NEWS | 2023/01/10 | LKRO
ISA ang mental health o ang maayos na emotional, psychological, at social well-being sa kailangang tutukan lalo na ngayong meron pa ring pandemiya ng COVID-19.
Kaya naman isang mental health checkup ang isinagawa sa City Health Office sa pangunguna ng Provincial Government of Cotabato sa pakikipagtulungan ng City Government of Kidapawan kung saan layon nito na matingnan ang kalagayan ng mga mamamayang nakaranas ng mental disorder at nangangailangan ng treatment o gamutan upang maging maayos ang kanilang pamumuhay.
Ayon kay Lucille Mae Q. Ortigas, Non-Communicable Disease Coordinator, ang aktibidad ay bahagi ng serye ng mental checkup para sa mga ordinaryong mamamayan mula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod upang mabigyan ng karampatang atensyon at lunas sa kanilang mga taglay na kondisyon.
Si Dr. Esper Ann Juanir-Castaneda, isang Psychiatrist ang masusing nagsasagawa ng checkup o masinsinang tumitingin sa estado o kalagayan ng mga indibidwal na nakaranas ng mental disorder.
May mga nurses, midwives, at iba pang hospital staff mula sa Integrated Provincial Health Office o IPHO at CHO na nangangasiwa sa takbo ng consultation and assessmentng mga npasyente.
May angkop na mga gamot o mental health medications ang ibinibigay ng libre sa mga pasyente kabilang na ang mga oral at injectable medications upang magtuluy-tuloy ang kanilang paggaling.
Mahigit 50 indibidwal o pasyente naman ang nabigyan ng serbisyo ngayong araw na ito.
Marami ding mga mamamayan ang nakaranas ng stress, depression, at anxiety sa panahon ng COVID19 pandemic at nakaapekto ito sa takbo ng kanilang pag-iisip kaya’t mahalaga na matingnan ang kanilang kalagayan.
Kaya naman prayoridad ng pamahalaan ang kanilang tuluyang paggaling at kaligtasan upang tuluyang makapamuhay ng masaya kasama ang kanilang pamilya.
Para sa Luntian Kidapawan Reports, ako si Jimmy Sta Cruz ng City Information Office, nag-uulat.