Month: August 2021

You are here: Home

[tfg_social_share]


thumb image

KIDAPAWAN CITY – PINASALAMATAN NG pamunuan ng City Schools Division si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa tulong na ipinaabot nito sa kagawaran sa nakaraang school year sa harap ng krisis na dulot ng Covid19.
Malaki ang naibahagi ng City Government sa pangunguna ni Mayor Evangelista upang mabigyan ng kalidad na edukasyon ang mga kabataan sa pamamaraan ng blended learning, ayon kay City Schools Division Superintendent Natividad Ocon, CESO VI.
Matatandaang wala munang ‘face to face’ learning na ipinatupad ang DepEd sa buong bansa dahil na rin sa bantam ng Covid-19.

Aniya, naisakatuparan ito dahil na rin sa paglalaan ng City Government ng mahigit sa apat na milyong pisong pondo para sa printing ng mga learning modules ng mga bata mula kindergarten hanggang senior high schools.
Nagmula ang nabanggit na pondo sa Special Education Fund o SEF at bahagi ng Parents Teachers Association o PTA subsidy na bigay ng City Government.

Nakatulong din ang suporta ng mga barangay at purok officials hindi lamang dito sa Kidapawan City kungdi sa mga kalapit lugar din kung saan ay may mga batang nakatira na nag-aaral sa lungsod, ayon pa kay Ocon.

Bukod rito ay naging matagumpay din ang partnership ng DepEd, City Government at With Love Jan Foundation, Incorporated sa pagpapatupad ng blended learning sa pamamagitan ng radio-based learning o programa sa radyo.

Tumaas naman ng hanggang 47,000 ang enrollees sa public schools ang naitala ng DepEd Kidapawan City kahit pa sa panahon ng pandemya noong school year 2020 – 2021, ayon pa rin kay Ocon.

Kaugnay nito ay handa na ang City Schools Division para sa pagbubukas ng klase sa September 13, 2021.
Pinasalamatan din ni Ocon ang City Government sa pagpapabakuna kontra Covid19 ng mahigit sa kalahati ng tinatayang 1,200 teaching and non-teaching personnel ng DepEd.
Hinikayat din niya ang iba pang mga guro at kawani ng DepEd Kidapawan City na magpabakuna na pagsapit ng kanilang schedules. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – TUMANGGAP ng limang-daang sako ng bigas ang Kidapawan City Government mula sa Provincial Government of Cotabato ngayong umaga ng Huwebes, August 26, 2021.

Personal na iniabot ni 2nd District Board Member Dr. Philbert Malaluan at ng personnel mula sa Provincial Social Welfare and Development Office o PSWDO ang nabanggit na ayuda kina City Social Welfare and Development Officer Daisy Gaviola at City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista sa simpleng turn-over na ginawa sa National Food Authority o NFA sa lungsod.

Magsisilbing food packs o bahagi ng ayudang pagkain mula sa provincial at city government ang nabanggit na mga bigas para sa mga pamilyang isasailalim ng lockdown dahil sa Covid-19.

Isinakay naman agad sa tatlong dump trucks ng city government ang mga bigas.

Mula sa CSWDO, aatasan naman ang City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU sa pamamahagi ng mga ni-repack na bigas kasama ang mga de-latang pagkain para sa mga pamilyang maapektuhan ng lockdown.

Nakatakdang ipamahagi ang mga bigas susunod na linggo upang agad ding mapakinabangan.

Nagpasalamat naman ang City Government of Kidapawan kay Cotabato Provincial Governor Nancy Catamco sa ipinaabot nitong tulong ng provincial government para sa mga pamilyang maaapektuhan ng lockdown sa lungsod dulot ng Covid-19 infection at transmission.

thumb image

KIDAPAWAN CITY – MABIBIYAYAAN na ng dagdag na serbisyong patubig ang abot sa labing-isang barangay ng lungsod matapos buksan ang dalawang malalaking Water Impounding Project sa Barangay Marbel at Kalaisan nitong August 24, 2021.

Proyekto ng Metro Kidapawan Water District o MKWD ang nabanggit na sinuportahan naman ng City Government of Kidapawan.

Direktang makikinabang dito ang mga residente ng mga barangay ng Marbel, Linangkob, San Isidro, Sikitan, Gayola at Katipunan ganundin ang mga barangay ng Kalaisan, Magsaysay, Sumbac, Junction at Macebolig ayon pa sa pamunuan ng MKWD.

Mahalagang maabot ng kanilang serbisyo ang mga residente lalo pa’t karamihan sa mga ito ay kumukuha ng tubig mula sa poso dahil malayo sa kanila ang linya ng MKWD.

Nagkakahalaga ng mahigit sa P19 million ang bawat water impounding project na may kapasidad na 300 cubic meters ang nabanggit na mga pasilidad kalakip ang pumping facility, piping system, treatment facility at iba pa.

Pinangunahan nina MKWD Board of Director Chair Dr. Alfredo Villarico, MKWD GM Stella Gonzales, City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista, at ng mga barangay officials ng Marbel at Kalaisan ang pormal na pagbubukas ng pasilidad sa naturang petsa.

Naipatupad ang mga proyektong nabanggit sa pamamagitan ng pondo mula sa Local Water Utilities Administration – LWUA at Asian Development Bank o ADB. 

Maliban pa sa mayroon ng daloy ng tubig sa naturang mga lugar ay ligtas din itong inumin ng mga residente.

Kaugnay nito, ipatutupad naman ang joint venture ng City Government of Kidapawan at MKWD ang anim na underground water projects sa iba’t-ibang mga komunidad sa lungsod.

Layon ng proyekto na madagdagan pa ang pagkukunan ng tubig sa mga malalayong pamayanan sa Kidapawan City.

Hindi pa nasisimulan ang nabanggit na proyekto dahil na rin sa Covid19 pandemic.

Popondohan naman ng City Government of Kidapawan ang naturang underground water project. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – BINISITA NI Philippine National Police  o PNP Director General Guillermo Eleazar si Kidapawan  City Mayor Joseph Evangelista sa tanggapan nito alas- 9 ng umaga ngayong araw ng  Miyerkules, August 25, 2021.

Bahagi ng Command Visit ng pinuno ng Pambansang Pulisya ang kanyang pagpunta sa lungsod at sa iba pang pangunahing police stations sa Rehiyon 12.

Napag-usapan nina Mayor Evangelista at PGEN Eleazar ang peace and order situation ng lungsod, at ang kampanya ng City Government kontra Covid19.

Sinang-ayunan naman ni PGEN Eleazar ang mga ginagawang hakbang ng City Government katuwang ang City PNP sa kampanya laban sa kriminalidad pati na ang mahalagang papel ng kapulisan sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa lungsod.

Pinuri din ni Eleazar ang City Government sa suporta at pagbibigay ng kinakailangang logistics ng City PNP na nagresulta sa pagkakahirang nito bilang Most Outstanding Component City PNP Unit ng rehiyon noong taong 2020.

Mahalaga aniya, ang suporta ng bawat lokal na pamahalaan at ng komunidad sa pangkalahatan upang mapagtagumpayan ng kapulisan ang mandato nito na magbigay seguridad at labanan ang kriminalidad.

Hahanapan naman ng paraan ni Eleazar ang hiling  ni Mayor Evangelista na pondong abot sa P5 Million para sa expansion at iba pang renovation ng tanggapan ng City PNP.

Bago nakipagkita kay Mayor Evangelista, nagsagawa muna ng ocular inspection si Eleazar sa Kidapawan City Police Station.

Pinaalalahanan niya ang local PNP at maging ang mga non-uniformed personnel ng na gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin at ibigay ang nararapat na serbisyo sa mamamayan sa lahat ng panahon. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – KINASUHAN NA NG twelve (12) counts of Falsification of Public Documents ng City Government of Kidapawan ang may-ari ng isang massage parlor sa lungsod.

Mismong si City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista ang personal na pumunta at nag file ng complaint laban sa may-ari ng nabanggit na establisimiyento.

Una ng nagpahayag si City Mayor Joseph Evangelista na kakasuhan ang sino mang mapatutunayang hindi sumusunod sa  proseso ng pagbabakuna pati na ang mga susuway sa itinakdang polisiya laban sa Covid19 sa lungsod.

Nag-ugat ang kaso sa umano ay tampering na ginawa ng may-ari ng massage parlor sa medical clearances ng kanyang 12 empleyado na nais magpabakuna kontra Covid19.

Nangyari ang insidente noong nakalipas na July 31, 2021 sa Notre Dame of Kidapawan College o NDKC Vaccination Hub kung saan, ay pinilit niya na mabakunahan ang kanyang mga empleyado laban sa sakit.

Lumabas na ‘tampered’ o pineke ng nabanggit na business owner ang medical clearances ng kanyang mga empleyado para mabakunahan sa ilalim ng A3 category o Adults with Co-Morbidities sa vaccination roll-out ng City Government.

Mismong si City Health Officer Dr. Joy Encienzo, MD ang nagpatunay na peke ang mga medical clearances na may petsang July 30, 2021 na bitbit ng may-ari.

Maliban kasi sa pawang mga photocopy ang mga ito, ay ginaya ang kanyang sulat kamay.

Napag-alamang tanging ang business partner lamang ng may-ari ng nasabing massage parlor ang kanyang personal na sinuri at binigyan ng medical clearance noong July 30, 2021 ngunit, lumabas na kinopya ang naturang dokumento, at nilagyan pa ng pangalan ng mga empleyado, ayon pa sa sinumpaang salaysay ni Dr. Encienzo.

Maliban dito ay tinakot pa ng may-ari ang vaccination team at nanggulo pa sa Vaccination Hub ng City Government matapos hindi payagan sa kanyang nais na mabakunahan ang kanyang mga empleyado. Nagresulta tuloy ito sa pagpapalabas sa kanya ng mga pulis palabas ng vaccination hub.

Nilinaw naman ni Encienzo na hindi kasali ang mga empleyado sa reklamo.

Hindi rin sila blacklisted, ngunit sadyang hindi qualified na mabakunahan sa ilalim ng A3 category dahil tampered ang isinumiteng medical clearance ng kanilang employer.

Nakapaloob ang lahat ng ebidensya laban sa may-ari ng massage parlor sa mahigit 60 pahina ng Judicial Affidavit Complaint na isinumite ni Atty. Evangelista at sinertipikahan ni Fiscal Eugene Seron sa City Prosecutor’s Office umaga ng August 23, 2021. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 19, 2021) – LUBOS ang kasiyahan ng KCNC Bookkeeper’s Association of the Phil., Inc. matapos nilang makatanggap ng brand new Lenovo Laptop at Epson printer mula sa City Government of Kidapawan.

Mismong si KCNC -BAPI President Jeanet Rubi ang tumanggap sa naturang mga gamit mula kay City Legal Officer Atty Jose Paolo M. Evangelista sa turn over na ginanap sa City Hall lobby alas-nuebe ngayong umaga.

Gagamitin ng KCNC- BAPI ang bagong laptop at printer sa daily operation ng samahan kabilang na ang pag-proseso ng mga papeles o dokumento ng kanilang mga kliyente tulad ng business permits, BIR, SSS, Philhealth at iba pa na lubhang mahalaga sa negosyo.

Sinabi ni Rubi na malaki ang tulong ng nabanggit na mga gamit para kanilang hanay kung saan mas magiging sistematiko at organisado ang trabaho ng bawat isa.

Kaugnay nito, ipinarating ni Rubi ang pasasalamat kay City Mayor Joseph A. Evangelista sa pagbigay ng pansin sa KCNC BAPI at sa tiwala sa kakayahan ng kanilang hanay. “Daku ang amuang pasalamat kang City Mayor Joseph A. Evangelista sa suporta ug sa pagsalig sa amuang grupo. Among paningkamutan na makahatag ug mas maayong serbisyo pinaagi sa mga bag-ong equipment gikan sa City Government”, pahayag ni Rubi.

Samantala, maliban sa laptop at printer, magbibigay naman ang City Legal Office ng office supplies at ink sa KCNC BAPI bilang karagdagang tulong sa grupo.

Pagkatapos ng turn over, hiniling ni Rubi at ng kanyang mga kasama sa grupo kay Atty Evangelista na mabigyan sila ng kaukulang training at seminar upang mapaangat ang kanilang kakayahan at magkaroon ng dagdag na kaalaman bilang mga bookkeepers.

Pangunahing layunin ng KCNC BAPI na gabayan at maturuan partikular na ang mga bagong miyembro upang mas lumawig pa ang professionalism sa samahan at maging mas produktibo ang bawat isa.

Ikinatuwa naman ito ni Atty Evangelista kasabay ang pahayag na isa itong magandang hakbang sa pagitan ng City Government of Kidapawan at ng samahan ng mga bookkeeper sa lungsod.

Kapag nabigyan ng dagdag na inputs mas mapapahusay ang kanilang performance na ikakatuwa naman ng mga kliyente at maging ng city government partikular na ang concerned department tulad ng City Treasurer, City Assessor, City Accounting, Business Permits Licensing Office o BPLO at iba pa. (CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ISINAILALIM sa swab testing ang mga hog farms sa limang mga barangay ng lungsod na lubhang naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.

Mga kagawad mula sa Regional, Provincial at City Veterinary Offices ang nagsanib-pwersa at tinungo ang mga lugar na nakapagtala ng kaso ng sakit na ASF sa mga  alagang baboy  sa mga barangay ng Linangkob, Paco, Sikitan, Gayola at Mua-an buong araw ng August 17, 2021.

120 ang bilang ng mga swab samples ang kinuha ng mga otoridad sa naturang mga barangay na tinamaan ng ASF.

Kumuha ng swab samples ang binuong team sa mismong kulungan ng mga baboy at water source ng hog farms.

Kasabay naman nito ang ginawang interview ng mga otoridad sa mga nagmamay-ari ng hog farms.

Ipapadala ang mga nakuhang samples sa Regional Disease Diagnostic Laboratory ng Department of Agriculture XII sa General Santos City.

Aabutin ng isang linggo bago malalaman ang resulta ng swabbing na ginawa ng mga otoridad.

Dapat ding magpatupad ng Bio Security ang mga hog raisers para makapag-alaga muli ng baboy.

Maliban sa negative ASF results, kinakailangang may septic tank, net, foot bath at tamang supply ng tubig ang bawat hog farm para maiwasan ang mga sakit ng alagang babot tulad na lamang ng ASF.

Kapag nakumpirmang wala ng ASF virus sa mga lugar na tinamaan nito ay posible ng payagan ang pag-aalaga muli ng mga baboy.

Matatandaang isinailalim sa  de-population ang daan -daang mga baboy sa naturang mga barangay para maiwasan pa ang pagkalat ng nakakahawa at nakamamatay na ASF noong nakalipas na taong 2020.

Nagdulot ito ng malaking pagkalugi sa kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy sa lugar.

Nagbigay naman ng tulong pinansyal ang Provincial at City Veterinary Office sa mga apektadong hog raisers bahagi ng indemnity program ng National Government para maibsan ang pagakalugi sa kabuhayan dulot ng ASF.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – NABIGYAN na ng ‘SAFETY SEAL’ ng City Government at DILG ang Jollibee, Red Ribbon, Chowking Kidapawan at Greenwich Pizza ngayong araw August 18, 2021 ganap na alas-otso ng umaga.

Personal na iniabot ni City Mayor Joseph Evangelista at ni Department of Interior and Local Government o DILG Kidapawan City Operations Officer Julia Judith Jeveso sa mga nabanggit na fast food chain ang selyo na nagpapatunay ng pagsunod sa mga itinatakdang minimum health protocols kontra Covid19.

Dahil sa nasusunod ng mga nabanggit ang guidelines ng National at Local IATF, ligtas laban sa Covid19 ang mga costumer na tatangkilik sa nabanggit na mga establisimento.

Agad ding ikinabit ng dalawang opisyal ang Safety Seal sa Jollibee Kidapawan Plaza, Jollibee Drive Thru, Red Ribbon Quezon Boulevard, Red Ribbon Gaisano, Chowking Drive Thru, Chowking Gaisano at Greenwich Pizza.

Kaugnay nito, kailangan pa ring sundin ng publiko ang minimum health standards sa nabanggit na mga fast food chains gaya ng pagsusuot ng face mask, face shields, thermal scanning, physical distancing at disinfection at pagpapakita ng CCTS Card o QR Code.

Magbibigay naman ng 10% discount ang naturang mga fast food chains sa mga costumer na fully vaccinated o nakakumpleto na ng bakuna kontra Covid19.

Kinakailangan lamang ipakita ang vaccination card na may kalakip na picture at pirma ng mismong may-ari habang nagbabayad ng kanyang inorder na pagkain.

Mabibigyan din ang iba pang mga business establishments sa lungsod kapag nasertipikahan na na sumusunod sa itinatakdang minimum health protocols ng National at Local IATF Against Covid19.##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (August 17, 2021) – MAGLALAGAY na ng pediatric beds ang City Government of Kidapawan sa mga Isolation at Temporary Treatment and Monitoring Facilities nito.

Layon ng hakbang na ito na mabigyan ng tamang atensyon at pag-aaruga ang mga bata na mahahawaan ng Covid-19.

Napagkasunduan sa meeting ng Local Inter Agency Task Force on Covid19 kahapon sa pangunguna ni City Mayor Joseph Evangelista ang hakbang na nabanggit bilang isa sa mga pamamaraan ng City Government sa pagpasok sa lungsod ng pinangangambahang Delta variant ng COVID-19 virus.

Mas mabilis at lubhang nakakahawa ang Delta variant at marami na ring mga bata ang nahawa nito sa iba’t-ibang bansa sa mundo.

Posible namang may mga gagawing pagbabago sa isolation at treatment protocols kontra Covid-19 sakaling maipatupad ng City Government ang paglalagay ng pediatric care facilities sa mga isolation and treatment facility na angkop sa kinakailangang medical at social needs ng mga bata habang ginagamot, ayon pa kay Mayor Evangelista.

Samantala, kung makakapasok man ang Delta variant ng Covid19 sa lungsod, mas magiging masalimuot ang contact tracing at treatment ng mga magkakasakit nito, ayon  kay City TTMF Head Dr. Hamir Hechanova.

Ito ang dahilan kung kaya’t inihahanda na ngayon ng LIATF ang mga panuntunan sa pagpapagamot ng mga batang magkakasakit ng moderate to severe Covid19. 

Dagdag pa rito ang pagpapa-upgrade at paglalagay ng dagdag na kagamitang medical para mabigyan na ng accreditation ng Department of Health ang mga TTMF ng Kidapawan City.

Bilang mga paghahanda naman laban sa Delta variant, tiniyak ng City Government na sapat at hindi magkukulang ang supply ng oxygen sa lungsod pati na ang Remdesivir na siyang ginagamit na gamot sa Covid19. ##(CIO)

thumb image

PINALAWIG PA NG LIMANG ARAW  (Kidapawan City, Aug 16, 2021) PALALAWIGIN pa ng City Government of Kidapawan ng karagdagang limang araw ang focus containment sa Barangay SIbawan simula August 16, 2021.

Napagkasunduan ng Local Inter Agency Task Force o LIATF-Covid-19 ang quarantine extension upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lugar.

Napagdesisyunan ng Local IATF sa regular meeting nito ngayong araw 16 ang bagay na ito sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista na siya ring Chairperson ng LIATF.

Nasa 18 kaso ng Covid-19 ang naitala sa lugar nitong buwan ng Agosto kung kaya at isinailalim ang barangay sa focus containment.

Sinang-ayunan naman ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU ang pagpapalawig ng focus containment matapos na  38 pa ang  nadagdag bilang suspected Covid19 infections mula sa Barangay Sibawan at inaantay ang kumpirmasyon ng RT-PCR test ng mga ito.

Kaugnay nito, nais ngayon ni Mayor Evangelista na hilingin ang serbisyo ng army sa ilalim ng Task Force Kidapawan para sa  pagpapatupad ng seguridad at mahigpit na implementasyon ng quarantine at minimum

 health standards habang umiiral ang focus containment sa lugar at mapigilan na rin ang pagtaas pa ng kaso ng Covid19.

Hiniling din ng alkalde sa CESU na ipasailalim sa genome sequencing test ang mga sample mula sa Barangay Sibawan para malaman kung anong URI ng variant ng Covid ang tumama sa lugar dala na rin sa pangamba ng mas nakakahawang Delta variant virus.

Matatapos naman ang  extension ng focus containment ng Barangay Sibawan sa August 21, 2021 kasabay ng inaasahang pagbaba ng kaso ng doon.

Tiniyak naman ni Mayor Evangelista ang karagdagang tulong gaya ng pagkain para sa mga apektadong pamilya ng Barangay SIbawan habang umiiral ang focus containment sa lugar. (CIO)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio