Month: May 2021

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY – SA LAYUNING matiyak ang sapat na supply ng pagkain sa lungsod, magkaakibat na ginawa ng City Government of Kidapawan at ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ang hydroponics gardening technology noong May 20, 2021.

Maliban pa sa isinusulong nito ang Urban Greening program, angkop din ang hydroponics gardening technology lalo na sa mga urbanisadong lugar dahil konting espasyo lamang ang kinakailangan nito para makapagtanim na ng mga high value vegetable crops at iba pang pananim.

Dagdag pa nito ay hindi na nangangailangan pa ng lupa ang pagsasagawa ng hydroponic gardening dahil tanging Styrofoam, plastic cups o alin mang uri ng non biodegradable garbage material, coco peat, tubig at foliar solution ang gagamitin para sa pagtatanim.

Nagiging trend na ang hydroponics gardening technology hindi lamang bilang source ng pagkain kungdi, nagbibigay din ito ng pagkakakitaan lalo na sa mga plantito at plantita ngayong patuloy ang pananalasa ng Covid19 pandemic sa buong mundo, ani pa kay Phylis Daswani ng PCUP. 

Abot sa 45 na mga participants ang dumalo sa orientation at demonstration ng hydroponics gardening technology sa Mega Tent ng City Hall.

Nagsagawa ng demo si Richard Nicolas, isa sa mga kawani ng City Agriculture Office sa hydroponics gardening kung saan ay ginamit niya ang coco peat, plastic cup at tinunaw na 25ml foliar solution sa 10 litrong tubig saka nagtanim.

Maliban sa makakatulong na makapagtanim at magkaroon ng pagkukunan ng sariling pagkain ang mga pamayanan sa mga urban areas, mapapakinabangan din ang mga non biodegradable na basura na pwedeng pagtaniman kaysa itapon ang mga ito na magdudulot lamang ng polusyon sa kapaligiran.

Naglaan ng Php 500,000 na paunang pondo ang City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO para sa vegetable growing sa rural at urban areas bilang suporta sa food security program ng City LGU. 

Pwedeng dumulog sa opisina ni City Agriculturist Marissa Aton ang mga nagnanais magkaroon ng kaalaman sa hydroponics gardening technology. ##(CIO with reports from CDRRMO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – MULING NANAWAGAN NG kooperasyon mula sa publiko si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista kugnay ng tumataas na kaso ng Covid-19 sa lungsod.

Nasa mahigit isang daang kaso na ng Covid-19 ang naitatala ng City Government sa kasalukuyan.

Maliban sa pagsunod sa itinatakdang minimum health protocols, panawagan ng alkalde sa lahat na umiwas munang pumunta sa mga mass gathering gaya ng kainan, lamay, o alin mang okasyon na marami ang tao ng maiwasang mahawa sa Covid19.

Family transmission o mismong mga miyembro ng pamilya na may Covid virus ang nakakahawa sa iba sa loob pa mismo ng tahanan, ayon pa kay Mayor Evangelista.

Nasa 83% capacity na ang lahat ng mga isolation at quarantine facilities sa lungsod, pagbubunyag pa ng alkalde.

Nagbanta si Mayor Evangelista na posibleng ibabalik ng City Government ang implementasyon ng protocols sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine period noong nakalipas na taon kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng lahat sa bahay kung hindi man lang kinakailangan , paghihigpit sa mga checkpoints, paggamit muli ng quarantine passes, paglimita sa public transportation at limited capacity sa mga essential establishments.

Hinikayat ng alkalde na magpabakuna na ang lahat pagsapit ng kanilang vaccination schedule para maiwasan na magka-komplikasyon sa Covid19. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – 35 NA MGA dating Persons Who Used Drugs o PWUD ang nagsipagtapos sa Community Based Drug Rehabilitation Program ng City Government at partner agencies nito noong nakalipas na May 14, 2021.

Bahagi ng Balik Pangarap Program na inorganisa ni City Mayor Joseph Evangelista  ang aktibidad na naglalayong matulungang makabalik sa lipunan at mamuhay ng normal ang mga PWUD.

Mandato rin ng Department of Interior and Local Government o DILG sa programa nitong “OPLAN SAGIP – Guidelines on Voluntarily Surrender of Drug Users and Dependents and Monitoring Mechanism of Barangay Anti-Drug Abuse Campaigns” sa lahat ng mga Local Government Units na magpatupad ng CBDRP sa pamamagitan ng kanilang mga Anti-Drug Abuse Councils o ADAC para sa mga low risk at mild disorder na sumukong PWUD.

Dahil sa pagsuko at pakikipagtulungan ng mga PWUD sa Lokal na Pamahalaan, magiging prayoridad na mabigyan ng livelihood assistance ang mga nagsipagtapos sa CBDRP, mensahe pa ni Mayor Evangelista sa mga ito.

Nagmula sa mga barangay ng Binoligan 14, Ilomavis 10, Linangkob 8 at Magsaysay 3 ang mga 35 na mga nagsipagtapos sa loob ng tatlong buwan na CBDRP.

Ginawa ang aktibidad sa City Convention Center sa nabanggit na petsa kung saan ay panauhing pandangal ang mga representante ng partner agencies ng City Government. Ilan lamang sa mga ito ay ang: Philippine Drug Enforcement Agency, Department of Interior and Local Government, Department of Health, Philippine National Police, at mga Barangay Anti – Drug Abuse Councils ng mga barangay na nabanggit. ##(cio)

thumb image

TUMANGGAP na ng kanyang unang dose ng Astra Zeneca anti Covid19 vaccine si City Mayor Joseph Evangelista sa Vaccination Roll Out ng City Government at DOH umaga ng May 19, 2021.

Ginawa ang pagbabakuna sa Kidapawan Doctors College, Inc. (KDCI) campus kung saan ay nagpapatuloy ang pagbabakuna sa mga senior citizens sa kasalukuyan.

Ayon kay Mayor Evangelista, personal niyang hiniling kay Senator Bong Go sa pagdalaw nito  sa lungsod noong May 12, 2021 na mabigyan na ng bakuna ang mga alkalde dahil sila man din ay maituturing na frontliners at humaharap sa kanilang constituents sa araw-araw.

Hindi naman nabigo si Mayor Evangelista  sa kahilingang ito àt pinayagan na ng National IATF for Covid-19 ang pagpapabakuna ng alkalde.

Maliban sa magagampanan na niya ng mas maayos ang kanyang tungkulin sa mamamayan ngayong panahon ng pandemya, magsisilbi din itong ehemplo sa iba na magpabakuna na kontra Covid19, ani pa ni Mayor Evangelista.

Ng tanungin patungkol  sa mga panibagong implementasyon ng quarantine protocols dala ng tumataas na kaso ng Covid19 sa lungsod, magpapalabas ng bagong direktiba si Mayor Evangelista na agad ding ipatutupad sa mga susunod na araw.

Layun nito na malimitahan ang paglabas ng mamamayan para sa mga non- essential na bagay at pagkontrol sa mass gathering na tinuturong dahilan sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.

Aabutin pa ng walo hanggang labindalawang linggo bago pa matatanggap ni Mayor Evangelista ang kanyang pangalawang dose ng Astra Zeneca Vaccine.

Samantala, sa third quarter ng taong kasalukuyan, ay darating na ang bakunang bibilhin ng City Government para sa tinatayang 40,000 na mga Kidapawenyo na hindi nakasali sa  of Health, pagbubunyag pa ni Mayor Evangelista para matiyak ang vaccination ng mas maraming bilang ng mamamayan.  ##(cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (May 18, 2021) – HINDI tumitigil at tuloy-tuloy lang ang Office of the City Veterinarian o City Vet ng Kidapawan sa pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka sa lungsod na matinding naapektuhan ng pandemiya ng Covid-19.

Ayon kay City Veterinarian Dr. Eugene Gornez, kabilang sa ipinamahagi ng kanilang tanggapan para sa mga qualified beneficiaries sa ilalim ng 2021 Livestock and poultry Program ay ang mga sumusunod: 9 na baka at 32 kambing para sa buwan ng Pebrero; 6 na kambing at 30 free range chicken para sa Marso.

Abot naman sa 258 na mga baboy ang naipamahagi  noong Abril sa ilalim ng Food Security and Economic Resiliency Plan for Covid-19 at ngayong buwan ng Mayo ay nakapamahagi ang City Vet ng 200 free range chickens para sa mga benepisyaryo. 

Maliban rito ay nakatakda din ngayong buwan ang pamimigay ng abot sa 100 itik at 140 broiler chickens at 240 free range chicken sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development o SAAD Program, ayon pa Kay Dr. Gornez.

Sinabi ni Gornez na layon ng programa na mapatatag muli ang hanay ng mga magsasaka partikular na ang mga livestock at poultry raisers upang mapalakas din ang food sufficiency at sustainability sa lungsod.

“Hindi tayo humihinto sa pamimigay ng tulong sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng Livestock and poultry Program at patuloy natin silang aalalayan upang makabawi at makabangon sa negatibong epekto ng Covid-19 pandemic”, dagdag pa ni Gornez.

Alinsunod rin daw ito sa mandato ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na tutukan ang agrikultura at pagtuunan ng ibayong pansin ang mga programang magpapabuti sa kalagayan ng mga magsasaka.

Samantala, tuloy-tuloy lang din ang operasyon ng Vegetable Trading Post o Bagsakan ng Gulay sa Barangay Magsaysay, Kidapawan City tuwing Martes at Sabado na isa rin sa mga inisyatibang ginawa ng City Government upang matiyak ang benta ng produkto ng mga vegetable growers sa lungsod.

Sa ilalim ng naturang trading post ay wholesale ang bentahan ng produktong gulay na direkta namang binibili ng mga wholesalers sa mega market at iba pang palengke o talipapa sa lungsod. (CIO)

thumb image

SINIMULAN na ng City Government ang pagpapalista ng mga tricycle drivers para sa isasaagwang Vaccination Roll Out ng mga nasa A4.1 Priority list ng pamahalaan o yaong mga indibidwal na naghahapbuhay sa transport sector.

Pinakilos na ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga opisyal ng Federation of Kidapawan Integrated Tricycle Association o FKITA na magpalista na ang kanilang mga miyembro para mabigyan ng bakuna.

Kahit yaong mga hindi napapabilang sa mga asosasyon ng FKITA basta may Drivers License, at OR/CR ng motor ay ililista din ng City Government para sa vaccination kontra Covid19.

Nitong May 7, 2021, mismong si FKITA President Jabby Omandac kasama ang ilang mga kawani ng City Government ay nagsagawa ng pagpapatala para sa mga tsuper na hindi nakapalista sa kanilang asosasyon o di kaya ay yaong mga hindi miyembro ng FKITA.

Ginawa ng grupo ni Omandac ang pagpapatala sa may bahagi ng overpass sa tapat ng Our Lady Mediatrix of All Graces Cathedral.

Maliban sa pagpapatala, ipinaliliwanag ng maayos ng grupo sa mga tricycle driver na huwag matakot magpabakuna.

Hindi ibig sabihin na kapag may karamdaman ang driver gaya ng hypertension, diabetes o ano mang klase ng co-morbidities ay hindi na siya mababakunahan.

Ipinaliliwanag ng City Government sa pamamagitan ng FKITA na dapat magpabakuna ang mga driver hindi lamang na mapo-protektahan sila na hindi magka-komplikasyon sa Covid kungdi ay, mas risgo sila na ma-expose sa Covid lalo pa at iba’t-ibang mga indibidwal na kanilang pasahero sa bawat araw ng kanilang pamamasada.

Sa mga tsuper na nagdadalawang isip na magpabakuna, mas mainam na dumulog at sumangguni sa kanilang mga health service provider para mapaliwanagan ng maayos sa kahalagahan ng pagbabakuna kontra Covid19. ##(cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – MAGBIBIGAY NG Php10,000 na tulong pinansyal ang City Government para sa mga umuwing Kidapawenyo Distressed Overseas Filipinos na uuwi sa lungsod mula sa ibang bansa.

Nakapaloob bilang kapital sa itatayong maliit na negosyo ng mga distressed OF’s ang tulong sa ilalim ng paunang Php 300,000 na pondo ng City Government.

Makakatulong na ang halagang nabanggit na makapagsimula ng dahan-dahan ang mga KIdapawenyong nakaranas ng pang-abuso o di kaya ay nagkasakit o naaksidente na hindi na makakapagtrabahong muli sa ibang bansa.

Nais ni City Mayor Joseph Evangelista na hindi lamang tulungang makauwi ang mga Kidapawenyong distressed OF kungdi ay maalalayan din sila na maka-ahon at magkaroon ng maliit na kabuhayang pwede nilang maitaguyod sa hinaharap.

Una ng tinulungan ni Mayor Evangelista ng ilan sa mga OF na taga lungsod na makauwi sa bansa matapos dumanas ng pang-aabuso ng kanilang amo o di kaya ay nagkasakit at naaksidente sa bansang kanilang pinag-tatrabahuan.

Upang maisakatuparan ito, ipinag-utos ng alkalde na ang tulong pinansyal ay idaan sa pamamagitan ng City Cooperative Development Office sa ilalim ng livelihood assistance program nito.

Katuwang ng City Coop Development Office ang Public Employment Services Office sa screening ng OF at processing ng tulong pinansyal.

Maaring sumangguni ang mga distressed OF sa nabanggit na mga tanggapan ng City Government para makatanggap ng tulong. ##(cio)

thumb image

HALOS dalawang daang mga residente ng Poblacion Kidapawan City ang nakabenepisyo sa KADIWA Community Pantry na hatid serbisyo publiko ng Department of Agriculture XII, City Government of Kidapawan at ng mga Farmers and Cooperative Associations ng lungsod. Layun ng aktibidad na makapagbigay ng pagkain sa mga residenteng apektado ng Covid19 na hirap makabili nito sa kasalukuyan. Nanguna sa pagpapatupad ng Community Pantry si DA XII Regional Director Arlan Mangelen, City Mayor Joseph Evangelista at City Agriculturist Marissa Aton kung saan, ay ginanap sa Pavilion ng City Plaza buong araw ng May 6, 2021.Iba’t-ibang klase ng sariwang gulay, pangsahog, itlog, tilapia at prutas ang ipinamigay ng DA at ng City Government sa mga residenteng pumunta sa community pantry. Nagmula ang mga nabanggit na produktong pagkain sa mismong DA XII at sa mga vegetable and fruit growers ng Kidapawan City. Dahil na rin sa mga ipina-iiral na minimum health protocols kontra Covid19, inobliga ang lahat na sumunod dito tulad na lamang ng pagsusuot ng face mask at face shields, physical distancing, at disinfection habang kumukuha ng kanilang pangangailangang pagkain sa community pantry. Mahigpit din ang pagbabantay na ginawa ng City Government katuwang ang City PNP para masegurong nasusunod ang minimum health protocols at seguridad na rin ng mamamayan na nasa lugar ng aktibidad. ##(cio)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – SA LAYUNING Mas mabigyan ng diin ang information dissemination kontra Covid19, sinimulan na kahapon ang pagpapalabas sa pamamagitan ng video presentation sa mga simbahan sa lungsod ang panghihikayat ng mga senior citizens na matagumpay na nagpabakuna kontra sa sakit.

April 30, 2021 ng ipamahagi ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng City Health Office at City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU ang video documentation sa mga nakakatanda na nauna ng nabigyan ng Sino vaccine sa roll out vaccination para sa mga nasa ilalim ng A2 Priority List ng Pamahalaan.

Sa pamamagitan nito ay makukumbinsi ang maraming nagsisimba na magpabakuna na kontra Covid19.

Maala-alang isinagawa ng City Government ang pagbabakuna ng may 419 na mga senior citizens mula sa barangay Poblacion, Sudapin, Singao, Lanao at Manongol nitong April 21-23, 2021.

Halos may mga ‘controlled co-morbidities’ o umiinom ng maintenance medicine kontra hypertension, diabetes, asthma at iba pang sakit ang mga nagpabakunang senior citizens sa roll out vaccination program na ginawa ng City Government.

Walang dapat katakutan ang mga magpapabakuna, ayon pa sa mga nakakatanda na nabigyan ng anti covid19 vaccine dahil na rin sa tama at maayos na pagbibigay impormasyon ng Pamahalaan.

Mas malaki ang benepisyo na hindi magkaka-komplikasyon sa sakit kaysa magka covid, anila, sabay ang panghihikayat din sa lahat na huwag maniniwala sa mga maling impormasyon patungkol sa pagbabakuna.

Ipinalabas ang video presentation dahil na rin sa kahilingan ng iilang religious communities na makatulong sa pagbibigay ng tamang impormasyon patungkol sa anti-covid19 vaccination.

Kaugnay nito ay patuloy na ipinananawagan ng CESU ang lahat ng mga Persons with Co-morbidities na kasali sa A3 Priority list sa vaccination roll out na magpalista na sa kani-kanilang barangay upang mabigyan ng bakuna. ##(CIO)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio