NEWS | 2022/07/28 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (July 28, 2022) – TIYAK na mas magiging aktibo at produktibo pa ngayon ang isang farmers/laborers association na nakabase sa Barangay Malinan, Kidapawan City.
Ito ay Malinan Farmers and Laborers Association o MAFALA na nakatanggap ng biyaya mula sa DOLE Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment.
Abot sa P363,905 na halaga ng bakery starter kits (materials and equipment) ang naipagkaloob sa MAFALA sa turn-over ceremony na bago lamang ginanap sa Malinan Covered Court.
Nakapaloob rito ang oven 8 plates, break rack, working table, flour mixing, refrigerator ganundin ang dough kneader bakery, baking trays, display cabinet, bread molder at iba pang baking equipment kalakip ang mga raw materials.
Layon nito na mabigyan ng karagdagang kita ang mga miyembro ng MAFALA sa pamamagitan ng bakery livelihood project na una ng pinili ng mga kasapi ng asosasyon, ayon kay Public Service Employment Office o PESO Manager Herminia C. infanta.
Mga dating miyembro at dating sympathizer ng armadong grupo ang bumubuo ng MAFALA at ngayon ay tuloy-tuloy na sa kanilang pagbabagong buhay sa pamamagitan ng programang alok ng gobyerno, dagdag pa ni Infanta.
Panauhing pandangal sa turn-over ceremony si DOLE 12 Regional Director Raymundo G. Agravante na nagbigay ng katiyakan sa mga benepisyaro na madadagdagan pa ang kanilang biyaya basta’t gawing mabunga ang napiling livelihood project.
Dumalo din sa aktibidad sina Field Office Head Marjorie P. Latoja, TSG Ricky Suares ng 39th IB, Jane Buaya ng TESDA North Cotabato, at Malinan Punong Barangay Gemma D. Pajes.
Mula naman sa hanay ng City Government of Kidapawan ay dumalo si Acting City Administrator Janice V. Garcia bilang kinatawan ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.
Ipinarating ni Garcia ang mensahe ni Mayor Evangelista na humihimok sa mga ng MAFALA na palaguin ang kanilang samahan ganundin ang kanilang kabuhayan.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni MAFALA President Emmanuel Vega ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng DOLE 12, AFP, TESDA at ang City Government of Kidapawan sa programa at proyektong ipinagkaloob sa kanilang samahan.
Tiniyak niya na aalagaan at mapakikinabangan ito ng mga kasapi o benepisyaryo at magiging instrumento rin sa pag-unlad ng kanilang samahan. (CIO-jscj/photos by PESO Kidapawan)