapaghanda ng Covid19 Vaccination Roll Out Plan sa buong lalawigan ng Cotabato, ayon pa kay Governor Catamco.

Hinikayat niya ang iba pang Local Government Units sa buong probinsya na maghanda na rin ng kani-kanilang vaccination roll out plan.

Pangunahing rekisito ang Vaccination Roll Out Plan para makapirma sa isang Tripartite Agreement ang LGU sa DOH/National IATF at Pharmaceutical Company bago ang pagbili ng bakuna. Umaasa ang City Government na mapapabilis na ang proseso sa pagpirma nito sa Tripartite Agreement para magkaroon na ng anti Covid19 vaccines sa lalong madaling panahon.##(CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio