13 STREET CHILDREN NABIYAYAAN NG ECA MULA SA CSWD

You are here: Home


NEWS | 2022/11/02 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (November 2, 2022) – LABING-TATLONG mga kabataang namamalimos o street children ang nakabiyaya mula sa programang Educational Cash Assistance o ECA ng City Social Welfare and Development Office o CSWDO.

Tinanggap ng nabanggit na mga street children ang ayuda sa distribution na ginanap sa Office of the City Mayor, alas-nuwebe ng umaga sa pangunguna ni Mayor Jose Paolo M. Evangelista kasama si City Social Welfare and Development Officer Daisy G. Perez, RSW.

Sa ginawang profiling ng CSWDO, napag-alaman na karamihan sa mga natukoy na street children ay mga mag-aaral mula sa Barangay Sudapin ng lungsod at namamalimos umano upang may pambaon at pambili ng gamit sa paaralan.

Kaya naman matapos ang kaukulang assessment and verification ay agad ding ipinatupad ang pagbibigay ng ayuda sa mga bata.

Labing-isa sa mga bata ay nakatanggap ng P5,000 habang dalawa ay tumanggap ng tig P2,000. Kasama nila sa pagtanggap ng tulong ang kanilang mga nanay.

Nakapaloob ito sa Comprehensive Program for Street Children o CPSC ng City Government of Kidapawan kung saan nakasaad ang mga intervention na ipatutupad para sa mga street children o mga batang namamalimos, sinabi ni Perez.

Layon ng CPSC na tulungan ang mga street children sa pamamagitan ng pagpapatupad ng angkop na hakbang upang hindi na sila magtungo pa sa mga lansangan at iba pang pampublikong lugar upang humingi ng limos.

Nais din ng City Government of Kidapawan sa pamamagitan ng CSWDO na tiyaking nasa loob ng paaralan ang mga batang lansangan at matiyak ang kanilang kaligtasan .

Maliban rito, layon din ng programa na matulungan pati na ang mga magulang ng mga street children na makahanap ng livelihood o mapagkakakitaan para na rin sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Nakabatay din sa Presidential Decree No. 1563 o Anti-Mendicancy Law ang programang ito kung saan ipinauunawa sa publiko na hindi tama at hindi nakakatulong ang pagbibigay ng limos sa mga street children bagkus ay nakadadagdag pa sa problema dahil nawawalan sila ng interes na magsikap at itutuon na lamang ang panahon sa panlilimos.

Samantala, sa pamamagitan ng CSWDO ay naitatag ang organisasyon ng mga magulang ng mga street children sa Barangay Sudapin, Kidapawan City upang mabigyan sila ng kaukulang tulong sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program o SLP at mga capacity building.

Susundan naman ito ng pagsasagawa ng family case work at school and house visitations na isasagawa ng CSWDO upang magtuluy-tuloy na ang pagbabago at pag-angat ng antas ng pamumuhay ng mga street children at kanilang mga magulang. (CIO-jscj//aa/if)



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio