HEALTHY LIFESTYLE IPINANAWAGAN NG CITY GOVERNMENT PARA MAKAIWAS HYPERTENSION ANG MGA MAMAMAYAN

You are here: Home


NEWS | 2022/05/24 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY – HINIHIKAYAT NG City Government of Kidapawan ang lahat na magkaroon ng healthy lifestyle para maiwasang magkaroon ng Hypertension o High Blood pressure.

Ngayong buwan ng Mayo ay ginugunita ang National Hypertension Awareness Month kung saan nanguna ang City Health Office o CHO sa pagbibigay ng adbokasiya at impormasyon sa mga mamamayan laban sa mapanganib na sakit.

Kaugnay nito, nagbigay ang CHO ng isang lecture patungkol sa hypertension sa mga mamamayan ng Barangay Paco nitong May 20, 2022 na bahagi naman ng adbokasiya at pagbibigay ng mahalagang impormasyon.

Nabanggit sa naturang lecture na lubhang mapanganib ang hypertension o alta presyon lalo na kapag hindi naagapan o naipagamot.

Maari itong magresulta sa sakit sa puso at kidneys, stroke o pagbara ng ugat patungo sa utak na maaring ikamatay o ikaparalisa ng pasyente.

Maaring maiwasan ang pagkakaroon ng hypertension sa mga sumusunod na pamamaraan:

Ugaliing imonitor ng regular ang blood pressure na hindi lalagpas sa mahigit 120/80.

Kapag may hypertension na ang pasyente, dapat huwag kaligtaang uminom ng maintenance medicine para iwas atake.

Mas mainam na kumain ng maraming gulay, fiber, uminom ng maraming tubig at iwasan o limitahan ang karne, mga matataba at process food dahil ito ay lubhang matatamis, mamantika at maalat na maaring magpataas ng presyon ng dugo.

Iwasan din ang stress o matinding pagkapagod, pagpupuyat at mas mainam na mag ehersisyo ng tatlumpong minuto tatlo o apat na beses sa isang linggo.

Dapat magkaroon din ng tamang timbang ng pangangatawan.

Bawal din ang paninigarilyo at sobrang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga taong may hypertension.

Mas madaling magkaroon ng hypertension ang mga nagkakaedad na, hindi physically active, overweight at kung may kapamilyang may hypertension.

Resource person ng aktibidad sina Honey Bee Sarillo, RN ng Human Resource for Health at si Marilou Capilitan, Nutrition Program Coordinator ng CHO kung saan ay ipinaliwanag nila ang medical at nutritional na aspeto sa pag-iwas sa hypertension.

Magkatuwang ang City Health Office at partner nitong With Love Jan Foundation Incorporated sa mga adbokasiya kontra hypertension at iba pang mga programang pangkalusugan.

Nagbibigay ng libreng gamot para sa hypertension ang With Love Jan lalo na sa mga senior citizens sa mga barangay.

Mismong ang CHO, Office of the City Mayor, at ang Office of the Senior Citizens Affairs o OSCA ang naghahatid nito sa mismong tahanan ng mga senior citizens.

Kaugnay nito ay pinapayuhan naman ang mga mamamayan na magpatingin agad sa kanilang mga rural health centers kung nakakaranas na ng simtomas ng hypertension gaya ng pananakit ng ulo, pagkahilo, paglabo ng paningin at pananamlay ng katawan ng maiwasan ang komplikasyon.

Ito ay libre kaya at dapat samantalahin na ng mga mamamayan ang panawagan. Dagdag pa SA lecture, isa ang alta presyon sa may mataas na morbidity cases o karaniwang mga sakit ng mamamayan hindi lamang sa lungsod, kung di sa buong bansa ayon pa sa CHO. ##(CIO)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio