Month: March 2022

You are here: Home


thumb image

KIDAPAWAN CITY – 91,167 ANG OPISYAL NA BILANG ng mga rehistradong botante o registered voters  sa Lungsod ng Kidapawan para sa gaganaping May 9, 2022 National and Local Elections.

Ito ay base sa talaan (Official List of Voters) na inilabas ni Acting City Election Officer Angelita Failano kung bilang bahagi ng kanilanh paghahanda kanyang sa darating na halalan.

Kaugnay nito, nakapaskil na rin sa labas ng opisina ng COMELEC Kidapawan ang listahan ng lahat ng registered voters sa lungsod kasali na ang polling precincts kung saan sila boboto.

Payo ni Failano sa mga botante na tumungo sa kanilang opisina para malaman ng mga botante kung mananatili ba sila sa kanilang presinto at sa mga panibagong botante naman ay upang malaman kung saan naman ang kanilang presinto.

Magbubukas ang botohan ganap na alas sais ng umaga hanggang alas siyete ng gabi sa May 9, 2022.

Maglalagay naman ng priority lane ang COMELEC  sa bawat polling precinct para agad makaboto ang mga senior citizens at Persons With Disabilities o PWD.

Kinakailangan pa ring magsuot ng face mask ang lahat ng botante para makaboto bilang pagsunod na rin sa mga itinatakdang COVID-19 protocols, ayon pa sa COMELEC. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (March 30, 2022) – HUMARAP sa face-to-face interview ang abot sa 145 na mga job applicants mula sa Kidapawan City o mga indibidwal na naghahanap ng trabaho sa ginanap na 1-day Job Fair (local and overseas employment) ngayong araw ng Miyerkules, March 30, 2022.

Iba’t-ibang job positions ang binuksan ng pitong local employers at dalawang overseas employers kung saan posibleng makapag-trabaho ang naturang mga aplikante.

Kabilang ang sales, accounting, management, business process outsourcing, at domestic and housekeeping sa mga bakanteng trabaho na mula sa mga partner agencies o companies ng City Government of Kidapawan, ayon kay Public Employment and Service Office o PESO.

Sumailalim ang mga aplikante sa registration dakong alas-otso ng umaga at nagsumite ng kanilang mga requirements tulad ng application letter, resume, Transcript of Records o TOR at iba pa.

Kabilang sa mga local employers ang iGlobalConnect, Toyota Kidapawan, VXI Global Holdings, HC Consumer Finance, Phils., Cotabato Sugar Central, SKYGO, at JY Enterprises, Incorporated habang sa overseas naman ay ang Zontar Manpower Services at Earthsmart Human Resource.

Maliban dito ay nagbukas din ang PESO Kidapawan at mga partners ng 20 slots para sa mga applicants na may Housekeeping NC II kung saan magiging prayoridad ang mga nagtataglay ng active passports.

Samantala, limang mga aplikante ang agad na natanggap o hired on the spot habang ang iba naman ay naka schedule for interview. (CIO-jscj/if)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (March 25, 2022) – Mga kabataang  Out of School Youth at single mothers mula sa 40 na mga barangay sa Lungsod ng Kidapawan ang nabigyan ng mga business starter kits at iba pang suplay sa ilalim ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa program o PPG ng Department of Trade and Industry o DTI.

Layon ng naturang programa na tulungan ang mga kabataan na makapagsimula ng kanilang sari-sariling pagkakakitaan upang matustusan ang pang araw-araw na pangangailangan at makatulong sa pamilya.

Abot sa 76 na mga kabataan ang mapalad na nakatanggap ng tulong, kung saan 30 ang tumanggap ng Bigasan Livelihood Starter Kit, 20 Mini Grocery livelihood starter kit, 13 Mini Carenderia Livelihood Starter Kit, 13 BBQ Livelihood Starter Kit, at isang Siomai Starter Kit.

Dumalo sa naturang turn-over ceremony sina DTI Regional Director Jude Constantine S. Juagan, DTI Provincial Director Ferdinand C. Cabiles, mga personnel ng DTI Cotabato Provincial Office, Local Youth Development Officer Tryphaena Collado at COVID-19 Nerve Center Head, Atty. Paolo Evangelista, representative ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista.

Malaki naman ang tuwa at pasasalamat ng mga tumanggap ng Livelihood Starter Kits, sapagkat nabigyan sila ng pagkakataong magsimula at bumangon mula sa kahirapan. (CIO-jscj/vh/aa/if/dv)

thumb image

KIDAPAWAN CITY –  TUMANGGAP NG P200,000 NA DAGDAG KAPITAL ang bawat isa sa anim na mga kooperatiba na nakabase sa lungsod mula sa City Government of Kidapawan. 

Layon ng pagbibigay kapital na mapalago pa ng mga kooperatiba ang kanilang operasyon at makapagbigay na rin ng karagdagang tulong sa kani-kanilang mga miyembro.

Personal na tinanggap ng mga opisyal ng bawat kooperatiba partikular na ng kanilang mga presidente at Board of Directors ang ayudang pinansyal mula sa City Government sa ginanap na turn over ngayong araw ng Biyernes March 25, 2022.

Kabilang ang mga sumusunod na kooperatiba sa mga nakatanggap ng ayuda: Ag-Joan Multi-Purpose Cooperative, Birada MPC, Kidapawan Pangkabuhayan Marketing Coop, Macebolig Farmers MPC, Stanfilco Kidapawan Consumer Coop, at ang Sumbac MPC.

Hinikayat ni City Mayor Joseph Evangelista ang mga beneficiaries na patakbuhin ng maayos ang kanilang kooperatiba.

Malaking tulong lalo na sa mga kabaranggayan ang mga kooperatibang nakapag-ambag sa paglago ng agrikultura at maliliit na negosyo, ayon na rin sa alkalde kaya at marapat lamang na mabigyan din sila ng tulong at pagkilala mula sa Lokal na Pamahalaan.

Maliban sa nabanggit, nagbibigay tulong din ang City Government sa pamamagitan ng City Cooperative Development Office ng technical assistance at training sa kung papaano mapapatakbo ng maayos at mapapalago ng mga miyembro ang kanilang mga kooperatiba##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY (March 22, 2022)- Pitong mga proyekto sa ilalim ng Local Government Support Funds – Support to Barangay Development Program o LGSF-SBDF ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Lungsod ng Kidapawan ang matagumpay na natapos (100% completed) at magagamit na ng mga mamamayan.

Kabilang dito ang Concreting of Farm-to-Market Road (Purok 3 to Purok 2) sa Barangay Sikitan na nagkakahalaga ng P12M kung saan ginanap ang isang ceremonial turnover alas-7 ng umaga sa nabanggit na barangay.

Nanguna si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa naturang turn-over at ribbon cutting kasama si DILG Cotabato Provincial Director Ali B. Abdullah at Barangay Kalaisan Punong Barangay Zacarias dela Cruz.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga konsehal ng lungsod na sina Galen Ray Lonzaga, Carlo Agamon, at Aljo Cris Dizon ang representante mula sa 72nd IB ng Phil Army.

Pinasalamatan ni Punong Barangay dela Cruz ang national government partikular ang ELCAC sa pagpapatupad bg nabanggit na proyekto para sa kanyang barangay.

Nagpasalamat din siya kay Mayor Evangelista sa sinserong koordinasyon at pakikipagtulungan sa national government upang maisakatuparan ang proyektong farm to market road magpapabago sa takbo ng pamumuhay ng mga residente doon partikular na ang mga magsasaka.

Samantala, maliban sa farm-to-market road sa Barangay Sikitan (Purok 3- Purok 2) ay 100% completed o tapos na rin ang mga sumusunod na LGSF-SBDP funded projects ng ELCAC: 

School building (P1.5M) sa Barangay Marbel, concreting of farm-to-market road (P12M)sa Barangay Marbel, expansion of Level III water (P600,000) sa Sitio Sumayahon, Barangay Perez; expansion of level III  potable water system (P600,000) sa Purok Chico to Purok Avocado, Barangay Singao; expansion of level III potable water system (P590,000) sa Purok Marang, Barangay Singao; at expansion of level III water system (P100,000)sa Purok Mangga to Purok Durian, Barangay Linangkob, Kidapawan City.

Sa kanyang mensahe, pinuri ni DILG Cot PD Abdullah si Mayor Evangelista at ang buong City Government of Kidapawan dahil sa ibayong pagsisikap at pagpupursige na matapos at pormal na mai-turn over sa mga residente ang nabanggit na mga proyekto.

Layon ng NTF-ELCAC na wakasan na ang komunismo at armadong pakikibaka sa mga barangay sa pamamagitan ng mga programa at proyekto at hikayatin ang mga armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at magbagong-buhay. (CIO-JSCJ/AA/DV)

thumb image

MGA MAGSASAKA SA KIDAPAWAN CITY NAKINABANG SA PROYEKTO NG DA 12 AT CITY GOVERNMENT OF KIDAPAWAN; KARAGDAGANG DUMP TRUCKS DUMATING NA!

KIDAPAWAN CITY (March 21, 2022) – LUBOS ang kasiyahan ng mga magsasaka mula sa ilang mga barangay Lungsod ng Kidapawan matapos nilang tumanggap ng proyekto mula sa Department of Agriculture o DA12.

Kabilang dito ang mga farmers mula sa MNLF Zone of Peace 5 sa Barangay Patadon Kidapawan City na nabiyayaan ng one unit hand tractor with trailer na gamit ang pondo mula sa PAMANA-OPAPP.

Nakabiyaya din ang mga farmers mula sa Barangay Ginatilan na tumanggap ng Support to Mushroom Production nakinapapalooban ng 2 units freezer, 2 units refrigerator, at 2 units autoclave mula sa 20% EDF pondo ng City Government.

Maliban dito, kabilang din sa nabigyan ng tulong ang mga naging participants ng hydroponics training sa lungsod na una ng isinagawa ng City Disaster Risk Reduction and Management Office kung saan nabigyan sila ng starter kits mula sa pondo ng CDRRMO na nagtataglay ng 5 m UV plastic, 2 m garden net, 5 packs lettuce seeds, 2 boxes styrobox, 35 pcs styrocups, 2 seedlings trays, 1 bag coco peat, at 2 bottles nutrient solution. Ilan naman  nito sa mga recipients nito ay mula sa Barangay Paco, Amas, at Singao.

Mismong si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista ang nanguna sa turn-over ng mga nabanggit na kagamitan kasama si City Agriculturist Marissa Aton sa City Pavilion na sinaksihan din ng ilang mga representante mula sa DA12.

“Patuloy ang City Government of Kidapawan sa pagpapatupad ng mga proyekto para sa sektor ng agrikultura. Patunay ito na hindi tayo titigil sa pagtulong lalo na sa mga maliliit na magsasaka na apektado ng COVID-19 pandemic at sa krisis na dulot ng oil price hike”, sinabi ni Mayor Evangelista.

Hinimok naman ni City Agriculturist Aton ang mga benepisyaryo na ingatan at pagyamanin ang proyektong kanilang natanggap at mas lalo pa itong palaguin upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan.

“Bilang counterpart, hiling ko sa mga beneficiaries na ipakita ang wastong paggamit at mabuting pamamalakad ng mga kagamitang ito dahil layon nito na mapaangat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka”, ayon kay Aton.

Bilang tugon, nangako naman ang mga beneficiaries na sina Ginatilan Mushroom Growers Association President Dan O. Sebastian at Kidapawan City Mushroom Republic Association President Manibua at mga residente mula sa MNLF Zone of Peace 5 na iingatan ang proyekto at gagawin itong mahalagang bahagi ng kanilang tuloy-tuloy na pag-unlad.

Samantala, kasabay ng aktibidad na ito kanina ay nai-turn over na rin sa Office of the City Engineer ang karagdagang apat na mga bagong dump trucks na binili ng City Government of Kidapawan upang magamit sa iba’t-ibang road projects.

Matatandaang bumili ng 10 mga bagong dump trucks ang city government na nagkakahalaga ng P73M upang magamit hindi lamang sa road projects kundi pati na sa iba’t-ibang proyektong inprastruktura at agrikultura. (CIO-JSCJ/IF/VH)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – LUBOS ang pasasalamat ng 179 beneficiaries ng OFW Village Pabahay Program na itinayo ng City Government of Kidapawan, at ng Cotabato Provincial Government na maituturing na kauna-unahan sa buong Pilipinas

Pormal na ginanap ang turn over ng housing project  ngayong araw ng lunes, March 21, 2022 kung lumipat na sa kanilang mga bagong bahay ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pawang mga biktima ng malalakas na lindol noong October 2019.

Mismong  sina Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista at Cotabato Vice Governor Emmylou Talińo – Mendoza ang nanguna sa aktibidad na dinaluhan mismo ng mga benepisyaryo.

Dumalo din sa okasyon sina NHA 12 Regional Director Engr. Zenaida Cabiles, OWWA RWO 12 Regional Director Marilou Sumalinog, Department of Human Settlements and Urban Development 12 Assist RD Girafil Cabalquinto at si NHA General Manager Marcelino Escalada Jr.

Hudyat na ito na pwede ng lumipat sa mga bagong bahay ang mga OFW mula sa Kidapawan City kasama ang kanilang pamilya

“Taus-puso kaming nagpapasalamat kina Mayor Evangelista at Governor Mendoza sa pagbibigay ng pabahay sa amin. Nagbunga rin ang maraming taon na pagta-trabaho naming sa ibang bansa. Utang namin ito sa kanilang dalawa sa pagbibigay ng tahanan sa aming mga mahal sa buhay”, ayon kay Maribel Delicano na isang OFW na 13 taon nagtrabaho bilang household worker sa Lebanon at beneficiary ng OFW Village Pabahay Program.

Itinayo ang naturang proyekto sa isang 4.5 ektaryang lupain sa Barangay Kalaisan noong 2018 sa pagtutulungan ng noo’y Cotabato Governor Mendoza at Mayor Evangelista.

Katuparan ito sa kahilingang magkaroon ng disenteng tirahan ang mga OFW na personal na nakausap ni Mayor Evangelista sa kanyang pagbibista sa ibang bansa noong mga panahong iyon.

Marami sa kanila ang nawalan o nasiraan ng bahay matapos ang mga paglindol noong October 2019.

Hindi bababa sa 120 sq/m ang sukat ng lote habang nasa 30 sq/m naman ang sukat ng mismong bahay.

May sarili na itong Solar Panel, Water Tank, Septic Tank at Toilet fixtures bawat bahay.

Bukod Dito ay maglalagay ng Parks at Playgrounds, Community Facilities, Elevated Water Tank at Waste Treatment Facility ang City Government at partner agencies sa lugar.

Murang halaga lamang ang babayaran ng mga OFW’s sa kanilang buwanang bayarin sa City Government sa loob ng lima hanggang sampung taon.

Ang pondong malilikom mula sa bayaring ito ay gagamitin naman ng City Government sa pagbili ng mga lupain na pagtatayuan ng mga bagong pabahay sa mga target beneficiaries o mga OFWs.

Maliban sa bagong bahay, tumanggap din ng food packs ang 179 beneficiaries mula naman sa City Social Welfare and Development Office.

Samantala, maglalaan naman ng abot sa P2M  pondo ang NHA para naman sa electrification ng OFW Village.

Pinag-uusapan na ngayon nina Mayor Evangelista at Vice Governor Mendoza ang pagpapatayo ng isa pang Pabahay Program sa Barangay Amas Kidapawan City sa lalong madaling panahon. ##(CIO)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – PINANGUNAHAN NG City Government of Kidapawan ang pagdiriwang ng International Women’s Day kahapon, March 8, 2022.

Muling kinilala ng Lokal na Pamahalaan ang mahahalagang kontribusyon ng mga kababaihan sa patuloy na paglago pa ng lungsod na siyang pinaka highlight ng okasyon.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista na hindi matatamo ng Kidapawan City ang kaunlaran nito kung walang nai-ambag ang mga kababaihan.

Bilang pagsuporta na rin sa mga kababaihan, nabigyan ng tulong pangkabuhayan ang mga Women in Distress and Crisis Situation na unang isinabatas ng Sangguniang Panlungsod.

Maliban kay Mayor Evangelista, naging panauhin din si Cotabato Vice Governor Emmylou Talino- Mendoza na may akda ng Gender Code of Cotabato na naglalayung palaguin pa ang women empowerment sa lalawigan.

Nagkaisang nagdiwang ang iba’t-ibang women’s organizations sa lungsod sa Women’s Month.

Ito ay kinapapalooban ng Kalipunan ng Liping Pilipina o KALIPI, Rural Improvement Club, Mother’s Club, Cotabato Indigenous People Women’s Association o CIPWA, Kidapawan City IP Women Federation, Pantawid Pilipino Women, Bangsamoro Women, Solo Parent Women’s Group, VAWC Survivors, Child Development o Day Care Workers, PWD Women’s Group at ang grupo ng mga kalalakihang napapabilang sa Men Opposed Against VAWC.

Dagdag din sa okasyon ang oath taking ng mga opisyal ng Local Council for Women o LCW na ibinigay ni Mayor Evangelista.

Nagsagawa rin ng libreng medical check-up para sa mga kababaihan ang With Love Jan Foundation Incorporated samantalang nagbigay din ng lecture sa mga batas na may kaugnayan sa women empowerment and rights protection si City Prosecutor Atty. Romeo Rodrigo sa okasyon.

May pacontest din na inorganisa ang City Government kung saan ay nagpakitang gilas ng kanilang mga talento sa pagsasayaw, at pag-awit ang mga kababaihan. ##(CIO/JSC/lkro)

thumb image

KIDAPAWAN CITY – PINABIBILISAN na ng City Government of Kidapawan ang accreditation ng City Slaughterhouse mula sa National Meat Inspection Service o NMIS.

Sa ilalim ng accreditation ng NMIS, mangangahulugang malinis, mataas ang kalidad at ligtas na kainin ang karneng manggagaling sa pasilidad na ibebenta naman sa Mega Market, ayon kay City Mayor Joseph Evangelista na nagbigay ng kanyang mensahe sa mga butchers o nagkakatay ng karne na taga Kidapawan City na dumalo sa orientation na pinangunahan ng ahensya at ng Office of the City Veterinarian noong March 4, 2022.

Ang orientation ay pauna lamang sa mga requirements para ma-accredit ng NMIS ang City Slaughterhouse.

Tinuruan ng NMIS ang mga butchers sa tamang pagkatay ng karne ng baboy, baka at kambing sa pasilidad na matatagpuan sa Barangay Kalaisan ng lungsod.

Kinakailangan nilang pumasa sa pagsusulit na ibibigay ng NMIS upang makamit ang unang phase ng accreditation kung kaya’t hinihikayat sila ni Mayor Evangelista na seryosohin ang training.

Maliban kay Mayor Evangelista, dumalo rin sa naturang aktibidad sina NMIS Regional Technical Operation Center 12 Dr. Roberto Umali at si City Veterinarian Dr. Eugene Gornez.

Nagkakahalaga ng mahigit sa P10M ang bagong City Slaughterhouse na pinondohan ng City Government, NMIS at ng Department of Agriculture o Da, ayon sa pamunuan ng Office of the City Veterinarian.##(CIO/JSC/lkro))

thumb image

KIDAPAWAN CITY – ISINAGAWA ng Commission on Elections o COMELEC ang Solidarity Forum, Candidates Briefing at Vote Counting machine o VCM Roadshow sa lungsod.

Layunin nito na ipagbigay alam sa lahat ng mga tumatakbo sa local positions sa lungsod pati na sa mga bayan sa Lalawigan ng Cotabato sa mga tamang gagawin para sa makamit ang malaya, maayos, mapayapa, patas at kapani-paniwalang halalan ngayong May 9, 2022 National and Local Elections. 

Ginanap naturang aktibidad sa City Convention Center nitong umaga ng March 1, 2022

Nanguna sa pagbibigay ng impormasyon si Kidapawan City Comelec Election Supervisor Angelita Failano at mga opisyal ng ahensya mula sa Provincial at Local Comelec, Department of the Interior and Local Government, Bureau of Internal Revenue, Department of Education, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at ang City Health Office.

Ipinaliwanag ng mga resource speakers ang nilalaman at kahalagahan ng RA 9006 o Fair Elections Act tulad ng tama o wastong pangangampanya, tamang sukat ng campaign posters at paraphernalia, political ads sa radyo at TV, tamang pangangampanya gamit sa social media lalo na ang Facebook pagtatalaga ng common poster areas.

Kabilang din sa tinalakay ang intimidation o panananakot sa mga supporters at botante, pagpapasa ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE at ang pagsunod na mga itinatakdang anti-COVID-19 protocols.

Ipinagbigay alam din ng Comelec ang operasyon ng Vote Count Machines o VCM na gagamitin sa casting at counting of votes sa araw ng halalan.

Nabigyan ng pagkakataong bumoto ang mga dumalo sa aktibidad sa mock election kung saan ay inalam ang kapasidad ng VCM sa pagbibilang ng boto.

Pumirma naman sa isang Solidarity Pledge para sa mapayapa at malinis na halalan ang mga dumalong local candidates at supporters matapos ang open forum ng aktibidad.

Pinasalamatan ng COMELEC at ng mga partner agencies kabilang na ang PPCRV at mga local candidates sa pagbibigay ng oras para sa forum.

Patunay lamang ito na tumatalima sa itinatakda ng batas ang mga dumalong kandidato sa Solidarity Forum at Candidates Briefing.##(CIO/JSC/lkro)

@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio