KIDAPAWAN CITY (August 31, 2022) – IPINAGDIWANG ng Kalipunan ng Liping Pilipina – Nasyonal, Inc. o KALIPI sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang ika-22 taon o anibersaryo ngayong araw na ito ng Huwebes, August 31, 2022 kung saan humigit-kumulang sa 400 kababaihan ang nakiisa sa aktibidad na ginanap sa City Gymnasium.
Sa temang “Babae Ako, Kakayahan Ko, Kailangan ng Bayan Ko” ay isinagawa ang iba’t-ibang aktibidad na makatutulong sa pag-unlad mga miyembro tulad ng simple bookkeeping workshop, seminar on mental health wellness, ganundin ang pagpapakita ng kakayahan sa pagsayaw ng modern song and dance (KALIPI Linangkob at Balindog Chapters) intermission and contest at parlor games.
Nagbigay ng kanyang welcome address si Assistant City Social Welfare and Development Officer Aimee S. Espinosa, RSW habang ipinakilala naman ni KALIPI Federation President Clarita L. Bringas ang mga panauhing pandangal kabilang sina Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista at Senior Board Member Joseph A. Evangelista.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Evangelista ang malaking papel ng mga kababaihan at ang kahalagahan ng pagkakaisa upang makamit ang layunin ng samahan. Malugod din niyang ibinahagi sa mga miyembro ng KALIPI na suportado niya ang mga programa at proyekto na ang mga livelihood o income generating projects para sa mga kababaihan.
Naging resource person naman si DSWD 12 Project Development Officer Michael Joseph Salera at nagbigay ng lecture sa mga kababaihan kasabay ang paghikayat sa kanila na pagbutihin ang mga proyektong natanggap mula sa pamahalaan.
Naging bisita din ng okasyon si Kidapawan City Vice Mayor Melvin Lamata, Jr. at ang mga City Councilors na sina Rosheil Gantuangco-Zoreta, Galen Ray Lonzaga, Airene Claire Pagal, Judith Navarra, at Michael Ablang.
Naging Board of Judges naman sina PDO Salera, Janika Erikka Navaja, RSW; at Geraldine Domantay, RPM sa mga patimpalak.
Lahat sila ay nagpahayag ng suporta sa samahan upang mapatatag pang lalo ang mga kababaihan at maging mas mahusay na instrumento para sa kaunlaran ng lungsod at ng lalawigan sa pangkalahatan. (CIO- jscj//if/vb)
KIDAPAWAN CITY (August 30, 2022) – UPANG ganap na maihanda ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan o SK sa pagharap sa iba’t-ibang hamon at pagsubok, sumasailalim sila ngayon sa 3-day Peer Counselor’s Training sa City Convention Center mula August 29-31, 2022.
Ayon kay SK Kidapawan Federation President Cenn Teena Taynan, mahalaga ang mga bagay na matututunan ng mga kabataan sa naturang training dahil magiging gabay nila ito sa pagpapatakbo ng kanilang samahan at maging ng kani-kanilang personal na buhay.
Nakapaloob sa 3-day training ang mga sumusunod – Adolescent and Reproductive Health, Mental Health, STI/HIV and AIDS, Sex, Gender, and Sexuality, “Usapang Barkadahan”, Integrated Counselling, at Preparation of Adolescent Health Development Plan o AHDP na inaasahang mabubuo nila bilang output sa susunod na mga araw.
Lahat ng ito ay kapaki-pakinabang para sa SK kung saan mas magiging handa sila para gampanan ang tungkulin bilang mga kabataang lider, dagdag pa ni Taynan.
Nagmula naman sa iba’t-ibang secondary at tertiary schools ang mga partisipante na kinabibilangan ng Colegio de Kidapawan, Kidapawan Doctors College, Inc., St. Mary’s Academy of Kidapawan, Spottswood National High School, Saniel Cruz National High School, Linangkob National High School, Singao Integrated School, at Perez National High School.
Kabilang sa mga resource persons at facilitators ng 3-day training sina Population Commission Office o POPCOM Coordinator Virginia Ablang, Leicel Siaotong, Assistant Coordinator; at DJ Zabala Orias, Nurse II; nakatalaga sa DepEd Kidapawan Schools Division.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng programa ng SK Federation of Kidapawan na naglalayong iangat pa ang kaalaman at kahusayan ng kanilang hanay. (CIO/jscj//vb/if
KIDAPAWAN CITY (August 30, 2022) – MULING nagwagiang Kidapawan City sa Agri-Fair Best Booth Competition na isa sa highlights ng Kalivungan Festival 2022 ng Lalawigan ng Cotabato.
Iginawad ang parangal nitong August 26, 2022 kung saan idineklara din ang Lungsod ng Kidapawan bilang Hall of Famer matapos na magwagi sa nabanggit na competition ng tatlong magkakasunod na pagkakataon mula 2017-2019 at sa ika-apat na pagkakataon ngayong 2022.
Nakapaloob sa criteria ng Best Booth Competition ang Product Display and Volume (40%), Visual or Video Presentation (20%), Agri-Tourism Attractiveness (15%), Variety of display and Sustainability (10%), at Over-all Booth Presentation (15%).
Tumanggap ng Certificate of Recognition mula sa Provincial Government of Cotabato ang City Government of Kidapawan kung saan ito ay iginawad kay City Agriculturist Marissa Aton.
Bilang Best Booth at Hall of Famer, taglay ng Kidapawan City booth ang mahusay na arrangement at presentasyon ng mga preskong gulay, prutas, organic products, kakanin, souvenir items at iba pang mga produktong yari o gawa sa lungsod.
Pinalalakas din nito ang konsepto ng buy local, support local sa mga mamamayan.
At dahil sa husay, dinaig ng Kidapawan City ang display booth ng iba pang mga munisipyo mula sa tatlong distrito ng Cotabato Province na lumahok din sa competition.
Kaugnay nito, sinabi ni Aton na magsisilbing inspirasyon ang kanilang panalo at lalo pang pagbubutihin ng Office of the City Agriculturist ang bawat patimpalak o aktibidad na lalahukan.
Samantala, ang Kalivungan Festival o “Gathering of People” ay magtatagal ng 7 araw mula August 26-Sep 1, 2022 kung saan ipinakikita ang pagkakaisa ng bawat tribo o grupo ganundin ang masaganang ani ng 17 bayan at ang Lungsod ng Kidapawan (lone city) sa Lalawigan ng Cotabato.
Tampok din sa Kalivungan Festival ang iba’t-ibang socio-cultural, sports, agricultural and economic activities kung saan dadagsa naman ang mga mamamayan sa Provincial Capitol, Barangay Amas, Kidapawan City sa September 1, 2022 bilang Culmination Day. (CIO/jscj//photos by Office of the City Agriculturist)
KIDAPAWAN CITY (August 26, 2022) – SA kabila ng pananatili ng Alert Level 1 at pagluwag ng mga restrictions sa COVID19 sa lungsod, hindi pa rin tumitigil ang City Government of Kidapawan sa mga hakbang nito laban sa naturang sakit.
Katunayan, ay agad nitong ipamamahagi sa mga frontliners sa City Hospital, City Health Office, at City Epidemiology Surveillance Unit ang mga Personal Protective Equipment o PPE sets na natanggap mula sa Department of Health o DOH12 bilang suporta ng departamento sa kampanya ng lungsod laban sa COVI19.
Kahapon, August 25, 2022 ay dumating sa City Health Office ang abot sa 10,000 PPE sets mula sa DOH12 bilang first batch of delivery habang ang second batch ay inaasahang darating sa susunod na mga araw, ayon kay Dr. Jocelyn E. Encienzo, ang City Health Officer ng Kidapawan.
Kabilang sa mga dumating na PPE sets ay mga face o surgical masks, latex gloves, head cover, aprons, surgical gowns, at shoe cover na pawang mga standard o dumaan sa quality assurance, dagdag pa ni Encienzo.
Malaking tulong naman ito para sa mga frontliners na nakatalaga sa government hospital, health and isolation facilities kabilang na ang mga doktor, nurses, technicians, laboratory, maintenance personnel at maging ang mga nagtatrabaho sa iba’t-ibang departamento ng pampublikong pagamutan.
Ikinatuwa ito ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista dahil alinsunod ito sa kanyang mandato na panatilihing ligtas ang mamamayan sa pamamagitan ng bakuna laban sa COVID19 at panatilihin ang pinaiiral na minimum health standards.
Sa panig naman ng DOH12, naglaan ito ng sapat na pondo mula sa national government para sa pamamahagi ng mg PPE sa iba’t-ibang government hospitals and health care facilities upang mapanatili ang ibayong kampanya laban sa COVID19 at iba pang mga sakit o karamdaman. (CIO-jscj/aa)
KIDAPAWAN CITY (August 24, 2022) – SA kauna-unahang pagkakataon ay binuksan ang isang Child Care Center o CCC sa Lungsod ng Kidapawan na pinangangasiwaan ng mga Overseas Filipino Worker o OFWs.
Bandang alas-nuwebe ng umaga ngayong araw ng Miyerkules, August 24, 2022 ay ginawa ang launching at formal opening ng Child Care Center (4th Block Lopez Street, Barangay Poblacion) sa pangunguna ni Ira Vallinte, Presidente ng Migrant Workers and Family Association at siyang Administrator ng naturang pasilidad.
Ayon kay Vallente, sama-samang itinayo ng mga OFWs sa lungsod ang CCC mula sa kanilang sariling pondo kung saan nagbigay ang bawat miyembro ng P1,000 bilang share capital.
Pinasalamatan ni Vallinte ang mga member-OFWs at shareholders at kinilala ang kanilang pagsisikap na maitayo ang CCC para paglagakan ng mga bata habang abala ang mga magulang.
Mga toddlers o mga batang 1 to 4 years old ang maaaring ihabilin sa CCC. Kailangan lamang magpa register ang mga magulang sa halagang P250 (registration fee) at P200 para sa pagbabantay sa mga bat amula 8 AM – 5 PM.
Ikinatuwa naman ni Public OFW Desk Office o PODO officer Aida Labina ang pagkakaroon ng CCC sa lungsod dahil maliban sa nakakatulong ito sa pangangalaga ng mga bata ay nagsisilbi rin itong income generating at livelihood project ng mga OFWs.
Dumalo at nakiisa din sa aktibidad sina Kidapawan City Councilors Judith Navarra at Rosheil Gantuangco-Zoreta, Barangay Poblacion Kagawad Melvin Lamata III at Aida Labina, Public OFW Desk Office o PODO/Officer Kidapawan na nagbigay ng kani-kanilang mensahe. (CIO-jscj/if/vb)
MGA FRONTLINERS SUMASAILALIM SA 4-DAY HEMS TRAINING; HEMS OPERATION CENTER LAYONG MAITATAG SA LUNGSOD
KIDAPAWAN CITY (August 23, 2022) – SUMASAILALIM ngayon sa apat na araw na pagsasanay ang mga personnel ng City Government of Kidapawan na nagsisilbi bilang mga frontliners sa health emergency response.
Ito 𝙖𝙣𝙜 𝙃𝙚𝙖𝙡𝙩𝙝 𝙀𝙢𝙚𝙧𝙜𝙚𝙣𝙘𝙮 𝙈𝙖𝙣𝙖𝙜𝙚𝙢𝙚𝙣𝙩 𝙎𝙮𝙨𝙩𝙚𝙢 𝙤 𝙃𝙀𝙈𝙎 𝘾𝙤𝙖𝙘𝙝𝙞𝙣𝙜 𝙖𝙣𝙙 𝙈𝙚𝙣𝙩𝙤𝙧𝙞𝙣𝙜 para sa mga frontliners na kabila sa City Disaster Risk Reduction and Management Office responders, 911 emergency rfesponse, City Health Office and Human Resource for Health, City Health Hospital at maging mga midwives na nakatalaga sa iba’t-ibang barangay ng Kidapawan City.
Ginaganap ito ngayon sa City Convention Center mula August 23-26, 2022.
Ayon kay City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo, layon ng training na madagdagan pa ang kaalaman ng mga frontliners pagdating sa komunikasyon, koordinasyon at pagtugon sa mga health emergencies na matinding nakakaapekto sa komunidad.
Nakapaloob din sa layunin ng training pagsasanay ang pagpapalakas ng response ng City Government of Kidapawan sa mga krisis pangkalusugan at mga health emergency tulad ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng mga frontliners, sinabi din ni Dr. Encienzo.
Lahat ng ito ay mahalaga upang magiging mas mabilis at mas mahusay pa ang mga hakbang na gagawin ng mga frontliners sa mga pangyayaring posibleng maglagay sa panganib sa mamamayan.
Nagmula naman sa Department of Health – Center for Health and Development o DOH-CHD ang mga resource persons na kinabibilangan nina 𝙍𝙚𝙜𝙞𝙤𝙣𝙖𝙡 𝘿𝙍𝙍𝙈-𝙃 𝙈𝙖𝙣𝙖𝙜𝙚𝙧 𝙇𝙚𝙤 𝘼. 𝘾𝙝𝙞𝙤𝙣𝙜, 𝙎𝙃𝙋𝙊 𝙖𝙩 𝘼𝙨𝙨𝙩. 𝘿𝙍𝙍𝙈-𝙃 𝙈𝙖𝙣𝙖𝙜𝙚𝙧 𝘿𝙖𝙩𝙪 𝘼𝙡𝙞 𝙎. 𝙎𝙖𝙡𝙞𝙠, 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙂𝙤𝙧𝙧𝙚, 𝙖𝙩 𝙅𝙪𝙡𝙞𝙚 𝘼𝙣𝙣 𝙑. 𝘿𝙚𝙡𝙚𝙡𝙞𝙨.Matapos naman ang naturang training ay inaasahang maitatag ang Health Emergency Management System o HEMS Operation Center sa Kidapawan City. (CIO-jscj/jc/vb)
KIDAPAWAN CITY (August 23, 2022) – PINALALAKAS pa ngayon ng mga miy888embro ng Balik Pangarap sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang ugnayan at suporta sa bawa’t isa.
Ito ay matapos ang ginawa nilang aktibidad na tinawag na Recovery and Learning Day sa City Convention Center nitong August 22, 2022 na pinangasiwaan ni Joel Aguirre, Focal Person at Coordinator ng Balik Pangarap program.
Sa naturang aktibidad, binigyan ng kaalaman ang mga Person Who used Drugs o PWUD sa kung paano silang tuluyang makakaiwas sa droga at kabilang sa mga paraan ay ang pagpapalakas ng support system sa recovery at pagbabago ng mga gumagamit ng droga.
Naging speaker ng Recovery and Learning Day si Randy Gomito ng Narcotics Anonymous na isang organisasyon ng mga dating nalulong sa illegal drugs ang aktibidad at ngayon ay tuloy-tuloy na sa pagbabagong buhay.
Ayon kay Gomito, mahalaga ang mga kahalintulad na aktibidad upang maging consistent ang takbo ng pagbabago ng mga PWUD at maging abala sila sa mga makabuluhang gawain.
Kabilang sa layunin ng Narcotics Anonymous ay tulungan ang mga nalulong sa droga at sa mga gumagamit nito nais ng magbagong buhay kaya naman nagpapasalamat ang naturang samahan sa Balik Pangarap program, dagdag pa ni Gomito.
Nagmula naman sa iba’t-ibang barangay ng Lungsod ng Kidapawan ang mga PWUD na lumahok sa Recovery and Learning Day tulad ng Nuangan, Poblacion, Sikitan, San Roque, Katipunan, Mua-an, Kalasuyan, Singao, Sudapin, Balindog, at Perez.
Samantala, anim na taon ang nakalipas mula ng ilungsad ang Balik Pangarap sa Lungsod ng Kidapawan noong 2016 as ilalim ng administrasyon ni dating Mayor at ngayon ay Senior Board Member Joseph A. Evangelista at ipinagpatuloy ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang mga programa ng Balik Pangarap.
Marami ng mga PWUD ang natulungan ng Balik-Pangarap na makapagbagong-buhay at naging mas produktibo sila sa kani-kanilang komunidad. (CIO-jscj/if/vb)
KIDAPAWAN CITY (August 19, 2022) – TULOY NA TULOY na ang pagbubukas ng Department of Foreign Affairs o DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa buwan ng Setyembre 2022. Ito ay makaraang pumirma sa isang virtual Memorandum of Agreement o MOA aina Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista at DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular Affairs Jesus Domingo nitong umaga ng Biyernes, August 19, 2022.Hudyat ito na tuloy na ang inaantay na pagbubukas ng opisina ng DFA sa lungsod. Sa pamamagitan nito ay mabibigyan na ng mga serbisyo gaya ng passporting services, civil registry at assistance to nationals hindi lamang mga taga Kidapawan City kungdi pati na rin sa mga karatig na bayan sa lalawigan ng Cotabato at mga kalapit probinsya. “ Malaking pakinabang ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa lahat ng taga Kidapawan at mga karatig lugar. Magdadala ito ng ibayo pang kaunlaran, koordinasyon, turismo at paglago ng negosyo sa lungsod. Ito ay resulta ng pagsisikap ng City Government na matugunan at mailapit pa ang mga programa at serbisyo ng Pamahalaan sa mga mamamayan’, mensahe ni Mayor Evangelista sa ginanap na MOA signing. Sinang-ayunan naman ng DFA ang mensahe ng alkalde lalo na at pinaplano ng ahensya na magkaroon ng ugnayan ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa mga embahada at tanggapan nito sa loob at labas ng bansa sa layuning maipakilala ang natatanging kultura at tradisyon ng lungsod. Magkatuwang naman ang tanggapan ni Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan, dating City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista, Regional Office XII ng National Economic and Development Authority o NEDA at ang DFA sa pagsasakatuparan ng nabanggit na proyekto. Matatagpuan ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan sa Alim Street katabi lamang ng City Overland Terminal sa barangay Poblacion ng lungsod. Maliban kina Mayor Evangelista at DFA Undersecretary Domingo, dumalo at sinaksihan din nina NEDA XII RD Teresita Socorro Ramos, DFA Asst. Secretary of Office of Consular Affairs Henry Bensurto Jr, DFA Kidapawan Head of Consular Office Nadjefah Mangodaya, City Administrator Janice Garcia, City Planning and Development Officer Divina Fuentes at iba pang mga opisyal ang naganap na virtual MOA signing. Sa September 2022 na din gaganapin ang inauguration ng bagong gusali kung saan ay unang mabibigyang serbisyo ang 30 identified clients nito bilang panimula. Bukas mula 10am hanggang 6pm ang DFA Consular Office Cotabato Kidapawan mula Lunes hanggang Biyernes.##(CMO-cio)
KIDAPAWAN CITY (August 18, 2022) – TATLONG mga road concreting projects sa Lungsod ng Kidapawan ang sumailalim sa groundbreaking ceremony ngayong araw na ito ng Biyernes, August 19, 2022.
Kinabibilangan ito ng boundary ng Barangay Balabag-Meohao road concreting project, Barangay Ginatilan road concreting project, at Barangay Perez concreting project kung saan nanguna sa groundbreaking si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista.
Abot sa 127 meters ang haba ng boundary Balabag-Meohao road project at nagkakahalaga ng P1,645,363.92, 150 meters ang Barangay Ginatilan at nagkakahalaga ng P2.1M, at ang Barangay Perez naman ay may haba na 835 meters at nagkakahalaga P9,074,458.70.
Agad ding sisimulan ang konstruksyon ng mga nabanggit na kalsada ngayon linggong ito at inaasahang matatapos sa buwan ng Oktubre, 2022
Mula sa 20% Economic Development Fund o EDF ng 2022 ang pondong ginamit sa mga nabanggit na road concreting projects.
Kaugnay, nito sinabi ni Mayor Evangelista na ang perang ginamit sa mga proyektong ito ay mula sa buwis na binabayaran ngmga mamamayan kaya’t nararapat lamang na maibalik ito sa kanila sa pamamagitan ng mga makabuluhang proyekto.
“Tinitiyak ng aking liderato na ang buwis na mula sa inyong dugo at pawis ay hindi masasayang bagkus ito ay tunay na mapapakinabangan ng mga Kidapaweno”, sinabi ng alkalde.
Bilang tugon, ipinaabot ng mga Punong Barangay nasina Eduardo Umpan (Balabag), Arlene Cabacungan (Ginatilan), at Jabert Hordista (Perez) ang kanilang psasalamat sa City Government of Kidapawan dahil sa pamamagitan ng mga road concreting projects ay mas magiging masigla ang kanilang ekonomiya at mapapaangat ang antas ng pamumuhay ng mga residente sa lugar. (CIO-jscj/if/vg)
KIDAPAWAN CITY (August 18, 2022) – MASAYA at nagkakaisang ipinagdiwang ng Lungsod ng Kidapawan ang ika-75 taong pagkakatatag nito bilang munisipyo ng Lalawigan ng Cotabato ngayong araw na ito ng Huwebes, August 18, 2022 (Special Non-Working Holiday).
Nagsimula ang aktibidad dakong 6:30 ng umaga sa pamamagitan ng isang Civic-Military Parade na may temang Colors of Mindanao.
Nanguna sa parada si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista kasama ang iba pang mga opisyal ng Lungsod ng Kidapawan kabilang sina Vice-Mayor Melvin Lamata, Jr. mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng Kidapawan, mga empleyado, government offices at line-agencies, people’s organizations, business, academe, at iba pang sektor.
Sumunod naman ang programa para sa 75th Foundation Anniversary ng Kidapawan sa loob ng City Gym alas-9 ng umaga.
Nagbigay ng kanyang audio-visual message si Department and Budget and Management Sec. Amenah F. Pangandaman kung saan pinuri niya ang pagsisikap ng City Government of Kidapawan at mamamayan nito na maipagdiwang ang anibersaryo sa pamamagitan ng simple ngunit makulay at makabuluhang mga aktibidad.
Sa naturang pagkakataon ay binigyan ng recognition o pagkilala si dating City Mayor at ngayon ay SP Cotabato Senior Board Member Joseph A. Evangelista dahil sa mahabang panahon ng paglilingkod at pagmamahal sa lungsod at sa mga Kidapawenos.
Naging panauhin din at nagbigay ng kanikanilang mensahe sina Cotabato Provincial Governor Emmylou Talino-Mendoza at Vice-Governor Efren Pinol.
Ginawa din ang launching ng Commemorative Stamps ng Kidapawan City na kauna-unahan naman sa kasaysayan ng lungsod. Tampok rito ang lake Venado Mt. Apo Natural Park, Paniki Falls Eco-River Park, Kasadya sa Timpupo Fruit Festival at Islands sa Highway ng Kidapawan.
Ginanap din ang pinaka-aantay na Fruit Festival Thematic Street Dancing Competition kung saan apat na contingents ang naglaban at nagpakitang gilas sa street dancing – The Nymphs of Kidapawan (DepEd/KCNHS – Champion P50,000), Sinagtala (Paco National Hiigh School), Rambo Fairies (Central Mindanao Colleges), at Rainbow Fairies (LGBTQ Community).
Bawat contingent naman ay tumanggap ng tig-P50,000 bilang subsidy mula sa City Government of Kidapawan.
Sinundan ito ng Kainan ng Bayan sa City Plaza kung saan inimbitahan ang mga piling mamamayan mula sa 40 barangay ng Lungsod ng Kidapawan na pagsaluhan ang pagkaing inihanda ng City Government of Kidapawan.
Hindi pa rin nagpahuli ang Fruits Eat All You Can for a Cause sa City Plaza na nasa ika-labing tatlong at huling araw kung saan inihain ang iba’t-ibang prutas tulad ng duryan, marang, mangoosten, lansones, saging, dragon fruit, kabilang na ang “sinugbang duryan” grilled cheesy durian na kinagigiliwan ng lahat.
At bilang pangwakas o finale, isang fireworks display ang ginanap sa Kidapawan City Pilot Elementary School o KCPES Grounds na sinundan ng isang fire dance show sa City Hall grounds.
Ito naman ay bilang pasasalamat sa lahat ng sektor na nakiisa sa pagdiriwang ng mahalagang okasyon ng lungsod na naging lubos na matagumpay sa kabila ng iba’t-ibang suliranin at pagsubok tulad ng Covid-19 pandemic, malakas na buhos ng ulan na nagresulta sa flashfloods at iba pang mga hamon.
Kaugnay nito, muling pinasalamatan ni Mayor Evangelista ang mga Kidapawenos at ang bawat isa na sumuporta sa mga aktibidad ng 75th Foundation Anniversary of Kidapawan – Kasadya sa Timpupo ’22 na may temang “Nagkakaisa’t Luntiang Kidapawan tungo sa Makulay na Kinabukasan”. (CIO-jscj/if/aa/vb/dv/ml)