27 PAMPUBLIKONG PAARALAN SA KIDAPAWAN CITY MAGSISIMULA NA NG EXTENDED LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES SA FEB. 28, 2022

You are here: Home


NEWS | 2022/02/21 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (February 21, 2022) – MAGSISIMULA na ang extended limited face-to-face classes sa abot sa 27 pampublikong paaralan sa lungsod sa darating ng February 28, 2022.

Ito ang ipinahayag ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa Inter-Agency Task Force for COVID-19 at Health Cluster meeting na ginanap sa City Mayor’s Conference Room alas-nuebe ng umaga.

Masayang sinabi ni Mayor Evangelista na 100% ready na ang naturang bilang ng mga paaralan para magsagawa ng face-to face classes matapos na nakapasa ang mga ito sa School Safety Assessment Tool o SSAT at iba pang requirements na itinakda ng Department of Education o DepEd at ng Department of Health o DOH.

Sinabi ng alkalde na kailangan ng bumalik ang mga bata sa paaralan para sa face-to-face learning dahil malaki ang pagkakaiba nito kumpara sa modular at blended learning.

“Ito na ang tamang panahon upang makabalik ang mga mag-aaral at mga guro sa paaralan. Tayo ay nasa Alert Level 2 na at patuloy na bumababa ang COVID-19 cases sa lungsod. Mataas din ang ating vaccination rate kaya’t tuloy tayo sa Road to Recovery”, ayon kay Mayor Evangelista.

Ang mga public schools na magbubukas ay kinabibilangan ng 18 elementary o primary – Upper Singao ES, Datu Saliman ES, RBA Sabulao, F. Suerte, Kidapawan City Pilot ES, Nuangan ES (District 1);  Malinan ES, Amas CES, Gayola ES, Onica ES, Patadon ES, San Roques ES, Katipunan ES, Amazion ES (District 5); Mateo ES (District 4); Kalasuyan ES, Lanao CES, Singao IS (District 3); at 9 na high-schools o secondary – Amas NHS, Juan L. Gantuangco, SAT (District 4); Spottswood NHS, Kalaisan NHS, Saniel NHS (District 3); Manongol NHS, Ginatilan NHS, Mt. Apo NHS – Balabag Ext., Mt. Apo NHS (District 2), ayon naman kay City Schools Division Superintendent Natividad Ocon.

Binigyang-diin ni Mayor Evangelista na walang anumang hihingiing kontribusyon ang mga paaralan sa mga magulang o mga mag-aaral sa pagsisimula ng face-to-face classes.

Ito ay matapos magpalabas ng P5.3M na pondo ang City Government of Kidapawan mula sa Special Education Fund o SEF para gamitin sa mga essentials at iba pang mahahalagang requirements kaugnay ng pagsisimula ng klase.

Una ng nagsumite ang bawat paaralan ng kanilang request base na rin sa kanilang pangangailangan o sa COVID-19 response at mga karagdagang facilities sa loob at labas ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro, mag-aaral, at mga magulang.

Hindi na rin dapat mag-alala pa ang mga guro at magulang sa maintenance ng mga paaralan dahil maglalagay ang City Government ng 10 workers bawat paaralan na tatanggap ng sweldo sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged at Displaced Workers o TUPAD, sinabi pa ni Mayor Evangelista.

Matatandaang apat na mga paaralan sa Kidapawan City ang una ng nagsagawa ng limited face to face classes at ito ay kinabibilanbgan ng Paco National High School, Kidapawan City National High School, at Northwest Hillside School at naging matagumpay sa kabuuan ang limited face-to-face classes sa loob ng halos 4 na buwan. 

Kaugnay nito, hinikayat ng alkalde ang lahat ng sektor na patuloy na magtulungan at magkaisa lalo na sa kampanya laban sa COVID-19.

Partikular niyang ipinanawagan ang palaging pagsunod sa minimum health standards at iba pang mga pag-iingat upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Bilang panghuli, ipinahayag din ng alkalde na inaasahang magbubukas din para sa extended limited face to face classes ang karagdagang 40 bago matapos ang buwan ng Marso, 2022. (CIO-JSCJ/IF)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio