KIDAPAWAN CITY (February 24, 2022) – ISANG van na puno ng produktong gulay mula sa mga vegetable grower ng Lungsod ng Kidapawan ang bumiyahe kahapon patungong Lalawigan ng Bukidnon at Cagayan de Oro City.
Ayon kay City Agriculturist Marissa Aton, layon ng hakbang na ito ay mas mapalakas pa ang produksyon at kita ng mga vegetable growers sa lungsod partikular na ang mga magsasaka mula sa mga Barangay ng Malinan, Amazion, at Gayola.
Kabilang sa mga iniluwas o send-off ng mga bagong ani at preskong gulay ay talong, ampalaya, upo, kalabasa, pechay, broccoli, at pipino o katumbas ng 2,033 kilos ng gulay na bibilhin ng mga vegetable wholesalers sa nabanggit na mga lugar.
Sinabi ni Aton na sapat ang supply ng gulay sa lungsod at hindi magkukulang ang mga paninda sa mega market at mga talipapa ganundin sa iba pang outlet tulad ng bagsakan kahit pa mag-transport ng gulay patungo sa ibang rehiyon.
Mas makabubuti nga raw ito para sa mga magsasaka o local vegetable growers dahil sa mas lalawak ang kanilang market opportunity sa pamamagitan ng karagdang buyers o link sa mga buyers, dagdag pa ni Aton.
Una ng sinabi ni City Mayor Joseph A. Evangelista na patuloy ang suporta ng City Government of Kidapawan sa agriculture sector na kinabibilangan naman ng mga local farmers, fisherfolks, livestock raisers, at fruit growers.
Katunayan, ang City Government na ang bumili sa nabanggit na mga gulay bilang bahagi ng cost recovery program at marketing assistance sa mga vegetable grower kaya wala ng middle man sa pagbenta ng mga produkto.
Bahagi ito ng layuning mapalakas ang food supply at food sustainability ng Lungsod ng Kidapawan sa harap na rin ng nagpapatuloy na pandemiya ng Covid-19 kung saan maraming mga farmers ang naapektuhan. (CIO-jscj/if/aa
KIDAPAWAN CITY (February 21, 2022) – ANIM na mga kooperatiba ang makatatanggap ng tig P200,000 o kabuuang P1.2M na pautang mula sa City Government of Kidapawan.
Ito ang ipinahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal at miyembro ng mga kooperatiba sa session hall ng Liga ng mga Barangay, alas-onse ng umaga ngayong araw ng Lunes kung saa dumalo rin sa pulong si ABC President at Ex Oficio Morgan Melodias.
Mula ito sa Livelihood Fund ng City Government na naglalayong
tulungan ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbibigay ng dagdag na pondo, ayon kay Mayor Evangelista.
Kabilang ang mga sumusunod na kooperatiba sa makikinabang sa hakbang kung saan nakapagsumite na rin ng kani-kanilang project proposal – AGJOAN Multi-Purpose Cooperative (Barangay San Isidro), Birada MPC (Barangay Birada), Kidapawan pangkabuhayan Marketing Cooperative (Barangay Poblacion), Macebolig Farmers MPC (Barangay Macebolig), Stanfilco Kidapawan Consumer Cooperative (Barangay Sudapin), at Sumbac MPC (Barangay Sumbac).
Lahat sila ay naglalayong gamitin ang matatanggap na pondo bilang dagdag o additional capital for consumer store at dagdag na pautang na rin para sa mga miyembro.
Agad ding sinimulan ng mga representante ng naturang mga kooperatiba ang pag-comply sa mga requirements na hinihingi ng City Cooperative Development Office o CCDO.
Maliban sa Project Proposal, ilan din sa mga kailangang isinumite ay Letter of Intent, Certificate of Registration, Audited Financial Statement (3 years), Board Resolution at iba pa.
Kaugnay nito, hinikayat ni City Cooperative Officer Dometillo B. Bernabe ang mga beneficiaries na isumite na agad ang mga requirements sa kanilang opisina upang ito ay masur isa lalong madaling panahon.
Samantala, ipinanukala naman ni Mayor Evangelista na amiyendahan ang Executive Order 058 o ang Livelihood Fund Management Committee sa layuning mapabilis ang ayuda o tulong sa mga kooperatiba sa lungsod.
Binigyang-diin ng alkalde na isa sa mga nakikitang pagbabago sa ordinansa ay kung mahusay naman ang performance ng isang kooperatiba sa loob ng isang taon ay hindi na kailangang mag-antay pa ito ng tatlong taon bago makinabang sa pautang o ayuda ng City Government. (CIO-jscj/if)
KIDAPAWAN CITY (February 21, 2022) – MAGSISIMULA na ang extended limited face-to-face classes sa abot sa 27 pampublikong paaralan sa lungsod sa darating ng February 28, 2022.
Ito ang ipinahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa Inter-Agency Task Force for COVID-19 at Health Cluster meeting na ginanap sa City Mayor’s Conference Room alas-nuebe ng umaga.
Masayang sinabi ni Mayor Evangelista na 100% ready na ang naturang bilang ng mga paaralan para magsagawa ng face-to face classes matapos na nakapasa ang mga ito sa School Safety Assessment Tool o SSAT at iba pang requirements na itinakda ng Department of Education o DepEd at ng Department of Health o DOH.
Sinabi ng alkalde na kailangan ng bumalik ang mga bata sa paaralan para sa face-to-face learning dahil malaki ang pagkakaiba nito kumpara sa modular at blended learning.
“Ito na ang tamang panahon upang makabalik ang mga mag-aaral at mga guro sa paaralan. Tayo ay nasa Alert Level 2 na at patuloy na bumababa ang COVID-19 cases sa lungsod. Mataas din ang ating vaccination rate kaya’t tuloy tayo sa Road to Recovery”, ayon kay Mayor Evangelista.
Ang mga public schools na magbubukas ay kinabibilangan ng 18 elementary o primary – Upper Singao ES, Datu Saliman ES, RBA Sabulao, F. Suerte, Kidapawan City Pilot ES, Nuangan ES (District 1); Malinan ES, Amas CES, Gayola ES, Onica ES, Patadon ES, San Roques ES, Katipunan ES, Amazion ES (District 5); Mateo ES (District 4); Kalasuyan ES, Lanao CES, Singao IS (District 3); at 9 na high-schools o secondary – Amas NHS, Juan L. Gantuangco, SAT (District 4); Spottswood NHS, Kalaisan NHS, Saniel NHS (District 3); Manongol NHS, Ginatilan NHS, Mt. Apo NHS – Balabag Ext., Mt. Apo NHS (District 2), ayon naman kay City Schools Division Superintendent Natividad Ocon.
Binigyang-diin ni Mayor Evangelista na walang anumang hihingiing kontribusyon ang mga paaralan sa mga magulang o mga mag-aaral sa pagsisimula ng face-to-face classes.
Ito ay matapos magpalabas ng P5.3M na pondo ang City Government of Kidapawan mula sa Special Education Fund o SEF para gamitin sa mga essentials at iba pang mahahalagang requirements kaugnay ng pagsisimula ng klase.
Una ng nagsumite ang bawat paaralan ng kanilang request base na rin sa kanilang pangangailangan o sa COVID-19 response at mga karagdagang facilities sa loob at labas ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro, mag-aaral, at mga magulang.
Hindi na rin dapat mag-alala pa ang mga guro at magulang sa maintenance ng mga paaralan dahil maglalagay ang City Government ng 10 workers bawat paaralan na tatanggap ng sweldo sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged at Displaced Workers o TUPAD, sinabi pa ni Mayor Evangelista.
Matatandaang apat na mga paaralan sa Kidapawan City ang una ng nagsagawa ng limited face to face classes at ito ay kinabibilanbgan ng Paco National High School, Kidapawan City National High School, at Northwest Hillside School at naging matagumpay sa kabuuan ang limited face-to-face classes sa loob ng halos 4 na buwan.
Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang lahat ng sektor na patuloy na magtulungan at magkaisa lalo na sa kampanya laban sa COVID-19.
Partikular niyang ipinanawagan ang palaging pagsunod sa minimum health standards at iba pang mga pag-iingat upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.
Bilang panghuli, ipinahayag din ng alkalde na inaasahang magbubukas din para sa extended limited face to face classes ang karagdagang 40 bago matapos ang buwan ng Marso, 2022. (CIO-JSCJ/IF)
KIDAPAWAN CITY (February 15, 2022) – NAKABIYAYA mula sa Fisheries Cost Recovery Program ng Office of the City Agriculturist ng Kidapawan ang isa sa mga benepisyaryo ng programa matapos magsagawa ng kanyang unang harvest kahapon February 14, 2022 o sa mismong araw ng mga puso.
Ganon na lamang ang tuwa ni Jacinto Banga ng Banga Farm sa New Bohol, Kidapawan dahil sa masaganang ani ng mga tilapia mula sa kanyang fishpond apat na buwan lamang matapos simulan ang pag-aalaga ng sex reverse tilapia, ayon kay City Agriculturist Marissa Aton.
Abot sa 200 kilos ng tilapia ang nakuha mula sa fishpond ni Banga na nagkakahalaga ng P15,590 na binili naman ito ng City Government of Kidapawan.
Mula sa naturang halaga ay ibinalik ni Banga ang halagang P8,050.00 alinsunod na rin sa nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng OCA at beneficiary.
Gamit ang isa sa mga bagong hauler truck ng city government ay ibiniyahe ang mga isda patungong Farmer’s Market sa City Plaza upang i-display at ibenta sa mga mamimili habang ang iba pa ay inihatid sa merkado sa mga vendors na una ng nagpa reserve ng tilapia.
Matapos ang harvest ng tilapia sa Banga Farm ay inaasahan namang susunod na mga harvest mula sa iba pang mga fishpond sa lungsod na bahagi pa rin ng Fish Cost Recovery Program, ayon pa kay Aton.
Kaugnay nito, sinabi ni Kidapawan City Mayor Jopseph A. Evangelista na patuloy ang City Government sa pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sa lungsod sa harap na rin ng nagpapatuloy na pandemiya ng Covid-19.
Ito ay para matiyak ang tuloy-tuloy na food supply at food sustainability na siya namang pangunahing mandato ng OCA. (CIO-jscj/photos-Office of the City Agriculturist)
KIDAPAWAN CITY – SINIMULAN NA NG City Government of Kidapawan ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11 years old laban sa Covid-19 ngayong araw ng Lunes, February 14, 2022.
Ginawa ang ceremonial vaccination sa Vargas Clinic sa Barangay Poblacion kasabay ang pagbabakuna sa tatlo pang mga ospital na nagsilbing vaccination hubs para sa edad 5-11 years old Pediatric Group.
Sinaksihan nina City Mayor Joseph Evangelista, Cotabato Vice Governor Emmylou Talińo – Mendoza at Department of Health Regional Office 12 Director Dr. Aristides Concepcion Tan ang pagbibigay ng specially formulated na Pfizer Anti-Covid-19 vaccines sa mga bata.
Sa kanilang mensahe, pinasalamatan ng mga opisyal ang mga magulang na tumugon sa panawagan ng pamahalaan na maproteksyonan laban sa Covid-19 ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Batid nina Mayor Evangelista at Vice Governor Mendoza ang sitwasyon ng mga bata sa panahon ng modular at blended learning kung kaya magiging daan ang pagbabakuna para sa kanilang kaligtasan at ang inaasam-asam na pagbabalik sa paaralan ng mga bata sakaling ipatupad na ng Department of Education ang face to face learning sa mas nakararaming eskwelahan.
Pinawi naman ni Director Tan ang pangamba ng mga magulang dahil ligtas at para talaga sa mga bata edad 5-11 years old ang Pfizer vaccines na ibinigay na unang dose ng mga vaccinee.
May nakaantabay naman na resident pediatrician sa bawat vaccination hub na siyang nakatutok sa mga bata bago at matapos silang mabakunahan.
Naglagay ng party set up at mga mascots ang City Government sa mga vaccination hubs para magbigay aliw sa mga bata habang naghihintay sa kanilang pagbabakuna.
Bilang dagdag na ayuda, tumanggap ng isang buong dressed chicken at dalawang kilong bigas ang bawat batang nagpabakuna.
Magpapatuloy ang vaccination para sa mga bata edad 5-11 years old pati na sa iba pang eligible priority group sa lungsod sa iba’t-ibang vaccination hubs ng City Government. ##(CIO/JSC/lkro)
KIDAPAWAN CITY – IPINAGKALOOB NA NG Department of Health o DOH ang bagong Biomolecular Laboratory ng City Government of Kidapawan ngayong araw ng Lunes, February 14, 2022.
Mismong si Department of Health 12 Regional Director Dr. Aristides Concepcion Tan ang nagbigay ng go-signal kay Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista para sa pagbubukas ng naturang pasilidad sa turn-over ceremony na ginanap sa Barangay Nuangan, Kidapawan City.
Sa pamamagitan ng Biomolecular Laboratory magiging mabilis na ang diagnosis at confirmation kung COVID-19 ang sakit ng pasyente base sa isinumiteng specimen.
Kapwa pinondohan ng DOH at ng Energy Development Corporation o EDC ang gusali at mga kagamitan ng nabanggit na laboratory samantalang sinagot naman ng City Government ang Site Development ng Biomolecular Laboratory.
Pwede itong tumanggap ng mga Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR analysis hindi lamang ng taga Kidapawan City kungdi pati na rin sa mga taga karatig bayan na magpapasuri sa pasilidad.
Ito na ang pangalawang Biomolecular Laboratory sa buong Lalawigan ng Cotabato na siyang nagsusuri ng specimen mula sa mga pasyenteng nagka COVID-19.
Masaya ding ibinalita ni RD Tan na nakakuha ng 100% na rating sa mga pagsasanay ang mga magpapatakbo ng Biomolecular Laboratory ng City Government.
Ibig sabihin ay ‘accurate’ o wasto ang mailalabas na resulta ng specimen na sinuri sa loob ng pasilidad na naging dahilan upang tuluyang mabigyan Ng License to Operate ang laboratoryo, ayon pa kay Tan.
Pinuri naman ni Cotabato Vice Governor Emmylou “Lala” Talińo– Mendoza ang mga hakbang na ginawa ni Mayor Evangelista sa panahon ng pandemya ng COVID-19 kung saan kabilang ang pagpapatayo ng Biomolecular Laboratory.
Pinakamataas din ang anti-covid vaccination rate ng Kidapawan City sa buong Lalawigan ng Cotabato at sa mismong SOCCSKSARGEN region, ayon pa kay Vice Governor Mendoza, bagay na dapat lamang pamarisan ng iba pang Local Government Units.
Ito na ang pangalawang COVID-19 facility na naipagkaloob sa City Government nitong buwan ng Pebrero 2022.
Una ay ang P10 Million na Office of the Civil Defense- funded Temporary Treatment Monitoring Facility o TTMF na nai turn-over noong February 11, 2022 at katabi lamang ng bagong Biomolecular Laboratory na ipinagkaloob naman ng DOH ngayong araw. ##(CIO/JSC/lkro)
KIDAPAWAN CITY – PINURI ng Office of the Civil Defense o OCD si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa aktibo nitong pagpapatupad ng mga hakbang laban sa COVID-19.
Mismong si OCD 12 Regional Director Minda Morante ang nagbigay ng papuri matapos ang turn-over ceremony ng bagong P10 Million Temporary Treatment and Monitoring Facility o TTMF mula sa ahensya patungo sa City Government of Kidapawan ngayong araw ng Biyernes, February 11, 2022.
Naitayo ang 16-bed capacity na TTMF gamit A
ang pondo ng OCD dahil na rin sa pagsisikap ni Mayor Evangelista na mabigyan ng sapat at komportableng lugar pagamutan ang mga nagkakasakit ng COVID-19 partikular na ang mga moderate Covid cases sa lungsod, ayon pa kay Director Morante.
Bawat silid ay para sa iisang pasyente lamang at may sariling aircon at palikuran para matiyak na comfortable ang magpapagaling sa TTMF.
Bukod pa sa libre na ang pagkain at gamot ng mga pasyenteng magpapagamot sa pasilidad, ay siniguro ng City Government na maayos ang kanilang kalagayan sa panahon ng treatment na makakatulong naman sa mabilis nilang paggaling, ito ay ayon pa kay Dr. Thaddeus Averilla, na siya namang namamahala sa TTMF.
Itinayo ang nabanggit na pasilidad sa lote ng City Government sa Barangay Nuangan, Kidapawan City.
Ito ay na katabi lamang ng naunang TTMF na nagmula naman sa Department of Health at ang malapit ng magbukas na Biomolecular Laboratory. ##(CIO/JSC/lkro)
KIDAPAWAN CITY – PERSONAL NA INIABOT ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang pondong abot sa P5,313,030.05 bilang ayuda sa Parents and Teachers Association o PTA subsidy para sa 27 iba’t-ibang pampublikong eskwelahan ng lungsod na pumasa at papayagang magpatupad ng limited face-to-face classes.
Ibinigay ni Mayor Evangelista ang tseke sa isang simpleng turn-over ceremony na ginanap alas ngayong araw ng Miyerkules, ganap na alas-nuebe ng umaga sa City Convention Center.
Dinaluhan ito ng mga school principals, PTA President at mga barangay officials kung saan matatagpuan ang 27 public schools.
Makakatulong ang PTA subsidy para makabili ng dagdag na learning devices ganundin ang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral mula sa COVID-19 tulad ng face mask, alcohol at iba pang kagamitan upang di na kumalat pa ang sakit sa mga eskwelahan.
Nagkakahalaga naman ng P300 ang PTA subsidy na inilaan ng City Government para sa bawat bata na naka-enroll sa public schools.
Nasa mahigit 48,000 ang mga batang mabibigyan ng PTA subsidy sa lungsod ngayong school year 2021-2022.
Agad magbubukas ang nasabing bilang ng mga pampublikong eskwelahan kapag ibinaba na sa Alert Level 2 ang lungsod laban sa Covid19, ayon naman kay City Schools Division Head Dr. Natividad Ocon.
Sinabi ni Mayor Evangelista na hindi lamang kasi makakabenepisyo sa limited face-to-face learning ang mga bata at magulang, kungdi, dahan-dahan na nitong mabibigyan ng kabuhayan ang mga sektor na apektado ng COVID-19 gaya ng mga habal-habal at tricycle drivers, mga nagmamay-ari ng boarding houses pati na mga tindahan at kainan malapit sa mga eskwelahan.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Mayor Evangelista ang mga magulang ng mga batang naka-enroll sa 27 public schools na ipabakuna na ang kanilang mga anak laban sa COVID-19 para matiyak ang kaligtasan laban sa sakit.
Sa darating na February 14, 2022 ay sisimulan na ng City Government ang vaccination ng mga bata o pediatric group 5-11 years old, ayon pa sa alkalde.
Maliban sa ceremonial vaccination na gaganapin sa City Health Office, sabay-sabay na gagawin ang Vaccination Roll-Out ng 5-11 years old sa iba’t-ibang mga ospital na magsisilbing vaccination hubs ng City Government. ##(CIO/JSC/lkro)
KIDAPAWAN CITY (February 7, 2022) – MATAPOS ang vaccination holiday na ipinatupad noong February 1-7, 2022 ay muling magsasagawa ang City Health Office o CHO ng walk-in vaccination at Barangay to the Vaxx o barangay vaccination.
Ito ang sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa ginanap na Inter Agency task Force for Covid-19 o IATF meeting ngayong araw kung saan sinabi nitong balik na ang vaccination matapos ang isang linggong break o pahinga ng mga vaccinators.
Kabilang naman ang mga sumusunod na barangay na magsasagawa ng vaccination: Amazion (300 vaccinees – Feb. 8, 2022), Birada (300 vaccinees – Feb. 9), Luvimin (300 vaccinees – Feb 10), Manongol (300 vaccinees – Feb. 11), at Linangcob (300 vaccinees – Feb 12).
Magbabakuna rin ang CHO ng 1st dose, 2nd dose at booster shots sa nabanggit na mga araw.
Ayon kay Mayor Evangelista, bahagi ito ng mga hakbang upang tuluyang makamit ang 70% herd immunity ng Kidapawan City na abot naman sa 110,500 eligible population at sa hangaring maprotektahan ang mas malaking bilang ng mga Kidapaweno laban sa Covid-19.
Sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU ngayong araw ay nakapagtala ang tanggapan ng 289 confirmed cases ng Covid-19 kung saan abot sa 194 ang mild at asymptomatic cases (home quarantine) at 95 ang moderate (temporary treatment facilities).
Samantala, pinaghahandaan na ng City Government of Kidapawan ang vaccination ng Pediatric Group 5-11 years old sa susunod na lingo kung saan natapos na ang master listing ng mga batang tatanggap ng bakuna.
Ito ay bahagi na rin ng paghahanda ng City Government sa pagbubukas ng karagdagang limited face-to-face classes sa oras na bumalik sa Alert Level 2 ang Kidapawan City at buong Lalawigan ng Cotabato.
Sakaling maisagawa na ang pagbabakuna ng 5-11 years old ay magiging partner uli ng CHO sa vaccination ang mga nangungunang private hospitals sa Kidapawan City. (CIO/jscj/aa)
KIDAPAWAN CITY (February 7, 2022)- HINDI na mahihirapan pang magpa-konsulta sa doktor ang mga residente ng Lungsod ng Kidapawan na nakararanas ng Covid-19 symptoms.
Ito ay matapos na pormal na inilungsad ngayong araw ang kauna-unahang Covid-19 Online Teleconsultation bilang natatanging paraan ng City Government of Kidapawan para matulungan ang mga indibidwal o pamilya na nakararanas ng mga sintomas ng naturang karamdaman.
Mismong si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang nanguna sa pagbubukas ng online teleconsultation sa ginanap na City Local Inter-Agency Task Force for Covid-19 meeting alas-9 ng umaga.
Naka base sa City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU and Covid-19 Online Tele-Consultation kung saan may itinalagang online government physician at isang virtual assistant sa pakikipagtulungan ng Kidapawan City Covid-19 Nerve Center.
Magbubukas mula 8AM – 8PM ang online teleconsultation at maglalaan naman ng mula 15-30 minuto ang mga doctors sa bawat online patient.
Online din ang pagbibigay ng reseta sa mga pasyente at ito ay ipadadala sa kanila pamamagitan din ng messenger o email kung saan sapat para sa limang araw ang mga gamot na taglay ng reseta.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan na ang pagdagsa ng mga pasyenteng nais magpatingin sa doctor at makakaiwas din sa posibleng pagkalat pang lalo ng Covid-19.
Kaugnay nito, hinikayat ni Mayor Evangelista ang mga mamamayan ng lungsod sa huwag mag-atubili sa pagpapakonsulta sa harap na rin ng nagpapatuloy na banta ng Covid-19 at ng bagong variant na Omicron.
Nanawagan din siya sa lahat na ipagpatuloy ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, disinfection, at social distancing ganundin ang pagpapaturok ng bakuna laban sa Covid-19 ng bawat eligible population dahil ito ang mga nangungunang paraan upang maiwasan ang sakit.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga nais magpa-konsulta sa Kidapawan Covid-19 Online Teleconsultation sa pamamagitan ng hotline 0948-1985197 o sa email address na [email protected] o sa Official Facebook Account Telemed Kidapawan. (CIO-JSCJ/AA)