CITY GOVERNMENT MAGBIBIGAY NG TULONG PINANSYAL SA MGA NAGKAKASAKIT NG DENGUE FEVER SA LUNGSOD

You are here: Home


NEWS | 2022/06/21 | LKRO




KIDAPAWAN CITY – MAGBIBIGAY ng financial assistance ang City Government of Kidapawan sa mga residenteng magkakasakit at mao-ospital dahil sa dengue fever.

Sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista ang naturang development bilang tugon na rin sa tumataas na kaso ng dengue sa lungsod na dulot ng kagat ng lamok na may dala ng dengue virus.

About sa P15,000 ang cash assistance na ibibigay ng City Government bilang pang-tustos sa medical na pangangailangan ng pasyenteng mako-confine sa mga ospital sa lungsod, ayon pa sa alkalde.

Ang kailangan namang gawin ng pamilya ng pasyente ay dumulog at ipakita ang reseta ng gamot sa City Mayor’s Office para mabigyan ng cash assistance.

Ang pagbibigay ng tulong ay bahagi na ng One Hospital Command System o OHCS na binuo ng City Government para tumugon sa pagpapagamot ng mga nagkakasakit ng dengue fever.

Kaugnay nito, 326 na ang bilang ng kaso ng dengue mula January 1-June 17, 2022, ayon pa sa latest Case Bulletin ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU.

Ito ay 1,530% na mas mataas sa kaparehong panahon noong nakalipas na taon na nagrehistro lamang ng 20 kaso ng dengue fever.

Dalawa naman ang naiulat na namatay dahilnsa komplikasyong dulot ng dengue o katumbas sa 0.61% Case Fatality Rate.

313 o 96% sa kabuuang kaso ang na-ospital kung saan ang Barangay Población naman ang may pinakamaraming bilang ng kaso na nasa 90 o katumbas ng 28% sa kabuuang bilang ng mga nagkasakit.

Nasa 0.08-82 ang edad ang mga nagkasakit kung saan pinakamarami ay pawang mga lalaki na nasa 52%, ayon pa sa CESU.

Patuloy naman ang panawagan sa lahat na makipag tulungan sa kampanya ng City Government laban sa pagkalat ng dengue virus sa pamamagitan ng palagiang paglilinis sa mga lugar na pinamumugaran ng mga kiti-kiti at lamok na may dala ng sakit.

Kasali rin dito ang pagpo-protekta sa sarili upang di makagat ng lamok, maagang pagpapagamot kung may lagnat na pangunahing simtomas ng sakit at fogging operation sa mga komunidad na may mataas na kaso ng dengue. ##(CIO/lkro/iff)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio