NEWS | 2021/03/29 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (March 27, 2021) Tuluy-tuloy lang at naging maayos ang vaccination roll out ng Covid-19 vaccine para sa mga front liners sa Kidapawan City.
Ayon kay Kidapawan City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU Operations Chief Dr. Nerissa Paalan, nasa 1,838 front liners na ang nabakunahan ng Covid-19 vaccine mula ng umpisahan ito noong March 8, 2021 hanggang ngayong linggong ito gamit ang Sinovac at sinundan ng AstraZeneca.
Nakapaloob sa bilang na ito ang mga front liners mula sa iba’t-ibang pagamutan sa Kidapawan City at ilang mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team o BHERT na sinimulan ng turukan tulad ng mga Barangay Health Workers o BHW, Barangay Nutrition Scholars o BNS at maging mga Barangay Chairpersons at mga Barangay Kagawad na humahawak ng Health Committee, ayon pa kay Dr. Paalan.
Maliban naman sa Notre Dame of Kidapawan College o NDKC IBED at school gym ay ginagamit na rin bilang mga vaccination site ang St. Mary’s Academy of Kidapawan o SMAK at Kidapawan Doctors College, Inc.o KDCI.
Pinasalamatan naman ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang mga front liners sa pagtanggap sa bakuna maging ito man ay Sinovac o AstraZeneca. Sinabi ni Mayor Evangelista na pinalalakas nito ang kumpiyansa ng mamamayan at bakuna lamang din ang tanging paraan upang tuluyan ng mapigilan ang pagkalat ng Covid-19 disease.
Maliban naman sa mga mild discomforts ay wala namang naitalang
adverse reactions o di kanais-nais na pangyayari sa mga nabakunahang frontliners.
Sa ngayon ay tuluy-tuloy na pinalalakas ng CESU ang kahandaan nito sa pagbabakuna at patuloy din ang paala-ala sa publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health protocols kahit pa may bakuna na upang lubusang makaiwas sa sakit. (CIO-AJPME-jscj)