CANOPY ’25 NA NAGLALAYONG MAKAPAGTANIM NG 2.5 MILYONG PUNONG KAHOY INILUNGSAD NGAYONG ARAW SA LUNGSOD NG KIDAPAWAN

You are here: Home


NEWS | 2023/02/22 | LKRO


thumb image

KIDAPAWAN CITY (Pebrero 21, 2023) – INILUNGSAD ngayong araw na ito ng Martes, ika-21 ng Pebrero 2023 ang isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang proyekto ng City Government of Kidapawan sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo M. Evangelista.

Ito ay ang makasaysayang launching ng CANOPY’25 Forest Growing na may kaugnayan sa ika-25 Anibersaryo ng pagkakatatag bilang Charter City ng Kidapawan City o Jubilee Celebration ng lkungsod at naglalayong magkaisa ang lahat ng stakeholders sa pangangalaga at proteksiyon ng kalikasan at mailigtas ang buhay ng mga tao.

Nanguna si Mayor Evangelista sa naturang aktibidad na ginanap sa Barangay Ginatilan, Kidapawan City partikular na sa gilid ng Sarayan River kung saan ginawa ang ceremonial planting at itinanim ang abot sa 270 iron bamboo trees at 50 dao trees at makatutulong sa pangangalaga ng kalikasan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Evangelista na ito na ang simula ng makasaysayan at napakahalagang pagkilos para sa proteksiyon ng kalikasan at magbibigay-daan sa kaligtasan ng mga susunod na henerasyon.

Inihayag din ng alkalde na ngayon na ang tamang panahon o oras para sama-samang kumilos at iligtas ang kapaligiran sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy.

Hindi rin daw sapat kung puro salita lamang ang pangangalaga sa kalikasan kaya’t dapat ito ay isakatuparan na simula ngayong araw na ito sa paglulungsad ng CANOPY ’25 kung saan nagsimula na ang pagtatanim.

Target ng City Government of Kidapawan na maitanim ang abot sa 2.5 milyong punong kahoy sa loob ng isa hanggang dalawang taon sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office o CENRO kasama ang iba’t-ibang stakeholders.

Nakiisa sa mahalagang okasyon ang iba pang mga opisyal ng Lungsod ng Kidapawan kabilang ang Sangguniang Panlungsod, mga Heads of Offices/Departments, Government at National Line Agencies, academe, church and religious, business, People’s Organizations, environmental protection groups and advocates, mga opisyal ng barangay at iba pa.

Masaya at sabay-sabay nilang itinanim ang bamboo at dao trees sa magkabilang bahagi ng Sarayan River at lumagda rin sa isang Manifesto kasabay ang pangakong hindi lamang magtatanim kundi talagang aalagaan at titiyaking mabubuhay ang mga punong kahoy.

Maliban naman sa iron bamboos at dao trees, ay kabilang din sa itatanim ng mga stakeholders ang fruit trees, coffee at cacao at sisimulan ang pagtatanim ng mga ito sa buwan ng Abril 2023, ayon kay Edgar Paalan, ang City Environment and Natural Resources Officer ng Kidapawan.

Mahirap at iba’t-ibang mga hamon ang kakaharapin ng CANOPY ’25, ayon kay Mayor Evangelista, ngunit naniniwala siya na kapag nagkaisa at kapit-bisig ang lahat at kapag may tunay na kooperasyon at commitment ang bawat isa ay walang imposibe at makakamit ang hangaring mailigtas ang kapaligiran.



@ 2018 Kidapawan City. All rights reserved.

Developed and Maintained by: Durian Studio