NEWS | 2023/01/25 | LKRO
KIDAPAWAN CITY (Enero 24, 2023) – PATULOY ang paghahatid ng tulong ng City Government of Kidapawan para sa mga nagpapalago ng fishpond sa lungsod.
Patunay rito ay ang matagumpay na pamamahagi ng hito at tilapia fingerlings na bago lamang naisagawa sa Mega Tent sa City Plaza sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the City Agriculturist kung saan abot sa 158 na mga maliliit na fishpond owners o operators ang nakinabang.
Ang nabanggit na distribusyon ay sa ilalim ng Agricultural Production and Food Sufficiency Program ng City Government na ang pondo naman ay nanggaling sa 20% Economic Development Fund for 2022 ng lungsod.
May sukat na mula 100, 200, 600 hanggang 1,000 square meters ang mga fishpond na pinalalago ng mga benepisyaryo ng fingerlings kung saan sa pinakahuling distribusyon ay nakatanggap sila ng mula 500 hanggang 1,000 fingerlings.
Nakapaloob sa programa ang 50-50 scheme with buy back kung saan bibilhin ng City Government of Kidapawan ang harvest na tilapia at hito at ang babayaran ng mga benepisyaryo ay kalahati o 50 percent lamang ng kanilang nakuhang ayuda sa loob ng production period o sa panahong sila ay nagkakaroon ng mga harvest.
May Memorandum of Agreement o MOA na lalagdaan sa pagitan ng Local Government Unit ng Kidapawan at beneficiary na kailangang tuparin ng bawat isa para matiyak ang maayos na implementasyon ng programa.
Ang mga nakinabang sa nabanggit na ayuda ay mula sa mga barangay kung saan dumarami na ang mga nagpapalago ng fishpond at kabilang dito ang Linangkob, Ginatilan, Paco, Singao, Ilomavis, Balabag, Sikitan, Santo Nino, Balindog ganundin ang Binoligan, Indangan, Kalaisan, Manongol, Meohao, at Mua-an.
Samantala, hinihimok din ng Office of the City Agriculturist ang mga benepisyaryo na magpa-miyembro sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC upang mabigyan ng insurance at proteksyon ang kanilang mga fishpond sa oras ng kalamidad o mga kasiraan na posibleng makaapekto sa kanilang mga hanap-buhay.
Maliban sa mga pananim o crops, layon din ng PCIC na proteksyunan sa pamamagitan ng insurance ang mga makinarya, pasilidad at iba pang mga kagamitang pansakahan para sa ikabubuti ng mga magsasaka at mga mangingisda.