NEWS | 2022/08/23 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (August 23, 2022) – PINALALAKAS pa ngayon ng mga miy888embro ng Balik Pangarap sa Lungsod ng Kidapawan ang kanilang ugnayan at suporta sa bawa’t isa.
Ito ay matapos ang ginawa nilang aktibidad na tinawag na Recovery and Learning Day sa City Convention Center nitong August 22, 2022 na pinangasiwaan ni Joel Aguirre, Focal Person at Coordinator ng Balik Pangarap program.
Sa naturang aktibidad, binigyan ng kaalaman ang mga Person Who used Drugs o PWUD sa kung paano silang tuluyang makakaiwas sa droga at kabilang sa mga paraan ay ang pagpapalakas ng support system sa recovery at pagbabago ng mga gumagamit ng droga.
Naging speaker ng Recovery and Learning Day si Randy Gomito ng Narcotics Anonymous na isang organisasyon ng mga dating nalulong sa illegal drugs ang aktibidad at ngayon ay tuloy-tuloy na sa pagbabagong buhay.
Ayon kay Gomito, mahalaga ang mga kahalintulad na aktibidad upang maging consistent ang takbo ng pagbabago ng mga PWUD at maging abala sila sa mga makabuluhang gawain.
Kabilang sa layunin ng Narcotics Anonymous ay tulungan ang mga nalulong sa droga at sa mga gumagamit nito nais ng magbagong buhay kaya naman nagpapasalamat ang naturang samahan sa Balik Pangarap program, dagdag pa ni Gomito.
Nagmula naman sa iba’t-ibang barangay ng Lungsod ng Kidapawan ang mga PWUD na lumahok sa Recovery and Learning Day tulad ng Nuangan, Poblacion, Sikitan, San Roque, Katipunan, Mua-an, Kalasuyan, Singao, Sudapin, Balindog, at Perez.
Samantala, anim na taon ang nakalipas mula ng ilungsad ang Balik Pangarap sa Lungsod ng Kidapawan noong 2016 as ilalim ng administrasyon ni dating Mayor at ngayon ay Senior Board Member Joseph A. Evangelista at ipinagpatuloy ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista ang mga programa ng Balik Pangarap.
Marami ng mga PWUD ang natulungan ng Balik-Pangarap na makapagbagong-buhay at naging mas produktibo sila sa kani-kanilang komunidad. (CIO-jscj/if/vb)